SA HALIP NA MAGHINTAY ng daraan na bus sa lugar namin, nagpasya kami ni Greg na pumunta sa siyudad at doon sa terminal sumakay ng bus papuntang Maynila. Doon makakasiguro kaming makakasakay ng maayos. Isang oras rin kaming naghintay hanggang sa makasakay kami.
Tahimik lang ako sa buong biyahe. Kahit kay Greg ay hindi ako kumikibo. Alam niya na malungkot ako. Hawak ko ang aking cellphone at pinindot ang Menu. Sa Phone Book, pinindot ko ang Select. Hinanap ko ang salitang Edit at pinindot ito. Pinalitan ko ang pangalan ni Jonathan ng Jeffrey at si-nave ko ang bagong pangalan.
Isa-isa kong binasa ang mga naka-save na text messages sa aking Inbox na nagmula kay Jeffrey hanggang sa pinakahuling mensahe:
"Ikw lng ang babeng pnkmmhal ko. Mtgal ko ng pngsisihan ang lhat. Sna mptawad mo ako. I LOVE YOU, CHRISTINE!"
Hindi ko napigilang mapaluha. Nagbalik lahat ng alaala nitong mga nakalipas na araw.
"Christine, okay ka lang?" narinig kong tanong ni Greg.
Pinahid ko ang aking mga luha at tumango sa kanya.
"Oo naman," sabi ko.
Hinawakan ni Greg ang aking kamay. Napaka-reassuring ang kanyang mga tingin sa akin. Hindi ko na naman napigilang umiyak.
"Mahal ko pa rin siya, Greg," sabi ko.
Inakbayan ako ni Greg at inilagay ang aking ulo sa kanyang balikat.
Narinig naming tumunog ang aking cellphone. Tinignan ko kung kanino galing ang text. Kay Jeffrey. Tumingin ako kay Greg.
Tumango lang siya. Binasa ko ang mensahe.
,, ,,/
('v') <' )
(( )) '(/ /)
>-"--"----"-"--
,, ,//
('v')<' )
(( )) (/ /)
"- "--"--"-"--
Napangiti ako. Ipinabasa ko kay Greg ang text at napangiti rin siya. Nagring ang aking cellphone. Galing kay Jeffrey ang tawag. Sinagot ko ito.
"Hello?"
"Mag-iingat ka lagi, ha?" ani Jeffrey sa kabilang linya.
Parang may kakaiba sa kanyang tinig. Hindi ko alam kung ano.
"Nasaan ka?" tanong ko, nagtataka.
"Basta, nandito lang ako para sa 'yo," ani niya.
Tumayo ako sa aking kinauupuan at lumingon-lingon sa loob at labas ng bus. Napangiti ako nang makita ko si Jeffrey na nasa likod ng aming inuupuan sa loob ng bus. Kasama niya si Tina. Kinalabit ko si Greg at itinuro ko ang kinaroroonan ni Jeffrey.
Ibinaba ni Jeffrey ang kanyang cellphone.
Tumayo naman si Greg at nakipag-palit ng upuan kay Jeffrey.
Nang magkatabi na kami ni Jeffrey ay napangiti ako sa kanya.
"Sinusundan mo ba ako?" tanong ko.
"Matagal na," ani niya.
Sinilip ko sina Greg at Tina sa likuran. Tuwang-tuwa ang dalawa sa pakikipagbiruan at kuwentuhan.
"Akala ko nasa Maynila na kayo," sabi ko kay Jeffrey.
"Sino'ng nagsabi?" ani Jeffrey.
"Si Ed."
"Naniwala ka naman sa gagong 'yon."
Inakbayan niya ako at hinalikan sa noo at sa labi. Hinayaan niyang ipatong ko ang aking ulo sa kanyang balikat.
"Ni minsan ba, hindi mo naisip na ako si Jonathan?" tanong niya sa akin.
"Hindi," sagot ko. "Pero kapag naiisip ko 'yung nakita kitang nag-text noong kumakain tayo ng pizza, at 'yung hindi ka nakasagot dahil naiwanan mo ang cellphone mo, at pareho kayong nagtatrabaho sa Pfiezer, med. rep... ang mga biro ni Kuya... Hindi ko nga malaman kung bakit hindi ko kaagad nakuha 'yon, e."
"Convincing ba?"
"Oo, sobra."
"Sorry kung naloko ka," ani Jeffrey. "Sana maintindihan mo kung bakit ko nagawa lahat 'yon..."
"Tama nga si Greg," sabi ko. "Magagawa mo ang lahat para lang mapalapit uli ako sa iyo. Kung sana'y nakinig na lang ako sa payo niya noon..."
"May gusto ba sa iyo si Greg?" tanong ni Jeffrey.
"Mag-best friend lang kami nun," sabi ko. "At kung may gusto man iyan sa akin, e 'di sana'y hindi 'yan bading."
Dumungaw sa amin si Greg.
"Narinig ko 'yon."
Nagkatinginan kami ni Greg. Ngumiti ako at kinindatan ko siya. Alam ko na imposible kaming magmahalan dahil kapiling ko ang una kong pag-ibig na si Jeffrey.
"Oo nga pala, may naalala ako," sabi ko kay Jeffrey. "Ano ang pinagsasabi mo kay Tina?"
"Ha? Bakit?"
"Sabi niya sa akin na sinabi mo raw sa kanya na kaya raw ako galit sa iyo ay dahil hindi ako ang Mama niya," sagot ko.
Biglang natawa si Jeffrey.
"O, bakit ka natawa diyan?"
"Iyon ba?" sabi ni Jeffrey habang natatawa. "Si Ed ang nagsabi sa kanya nun, 'di ako."
Ay, ang kapatid ko talaga!
THE END