PANIMULA
Nagpapasalamat ako sa pagtangkilik ninyo sa aking e-book. Nagpapatunay lamang na nais ninyong basahin ito sa pinagmulang wikang Filipino. Ako mismo ay nagdadalawang-isip noong araw kung isasalin ko ang mga nobelang nakapaloob rito sa wikang Ingles. Ngunit napagtanto ko na hindi ganoon kadali ang isalin ang mga salitaing Filipino lalo na kung gagamitin sa konteksto ng pangkasalukuyang wika at salitain.
Kaya minarapat kong ilathala muli ang aking unang tatlong nobela sa kanyang pinagmulang wika. Marahil ay wala na kayong makikitang kopya pa ng Kung äng Txt i My CuPdö (",) at Can I Use My Love Line? sa mercado. Mahigit 13 taon ko nang naisulat ang mga ito. Isa pa, ang pangatlong nobela na I'm Greg, Short For Gregarious ay hindi nailathala noong araw dahil sa kanyang temang homosekswal.
Marami na ang nagbago sa loob ng 13 taon. Naisip ko na panahon na upang malaman ng mga mambabasa ang aking unang tatlong akda. Mahalaga sa akin ang unang trilohiya na ito dahil ito ang nagbukas ng pinto sa mundo ng freelance writing. Naging malaya ako sa paggamit ng iba't ibang ayos ng panulat hindi lamang ng nobela kundi pati na rin ang komiks at column sa pahayagan.
Halikayo at sariwain natin ang nakaraan upang makita ninyo kung paano ako nagsimula. Muli, maraming salamat sa inyong pagtangkilik.
- Issa N. Uycoco-Bacsa, Setyembre 2015
"Ed, C Christine 2. Kumusta C itay?" text ko.
Bihira ko nang tawagin si Ed ng kuya. Kahit mas matanda siya sa akin ng dalawang taon, napagkakamalan pa rin akong panganay kaysa kanya. Marahil dahil sa mas mukha akong seryoso sa buhay dala ng pagiging working student ko noong kolehiyo at sa tensiyon ng aking trabaho bilang writer sa telebisyon.
Makailang minuto ay nakatanggap ako ng text mula sa number ni Kuya.
"Hi! Can u B my textm8? u"
Nagulat ako sa mensahe. Naisip ko na baka nagbibiro lang ang aking kapatid. Masyado kasing palabiro si Ed kaya sinagot ko ang kanyang text.
"Kuya, C Christine 2. Wg k n magbiro jan. Kukumustahin ko lng c itay."
"M not Ed. Ds s Jonathan. Can u b my textm8? u"
Lalo akong nabigla. Wala akong kilalang Jonathan. Sa kamamadali ko, na-type ko ang sagot na "OK". At parang nawala naman ako sa aking sarili nang mapindot ko ang Send.