"Kasi po, nakita ko siya sa simbahan kahapon ng umaga may kasamang ibang babae," sabi ni Gie habang humihikbi. "Okay lang sana kung kamag-anak niya 'yon, e. Ang kaso, hindi po. Kaklase ko noong high school 'yung kasama niya."
Naawa ako kay Gie sa mga narinig ko. Palaging ganoon na lang ang dahilan ng pag-aaway nilang magkasintahan. Mabait siyang tao at hindi yata nararapat na basta-basta lang siyang tratuhin ng ganoon ni Boyet.
"Huwag mo nang isipin 'yon," sabi ko. "Marami pang lalaki diyan na mas higit pa sa kanya."
Ewan ko naman kung bakit iyon ang nasabi ko. Wala lang. Siguro para may masabi lang sa kanya sa oras ng kanyang kalungkutan. Isa pa, mas boto pa ako kay Allan.
"Tulad ni Allan, 'yung anak ni Mang Ramon," dugtong ko. "Panay ang tingin sa iyo kanina."
Tinignan lang ako ni Gie. Alam niya ang gusto kong sabihin.
"Hindi ko naman masisisi ang nanay mo na piliin si Allan kaysa kay Boyet. Unang-una, graduate ng kolehiyo, propesyonal. Pangalawa, mukhang disente," paliwanag ko. "Hindi por que guwapo si Boyet ay okay na."
Huminto na rin si Gie sa pag-iyak. Nakita ko na ginamit na niya ang aking panyo.
"Siguro nga, Sir," ani niya. "Hindi lang naman siya ang lalaki sa mundo, a. Makikita niya..."
"Ganyan," sabi ko ng pabiro. "Tignan mo ako, walang problema..."
Tinignan lang ako ni Gie at ngumiti. Alam niya kasing wala pa rin akong girlfriend mula nang kami ay magkakilala.
"O, e 'di ngumiti ka rin," sabi ko.