Chapter 18: ARAY!
___________________________________________
KINAUMAGAHAN, hindi pa rin kami nagpapansinan ni Ed. May galit ako sa kanya dahil alam kong kasabwat siya ni Jeffrey. Tumunog ang aking cellphone at ang text message ay mula kay Jeffrey bilang Jonathan.
Happy
New Year!
Binura ko kaagad ang mensahe. Nararamdaman ko pa rin ang matinding galit sa kanya. Ginawa niya akong tanga, niloko niya ako! Pangalawang beses na niyang ginawa ito sa akin.
NAGHANAP AKO NG MAGAGAWA dahil hindi ako makapag-isip ng mabuti sa aking sinusulat. Pinilit kong manood ng TV pero wala akong nagustuhang palabas. Sinubukan kong magbasa ng magazine at diyaryo, pero nasa isip ko pa rin ang nangyari sa amin ni Jeffrey kagabi.
Napansin siguro ni Greg na hindi na ako mapakali. Niyaya niya ako na mamasyal at maglakad-lakad sa labas. Pumayag ako. Pero nang makarating kami ng plaza, nakita ko sina Ed at Jeffrey na nagba-basketball. Kaya niyaya ko na si Greg na umuwi ng bahay.
Sinubukan namin ni Greg na tumao sa tindahan. Pero wala rin ako sa aking sarili. Nagkakamali na ako sa pagbigay ng sukli sa mga mamimili. Napansin ito ni Itay kaya tinawag niya ako. Pinakiusapan niya si Greg na siya muna ang tumao roon.
Nag-usap kami ni Itay sa sala. Nakaupo siya sa may pintuan malapit sa tindahan upang marinig niya ang mga tanong ni Greg tungkol sa mga presyo ng iba't-ibang bagay.
"Anak," ani Itay, "kilala ko si Jeffrey. Mas kilala ko pa nga yata siya kaysa iyo."
Tahimik lang akong nakikinig sa mga sinasabi ni Itay. Hindi ko namang magawang tumingin sa kanya dahil napapaiyak ako. Ayaw kong makita ng Itay kung gaano ang pamamagta ang aking mga mata sa kaiiyak.
"Nang mabuntis si Ces," patuloy ng aking ama, "sa akin siya unang nagpunta. Humingi ng payo. Sinabi ko sa kanya, harapin niya ang problema niya ng buong tapang, huwag niyang talikuran. Gusto kong magalit sa kanya pero ipinakita niya sa akin kung gaano siya nagsisisi. Lahat tayo nasaktan noon."
Sa aking isipan, pilit kong sinasagot ang bawat punto na sinasabi ng aking ama. Paano naging masakit 'yong kay Jeffrey, Itay? Siya nga itong nagpadala sa tukso. Umupo ako ng maayos habang nakikinig sa aking ama.
"Isipin mo na lang na hinarap ni Jeffrey ang mga magulang nung babae at nag-alok ng kasal para may pangalan ang bata. Dahil nag-aaral pa si Ces noon, pinaglive in muna sila ng kanilang mga magulang. Isinilang si Tina at kinuha kayo nina Ed bilang ninong at ninang."
Iyon na nga, e! Insulto 'yon, Itay!
"Gusto niya kayong maging pangalawang magulang ng bata," patuloy ni Itay. "Nang maglaon, 'di na sila magkasundo ni Ces. Pero pinilit ni Jefrey na maging isa ang kanilang pamilya. Hindi nagtagal, umalis si Ces at iniwan ang bata kay Jeffrey. Mula noon, nagsikap si Jeffrey na maitaguyod si Tina.
So single father siya... mabuti nga sa kanya.
"Nabalitaan na lang namin na nakapag-asawa ng negosyante sa Cebu at hindi alam ng kanyang asawa ang tungkol kay Tina. Lumapit sa akin si Jeffrey, hinahanap ka," patuloy ng kuwento ni Itay.
Naku, at bakit? Panakip-butas? Spare tire? Lalong uminit ang ulo ko. Pero hindi ako nagpahalata kay Itay.
"Gusto ka niyang sundan sa Maynila. Pero nagalit ka na sa amin ng Kuya mo, dahil ibinigay namin kay Jeffrey ang address mo sa Maynila. Kaya umalis ka at nag-iba ng boarding house."
Tama nga po. Ayaw ko talaga siyang makita noon pa man.
"Mula noon, hindi ka niya nakita o nakausap. Kapag umuuwi ka rito sa Moncada, hindi niya alam at kung narito man siya, kaaalis mo lang. Palaging ganoon. Siguro ninais ng Maykapal na ganoon ang mangyari. Ang panahon na ang naghilom ng sugat."
Ganoon? Nagkasalisihan lang kami all these times. Hindi ko na napigilang ibaon ang aking mukha sa aking mga palad para umiyak.
"Nang mauso ang text," patuloy ni Itay, "naisip ni Ed na magpanggap na ibang lalaki si Jeffrey."
Bigla akong napatingin kay Itay, hindi ko naalintana na basa ng luha ang aking mga mata.
"Ang Kuya?" tanong ko. "Siya ang may pakana nito?"
"Matagal nang nagsisisi si Jeffrey, Christine," ani Itay. "Si Ed lang ang lagi niyang pinagbubuhusan ng problema. Kaya nagkaganyan ang Kuya mo, hanggang ngayon, hindi na umibig ng seryoso sa babae. Baka raw kasi maging kagaya mo."
Tinawag ni Greg ang Itay dahil may tao raw na naghahanap sa kanya. Umalis si Itay at pumasok sa tindahan. Naiwan akong nag-iisip sa mga sinabi ng aking ama.
NAG-TEXT SI JEFFREY pero Jonathan pa rin ang nakalagay na pangalan sa aking cellphone.
"Sna d mo n lng kita hinlikn. Sna d mo n lng ako umasa. Sna s mnl n lng kmi nagpasko. Sorry."
Nasa Maynila ba siya nang magsimula siyang mag-text bilang Jonathan? Hindi ko alam kung sasagutin ko ba ang text o hindi. Kaya hinayaan ko na lang ito.
GABI NA NANG DUMATING SI ED sa bahay. Nilapitan ko siya at tinanong.
"Kuya, talaga bang ibinenta mo ang cellphone kay Jeff?"
"Oo," ani niya. "Kailangan ko ng pera, e."
"Nasaan si Jeffrey nang unang mag-text ako sa 'yo?"
"Nandito siya noon, dumalaw lang," sagot ni Ed. "Ako na ang nagsabi sa kanya na hindi ko sasagutin ang mga text mo. Kaso, baka magalit ka raw kung malaman niya na siya ang ka-text mo. So, sinabi ko magpanggap siyang iba."
Tumahimik lang ako.
"Sorry, sis, kung nasaktan ka," ani Ed. "Gusto ko lang naman na magkabalikan na kayo. Naaawa na ako sa kanya, sa totoo lang."
Tinignan ko ang Kuya. Kitang-kita naman sa kanyang mga mata na ginawa lang niya iyon para sa matalik niyang kaibigan. Ngumiti ako at tumango.
"Okay lang," sabi ko. "Naikuwento na lahat sa akin ni Itay."
Inakbayan ako ng Kuya at ngumiti sa akin.
"Paano ba 'yan? Inihatid ko na sila sa terminal kanina. Umuwi na ng Maynila. Text mo na lang kung gusto mo pa siyang makita sa Maynila. Sa Makati lang nakatira 'yon."
Seryoso ang mukha ni Kuya, kaya alam kong hindi siya nagbibiro.
KINAGABIHAN, hawak ko ang aking cellphone habang nakahiga sa kama. Nakahanda na ang mga gamit namin ni Greg pauwi ng Maynila. Mahimbing na natutulog si Greg sa aking tabi. Naisipan kong mag-text kay Jeffrey.
"Bukas ang blik nmin ng mnla. Hope 2 c u agen."
Tinitigan ko ng matagal ang text ko. Nagdadalawang isip ako kung pipindutin ang Send o hindi. Sa bandang huli ay binura ko ang aking mensahe.
Ang tagal kong nag-isip ng isusulat pero hindi ako makapagdesisyon sa pagte-text. Nagpasya na akong huwag munang mag-text kay Jeffrey. Makailang sandali ay nakatanggap ako ng text mula sa kanya.
"Ikw lng ang babeng pnkmmhal ko. Mtgal ko ng pngsisihan ang lhat. Sna mptawad mo ako. I LOVE YOU, CHRISTINE!"
Napaiyak ako. Hindi ko nasagot ang text sa kaiiyak hanggang sa nakatulog ako.