The First Trilogy (in Original Filipino Text) by Issa Bacsa - HTML preview

PLEASE NOTE: This is an HTML preview only and some elements such as links or page numbers may be incorrect.
Download the book in PDF, ePub, Kindle for a complete version.

PART THREE: ASK THE AUDIENCE

_____________________________________

SUMAPIT ANG MAYO 19, at pakiwari ko'y malungkot ang buong bayan namin. Ang daming katanungan ang mga tsismoso't tsismosa kay Itay na hindi naman masagot ng aking ama.

Hindi na pumasok si Gie. Kaya ako na ang gumagawa ng mga gawain niya sa clinic. May mga bagong batch ng mga interns na mananatili sa akin ng tatlong buwan at ako rin ang mamamahala ng mga ito.

Sa clinic lang ako tanggap ng mga tao. Pero kapag lumabasa na ako rito, galit na ang buong mundo sa akin. Hindi na rin ako pinapansin ni Aling Etang. Alam na rin nina Itay at Christine ang nangyari.

"Huwag kang mag-alala Kuya Ed, malalagpasan mo rin 'yan," ani Christine.

Bihira niya akong tawaging kuya dahil hindi naman ako sanay na tawagin ng ganoon. Pero parang musika sa pandinig ko ang pagkakabigkas niya ng kuya. Inakbayan ko si Christine.

"Noon bang namili ka kung sino ang gugustuhin mo sa pagitan nina Jeffrey at Jonathan, ganito rin ba ang pakiramdam? Parang ang bigat sa dibdib, na hindi naman dahil nasabi mo na ang totoo?"

Natigilan si Christine sa tanong kong iyon. Noong Pasko lamang niya naramdaman ang maipit sa dalawang taong gusto niyang mahalin. Pero ang kaibahan lang, hindi alam ni Chris na si Jeffrey at ang Jonathan ay iisang tao lamang. Ka-textmate lang niya si Jonathan noong Pasko at si Jeffrey naman ay nakikipagbalikan na sa kanya noon. Isang pagbibiro ko lamang iyon sa aking kaibigan na kanyang tinotohanan.

"Oo, Kuya," ani Chris. "Nasaktan ako noon pero alam kong naroon 'yung pag-ibig na matagal nang nakatago."

"Ganoon rin ako kay Gie," sabi ko. "Pero minahal ko rin si Lyn."

"Iyon nga lang, Kuya, hinayaan mong masaktan si Lyn. Talagang masakit 'yon para sa kanya."

KALAT NA ANG BALITA tungkol sa paghihiwalay namin ni Lyn. Marami ang nanghihinayang dahil hindi natuloy ang aming kasal.

"Paano na 'yan ngayon?" tanong ni Mang Isko, isa sa mga pasyente ko. "Kawawa naman ang anak ni Etang."

Hindi na ako kumibo pa. Guilty na ako sa lahat ng paratang nila.

NANG MAGKITA KAMI ni Hernan, galit rin siya sa akin. Pilit kong magpaliwanag pero naghahamon na siya ng away. Gusto kong umiwas sa gulo pero napasubo yata ako nang inunahan ako ni Hernan ng suntok sa mukha. Alam kong nararapat lang sa akin ang suntukin ni Hernan. Naiintindihan ko ang kanyang nararamdaman. Kaya nang makauwi ako sa aming bahay ay nakita kong puno ako ng pasa at may black-eye. Hindi na rin ako nakapasok ng clinic. Isang araw rin iyon na walang kinita sa negosyo.

NAPALUWAS PA AKO NG Maynila upang makipagkita kay Jeffrey. Kailangan ko ng karamay ngayon. Nagkita kami at niyaya niya ako sa isang bar sa may Tomas Morato.

"Hulaan ko ang problema mo," ani Jeffrey. "Babae ano?"

Alam kong gusto lang niya akong patawanin. Pero hindi niya ako matatalo sa pagiging palabiro at komedyante.

"Alam mo naman pala, e," sagot ko. "Nagtanong ka pa."

"Mahal mo ba siya?"

"Oo."

"Iyon naman pala," ani Jeffrey, "e 'di puntahan mo. Sabihin mo na sa kanya."

"Parang ang hirap gawin 'yon."

"Paano mo malalaman kung hindi mo gagawin?"

Oo nga naman. May punto ang aking kaibigan. Pero hindi ko talaga magawa ang puntahan si Gie at sabihing mahal ko siya.

ISANG GABI, mag-isa lang ako sa labas ng bahay, mag-isang uminom ng beer. Katabi ko ang aking alagang aso at pusa. Naririnig ko naman ang mynah.

"I love you! I love you!" sabi ng ibon.

Napangiti lamang ako. Pero malungkot pa rin ang aking puso at isipan. Hindi ko namalayan na naroon si Itay nagmamasid.

"Nariyan po pala kayo," sabi ko.

Umupo si Itay sa aking tabi.

"Pumunta ka roon, magpaliwanag ka," payo niya sa akin.

"Hindi ko pa po kayang harapin sila, Itay," sabi ko. "Nahihiya pa rin ako sa kanila, lalo na kay Lyn."

Naramdaman ko ang kamay ni Itay sa aking balikat.

"Hindi kita sinisisi kung napamahal ka kay Gie," ani niya.

"Ang gusto ko sana ay maipaliwanag mo ng mabuti kay Lyn ang lahat kung bakit nagkaganoon."

Tahimik lang akong nakikinig sa sinasabi ng aking ama.

"Hindi maganda ang naging interpretasyon ni Lyn sa mga nangyari. Akala niya ay ginamit mo lang siya para makalapit kay Gie," patuloy ni Itay. "Huwag mo naman sanang hayaan na sabihin ng ibang tao na ganoon ka nga talaga."

Tinignan ko si Itay.

"Pati ba naman ang sasabihin ng ibang tao iintindihin ko?" tanong ko.

"Hindi naman sa ganoon," ani Itay. "Kung wala ka namang ginagawang masama, hindi mo iisipin ang sasabihin ng ibang tao."

Inisip ko ang kanyang sinabi.

"Sige," patuloy ni Itay. "Pumunta ka roon, harapin mo sila ng mabuti."

PERO MAHIRAP GAWIN. Hindi ako pinapansin ni Gie, ni Lyn, at ni Aling Etang. Ilang araw rin akong pabalik-balik roon. Minsan, sinadya ko nang salubungin si Aling Etang sa kalye.

"Wala ka na bang pinipiling lugar?" ani Aling Etang.

"Wala naman kasing gutsong magpapasok sa akin sa bahay ninyo," sagot ko. "Gusto ko lang pong magpaliwanag."

Matapos ang ilang sandali ng pagsasagutan, nagkausap rin kami ni Aling Etang ng malumanay sa daan. Ipinaliwanag ko sa kanya ang lahat ng nangyari. Kahit kami ay nasa tabi ng kalye, at pinagtitinginan na ng mga tao, hindi na ako nahihiyang kausapin si Aling Etang. Naisip ko na tama si Itay, harapin ko ang lahat, kahit ano pa ang mangyari.

"Hayaan mo," sabi niya, "kakausapin ko silang dalawa. Sa bagay, kasalanan ko rin naman ito. Bakit hindi ko pa naisip noon na ireto na lang si Gie sa iyo?"

SIGURO NGA at kinausap na ni Aling Etang ang kanyang mga anak. Tinanggap naman nila ako nang ako ay dumalaw sa kanilang bahay. Nakakailang nga lamang dahil hindi nila alam kung sino ang dinadalaw ko.

"Puwede ko po bang makausap muna si Lyn?"

Kaya magkaharap kami ni Lyn sa upuan. Hindi ko alam kung paano ako magsisimula.

"Lyn," sabi ko, "sana mapatawad mo ako."

Hindi umiimik si Lyn.

"Hindi ko akalaing mapapamahal ako kay Gie," paliwanag ko. "Mula nang kunin ko siya sa clinic, hindi ko inisip na iibig ako sa kanya dahil bata pa siya."

Hindi pa rin umiimik si Lyn. Pakiramdam ko ay marami pa akong dapat ipaliwanang sa kanya kaya hindi siya sumasagot.

"Lagi akong nirereto ng nanay mo sa iyo," patuloy ko. "Kaya nang niligawan na kita, pinanindigan ko na talaga na ikaw ang babaeng pakakasalan ko."

Tumingin ako sa itaas waring humihingi ng tulong sa mga anghel sa kalangitan.

"Gusto kita noon pa man, Lyn," patuloy ko. "Pero nangangahulugan ba iyon na mahal na rin kita? Iyon ang nais kong sabihin sa iyo noon, pero iba ang nasabi ko. Patawarin mo sana ako."

Bakit ngayon ko lang nasabi ang mga katagang iyon? Nasabi ko sa aking sarili na kung noon ko pa sana nasabi sa kanya ito, hindi na siguro hahantong pa sa ganito ang mga pangyayari. Tumango na ako at inilagay ang aking mukha sa aking mga palad. Hindi ko na napigilang umiyak sa harap ni Lyn. Naramdaman ko na lang na tumabi siya sa akin at inakbayan ako.

"Naiintindihan kita, Ed," ani Lyn. "Kung ako may ay nalilito rin gaya mo."

Tinignan ko siya na may pagtataka. Ano ang ibig niyang sabihin?

"Mahal ko pa rin si Hernan," ani niya. "Pero hindi siya ang gusto ni Nanay para sa akin. Minsa'y nagkasagutan sina Hernan at ang Nanay, at dahil doon ay pinapili ako ni Hernan kung sino sa kanila ang pipiliin ko. Ayaw ko ng ganoon kaya naisipan kong makipaghiwalay sa kanya."

Nagtinginan na lang kami ni Lyn. Ako naman ang naghihintay ng kanyang paliwanag.

"Kaya pumayag ako na magpaligaw sa iyo," patuloy niya. "Para masabi ko man lang sa aking sarili na kaya kong kalimutan si Hernan. Aaminin ko sa 'yo, Ed, natutunan kitang mahalin dahil hindi ka naman mahirap mahalin. Nang malaman ni Hernan na ikakasal tayo, umalis na siya at nagtungo ng Maynila. Pero nang mabalitaan niya na ang nangyari, agad siyang bumalik dito. Nabalitaan ko rin ang nangyari sa inyong dalawa."

"Nararapat lang sa akin 'yong ginawa ni Hernan," sabi ko. "Pakisabi na lang sa kanya na gusto ko rin humingi ng tawad."

Nakita kong namumuo na ang mga luha sa kanyang mga mata. Hinawakan ko ang kanyang mukha at hinagkan ang kanyang noo at niyakap. Narinig ko na siyang nagpatuloy sa kanyang sinasabi.

"Masakit sa akin ang malaman na mas mahal mo si Gie kaysa akin. Pero alam kong naguguluhan ka rin noon. Kung naging tapat lang sana tayo sa ating mga sarili noon pa man ay hindi na sana hahantong sa ganito ang lahat."

"Patawarin mo ako, Lyn," bulong ko sa kanya. "Please..."

Nanatili kaming magkayakap ng ilang sandali parehong umiiyak sa pagdadalamhati dahil wala na sa aming piling ang aming pinakamamahal.

"Aaminin ko, Lyn," patuloy ko, "inibig rin kita. Ang nangyari sa atin, totoo 'yon. Ikaw ang nasa aking isipan noong mga sandaling iyon. Ni minsan hindi kita ginamit upang mapalapit kay Gie. Nagulat na lang ako sa aking sarili nang malaman ko na buntis siya."

Umalis si Lyn sa aking pagkakayakap at tinignan ako, nagtataka sa aking sinabi.

"Alam mong buntis si Gie?" tanong niya.

Tumango lamang ako.

"Sa akin lang niya sinabi 'yon," sagot ko. "Ayaw niyang malaman ninyo dahil naguguluhan rin siya. Sa loob ko, namuo na ang aking galit kay Boyet. Pero hindi ko maintindihan kung awa o pag-ibig nga ba ang nararamdaman ko para kay Gie."

Namagitan ang kaunting katahimikan.

"May sasabihin pa ako sa iyo," bulong ni Lyn.

Tinignan ko si Lyn. Ang unang pumasok sa aking isipan ay baka nagdadalantao na rin siya. Nagsimulang manikip ang aking dibdib sa kaba.

"Pero sana, huwag mong sasabihin ito sa kahit kanino, lalo na kay Nanay," patuloy ni Lyn. "Ipangako mo sa akin, Ed."

Tumango lang ako. Pinilit kong ihanda ang aking sarili sa kanyang sasabihing lihim. Paano kung totoo ang hinala ko?

"Aalis na ako dito sa Moncada," ani niya. "Magsasama na kami ni Hernan sa Maynila."

Nagulat ako sa kanyang sinabi sabay sa pagluwag rin ng aking paghinga.

"Paano ang Nanay mo?" tanong ko.

"Bahala na," ani Lyn. "Siguro naman, matapos ang pangyayaring ito, matatanggap na niya ang buong katotohanan na mali siya."

Hindi na ako nakapagsalita pa.

NAGKAUSAP RIN KAMI ni Gie. Humingi rin ako ng tawad sa kanya. Pero mas lalong masakit ang narinig ko mula sa kanya.

"I'm sorry, Sir Ed," ani niya. "Magpapakasal na ako kay Boyet."

Narinig ko ang "Sir Ed." Ganoon pa rin ba ang tingin niya sa akin?

"Ganoon ba?" ang nagawa kong sabihin.

"Kaya nga ako nag-resign sa clinic. Balak naming magpakalayo at mamuhay ng sarili."

"Iyan na ba ang desisyon mo? Puwede ka pa naman magtrabaho sa akin, a," sabi ko.

"Nakapagdesisyon na po ako," ani niya.

Hindi na ako nakapagsalita pang muli. Hindi ko napigilan ang aking sarili na lumuhod sa kanyang harapan at hawakan ang kanyang mga kamay upang humingi ng tawad.

"Minsan ay nasabi mo na sa akin ito," sabi ko. "Hindi na ba tayo puwedeng magpatawad?"

Pero hindi ako pinansin ni Gie. Binitawan niya ang aking mga kamay at tumayo. Bumalik siya sa kanyang silid. Malakas ang kanyang pagkakasara nito.

HINATID AKO ni Aling Etang sa may gate.

"Alis na po ako," sabi ko.

"Sige, hijo," ani Aling Etang. "Mag-iingat ka. Hayaan mo, maayos rin ang lahat."

Hinawakan ako ni ni Aling Etang sa balikat. Napatingin ako sa bintana. Nakita ko si Gie na nakadungaw. Tinignan ko siya ng matagal. Pero isinara niya ang kanyang bintana. Malungkot akong umalis.

MALUNGKOT AKO sa mga sumunod na araw. Nalaman ko na lang mula sa mga pasyente na nakatakda ang kasal ni Gie sa Disyembre. Balitang-balita na sa lugar namin 'yon at nasaktan ako.

Nabalitaan ko rin ang pagtatanan nina Lyn at Hernan. Mainit ang ulo ni Aling Etang noong mga panahong iyon. Kaya hindi ako gaanong nagpapakita sa kanya. Dalawang babaeng minahal ako ang nawala sa akin.

MAKALIPAS NG ILANG BUWAN, mga bandang Agosto, nagkasalubong kami ni Gie sa plaza. Ngumiti ako at huminto sa kanyang harapan.

"Kumusta ka na?" tanong ko.

Hindi malaman ni Gie kung sasagutin niya ako o hindi.

"Mabuti naman," ani niya. "Ikaw? Kumusta na?"

"Mabuti rin naman," sagot ko.

"Ang clinic?"

"Okay lang," sagot ko. "Ako na lang mag-isang namamahala ng lahat. Wala pa rin akong mahanap na kapalit mo."

Pareho kaming naging tahimik. Pareho kaming naghihintay kung sino sa amin ang unang magsasalita.

"Kumusta na nga pala si Lyn?" tanong ko.

"Ayun, nakatira na sila sa may Novaliches," ani Gie. "Buntis na si Ate, manganganak siya sa Pebrero. Kasal na rin sila ni Kuya Hernan sa huwes."

"Okay na ba si Aling Etang?"

Tumango si Gie.

"Wala na siyang magagawa doon. Nangyari na ang lahat."

"Galit ka pa rin ba sa akin?"

Hindi sinagot ni Gie ang aking katanungan. Sa halip, iba ang sinabi niya.

"Mauna na ako," sabi niya. "Baka makita pa tayo ng ibang tao diyan at magsumbong pa kay Boyet."

"Mahal ka bang talaga ni Boyet?" tanong ko.

"Oo," mariing sagot ni Gie. "Hindi naman siguro kami magpapakasal sa Disyembre kung hindi niya ako mahal. Kaya nga kami nagsasama ngayon ay dahil kagustuhan na rin naming mahiwalay kay Nanay."

"Pinatawad mo na ba ako?" tanong ko uli.

Tinitigan lang ako ni Gie nang matagal at saka nagsalita.

"Ano sa tingin mo? Ano sa pakiramdam mo, magawa kaya kitang patawarin?"

Napatungo na lang ako, wala na akong maitatanong pa. Nanliit ako sa harapan ni Gie.

"Sige, mauna na ako," sabi ko.

Agad akong umalis. Binilisan ko ang aking paglakad t hindi na muling lumingon sa kinaroroonan ni Gie.

ISANG UMAGA, araw ng deadline sa pabgayad ng buwanang buwis sa Kapitolyo. Maaga akong pumunta roon upang asikasuhin ang obligasyong ito. Nalilito pa rin ako sa pag-fill up ng mga forms dahil si Gie ang kadalasang gumagawa nito noon pa man. Kaya ito ako ngayon, nagtitiyagang pumila. Pero hindi ko na kailangang isipin pa si Gie. Ikakasal na siya. Wala na akong magagawa roon.

Inabot na ako ng alas-dose ng tanghali kaya kumain muna ako sa isang fastfood outlet. Hindi ko inaasahang makikita ko si Boyet na nakapila sa counter. Wala siyang kasama sa pila. Inakala ko na kasama niya si Gie baka nakaupo lamang. Kaya pinaling-paling ko ang aking tingin upang malaman kung naroon nga si Gie. Pero hindi ko siya nakita. Nakita kong nakabili na si Boyet ng pagkain pero hindi ko na siya binati o pinansin. Hindi rin niya yata ako nakita.

Nang makabili na ako ng aking pagkain, umupo ako sa isang bakanteng upuan at nagsimulang kumain ng mag-isa. Nakita ko si Boyet na nakaupo sa may dulong sulok, may kasamang ibang babae. Pinigilan ko na lamang ang aking sarili. Pinagmasdan ko na lamang siya. Nakita kong sinusubuan niya pa ng French fries ang babae. Maganda ang babaeng nakita ko, mahaba rin ang buhok, payat at seksi sa kanyang kasuotan.

Naunang tumayo sina Boyet at ang babae. Nang mapadaan sila sa aking harapan ay laging gulat ni Boyet na makita ako. Nahuli niya akong nakatingin sa kanila. Hindi na kumibo si Boyet, nagmadali siyang umalis, hinatak ang babae para sumunod ito kaagad. Hindi ko na rin siya sinundan. Ayaw kong gumawa ng gulo.

HINDI KO NAMAN MAPIGILANG sabihin ito kaagad kay Gie nang dumalaw ako sa kanila kinagabihan. Nalaman ko kasi na bumalik siya kay Aling Etang at doon na sila magwi-weekend ni Boyet. Mabuti na lang at wala pa roon si Boyet. Nagulat ako dahil sa akin pa nagalit si Gie.

"Gumagawa ka lang yata ng kuwento, e," ani niya.

"Hindi," sabi ko. "Talagang nakita ko silang kumakain. Umiwas pa nga siya sa akin nang makita niya ako."

"Sinungaling!" sigaw ni Gie.

Tumalikod sa akin si Gie. Hindi na kumibo. Pinilit kong ipaharap si Gie sa akin.

"Bakit ayaw mong maniwala?" tanong ko habang hawak ko ang kanyang balikat. "Nagbubulag-bulagan ka ba?"

Pilit niyang inialis ang aking pagkakahawak ng kanyang balikat at tinitigan niya ako. Halata pa rin ang galit sa kanyang mga mata.

"Sino kaya sa ating dalawa ang unang nagbubulag-bulagan?" tanong niya.

"Ano ang ibig mong sabihin?"

"Mula nang mapunta ako sa clinic mo, lahat ginawa ko upang mapansin mo ako. Pero ano? Walang nangyari," ani Gie.

Nagulat ako sa kanyang sinabi. May lihim na pagtingin sa Gie sa akin? Kinimkin niya iyon ng dalawang taon? Ganoon na ba ako kamanhid upang 'di mapansin iyon gaya ng sinabi niya?

"Tapos ngayon sasabihin mong mahal mo ako, kung kailan may mahal na akong iba," patuloy ni Gie.

Umalis kaagad si Gie at nagtungo sa kanyang silid. Gusto ko siyang sundan ngunit hindi ko na itinuloy dahil narinig ko na ang malakas at padabog niyang pagsara ng pintuan.

Nakita kong dumating si Aling Etang.

"Magandang gabi po," bati ko. "Dinalaw ko lang po si Gie."

"Maupo ka, Edong," ani niya. "Sandali, tatawagin ko."

"Huwag na po," sagot ko agad. "Kapapasok lang po niya sa kanyang silid. Aalis na po ako."

"Edong, may problema ba?"

Hindi ako nakasagot agad.

"Ah, wala po, Aling Etang. Sige po, aalis na ako."

KINABUKASAN, nabigla ako nang salubungin ako ni Boyet pauwi ng bahay.

"Pare, sandali lang," sabi ni Boyet sa akin.

Naramdaman ko na naghahamon siya ng away. Pero pinilit kong maging kalmado. Tumigil ako at tinignan ko siya.

"O, Boyet, ano'ng sa atin?" bati ko.

"Bakit mo sinabi kay Gie na may kasama akong babae kahapon?" tanong ko.

"E, 'di ba 'yon naman ang totoo?"

"Ano ba ang pakialam ko sa amin ni Gie? Hindi na nga siya nagtatrabaho sa iyo, a!"

Nagsimula nang magtinginan ang mga dumaraang tao nang marinig nilang tumaas ang boses ni Boyet.

"Pare, cool ka lang," sabi ko. "Wala akong pakialam sa inyo ni Gie pero hindi ko naman puwedeng ilihim kay Gie ang nalalaman ko. Kung wala kang ginagawang masama kay Gie, e 'di sana naipakilala mo sa akin ang babaeng kasama mo at naipaliwanag mo nang maayos kung bakit kayo naroon. Ang kaso, ikaw itong umiwas sa akin..."

Bigla akong sinuntok ni Boyet sa mukha. Naramdaman ko na pumutok ang aking labi. Napaupo pa ako sa kalye. Nang tumayo ako, nakita ko na may hawak na siyang balisong. Nagulat ako. Wala akong dala kahit na ano upang maipagtanggol ko ang aking sarili.

"Sige!" sigaw ni Boyet habang nakatutok sa akin ang hawak niyang balisong. "Lumaban ka! Tignan natin ang galing mo."

Lalapit sana ako kay Boyet para mapahinahon ko siya. Ngunit inundayan niya ako ng saksak pero nakaiwas kaagad ako. Naghanap ako ng magandang pagkakataon na mahawakan ang kanyang kamay upang makuha ang balisong mula sa kanya. Nasa akin yata ang suwerte nang mahawakan ko ang isang kamay ni Boyet. Pero napahiga kaming dalawa at patuloy pa rin kami sa pag-agaw ng balisong. Ako na ang napahiga at siya ang nasa aking ibabaw. Pilit niyang inilalapit ang balisong habang ako naman ay pumipigil nito. Nalunod na ako sa ingay ng mga sigawan ng mga taong nakakita sa amin. Sa puntong iyon ay abala na ako sa pagdarasal sa Diyos na kung ano man ang mangyari sa akin ay Siya na ang bahala. Hindi ko na matandaan kung paano kami natapos, o kung sino ang umawat sa amin. Ang natatandaan ko na lamang ay nakahiga na ako sa aking kama, pagod na pagod.

MAKALIPAS NG ILANG ARAW, hawak ko ang imbitasyon sa kasal nina Gie at Boyet. Iniabot ito ni Aling Etang kay Itay noong umaga. Matagal na raw iyon sa kanya ngunit ngayon lang niya iniabot kay Itay. Sa clinic ko na binasa ito. Nasaktan ako. Hindi ko napigilan ang aking sarili na punitin ito sa panghihinayang at pagsisisi. Itinapon ko ang punit na imbitasyon sa basurahan. Mag-isa akong umiyak sa loob ng quarters, pinagsusuntok ko ang kama sa matinding galit ko sa aking sarili.

Nang mahimasmasan, lumabas ako ng quarters at umupo na sa aking mesa. Tuloy pa rin ang mundo ko sa loob ng clinic. Palabiro rin ang bagong batch ng mga interns. Hindi na nila kilala si Gie kaya mainam na ito para sa akin. Walang nakakaalam ng aking nakaraan. Maraming dumating na pasyente at hinarap namin ito. Ang kainaman sa pagtatrabaho ay nakakalimutan mo na ang paglipas ng oras at ng ibang bagay tulad ng pag-ibig. At hindi ko na inintindi ang mga personal na katanungan ng mga tsismosong pasyente.

MASAYA KAMING NAGMI-MERIENDA nang biglang dumating si Gie sa clinic, mga alas-kuwatro na ng hapon. Umiiyak siya at hindi mapakali.

"Sir Ed, tulungan mo ako," pakiusap niya.

"Bakit? Ano'ng problema?" tanong ko.

"Kapag dumating si Boyet, sabihin ninyo na wala ako rito," ani Gie sabay tingin sa mga bagong interns.

Tumuloy siya sa loob ng quarters.

"Ano ba'ng problema?" tanong ko uli.

Sinundan ko siya sa quarters. Pero bago ako pumasok, nagbilin muna ako sa mga interns.

"Guys, kapag may dumating na guwapong lalaki, payat at mukhang hip-hop, si Boyet 'yon. Sabihin n'yo wala rito si Ma'am Gie."

"Yes, Sir!" sagot ng isa.

"Ah, siya pala si Ma'am Gie," sabi naman ng isa.

Pumasok na ako ng quarters at ini-lock ang pinto para makapag-usap kami ng sarilinan. Nakaupo na si Gie sa may kama.

"Ano na naman ang problema mo, Angelina?" seryoso kong tanong.

"Nagkasagutan kami sa harap mismo ni Nanay," ani Gie.

"Hindi lang tungkol sa ginawa niya sa iyo, pati na rin 'yung pananakit niya sa akin kapag nagseselos o nai-insecure siya. Kaya ayun, natalakan rin siya ni Nanay kaya ako naman ang binalingan niya ng galit."

Nakatingin siya sa may basurahan. Nakita niya siguro ang punit-punit na imbitasyon, kasama ng mga supot ng pinagkainan.

"Kaya mo ba pinunit ang imbitasyon dahil galit ka sa akin?" tanong ni Gie na nakatingin pa rin sa basurahan.

"Hindi," sagot ko. "Galit ako sa aking sarili."

Pareho kaming nanatiling tahimik. Gusto ko siyang lapitan pero pakiramdam ko ay may pader sa aming pagitan noong mga sandaling iyon.

"Nabalitaan ko ang nangyari sa inyong dalawa," ani Gie.

"Muntik ka na raw saksakin ng balisong."

Alam kong hindi iyon ang dahilan ng kanilang pag-aaway. Mas mahigit pa doon ang dahilan.

"Sana nga tinuluyan na lang niya ako, 'di ba?" sagot ko. "E 'di sana nasa langit na ako ngayon."

Sinadya kong haluan ng biro ang sinabi ko para malaman niya na okay na ako na wala siya. Tinignan ako ni Gie. Ako naman ang umiwas ng tingin sa kanya. Ayaw kong makita ang kanyang mukha na luhaan. Hawak ko ang doorknob at pupuwede akong lumabas at bumalik sa loob ng clinic. Pero nanatili ako sa kinatatayuan ko. Nanatili kaming tahimik hanggang sa makarinig kami ng ingay mula sa clinic. Nagkatinginan kami ni Gie. Kinuha niya ang isang unan at niyakap niya ito.

"Dito ka lang," sabi ko kay Gie. "Huwag kang lalabas kahit ano'ng mangyari."

Tumango lang si Gie.

Lumabas ako ng quarters. Nakita ko na nagwawala na si Boyet sa may pintuan ng clinic. Pinipigilan siya ng mga interns.

"Ano'ng ginagawa mo dito?" pasigaw kong itinanong kay Boyet.

"Nasaan si Gie?!" pasigaw rin niyang itinanong sa akin.

"E kung sinabi kong narito, ano ang gagawin mo?"

"Gie! Lumabas ka riyan!"

Nagsisigaw na si Boyet at pumiglas sa mga interns. Sa tindi ng kanyang galit ay nakaya niyang labanan ang mga interns. Sinugod ako ni Boyet pero nagawa ko siyang itulak kaya bumagsak siya sa sahig. Mabuti na lang at walang pasyente noong mga oras na iyon. Sinenyasan ko ang mga interns na tumabi at huwag makialam sa aming dalawa. Nang tumayo si Boyet, sinunggaban ko ang kanyang kuwelyo at sinuntok sa tiyan at sumunod sa mukha. Napaatras siĀ  Boyet at sinubukan niyang gumanti ng suntok. Naglaban na kami. Matira ang matibay, or may the best man wins. Bahala na ang Diyos sa akin. Nagsisigawan na ang mga babaeng interns at narinig ko na lang ang sigaw ni Gie.

"Tama na 'yan!"

Ngunit may naramdaman akong malakas na suntok mula kay Boyet. Napaatras rin ako at nakapa ko na nagdurugo na naman ang aking labi. Akma akong gaganti ng isa pang suntok ngunit pumagitna na si Gie.

"Tama na, please," pakiusap ni Gie sa akin sabay hawak sa aking mga balikat.

Lumingon si Gie sa mga interns, "Awatin n'yo na sila, please!"

May mga lalaking interns na umaawat na kay Boyet. Gusto pa rin pumiglas.

"Gie, uwi na tayo," ani Boyet, humihingal sa pagod.

"Umalis ka na," ani Gie. "Hindi ako sasama sa 'yo."

"Gie, pag-usapan natin ito. Umuwi na tayo,"

"Ang sabi ko, umalis ka na! Parang awa mo na, bumalik ka na sa inyo, at huwag ka nang magpapakita pa sa akin! Ngayon pa lang ay sinasabi ko na hindi na matutuloy ang ating kasal!"

"Gie, mahal kita," ani Boyet.

"Sinabi kong umalis ka na!" sigaw ni Gie.

May nadampot siya sa aking mesa at inihagis niya ito kay Boyet. Umilag si Boyet. Nakita ko na penholder ko iyon at nabasag ito nang bumagsak ito sa sahig.

"Kung nagawa mo akong saktan ngayon, magagawa mo 'yon 'pag kasal na tayo! Kaya umalis ka na, hayop ka!"

Inulit pa ni Gie na hagisan ng iba pang bagay si Boyet. Ngayon naman ay ang memo cube ko. Katabi pa naman ng memo cube ang aking stethoscope at sphymomanometer. Naisip ko na baka iyon pa ang isunod ni Gie na ihagis kay Boyet.

"Gie, tama na!" sigaw ko.

Umalis na lamang si Boyet, parang napahiya.

Nang makaalis na si Boyet, hinarap ko ang mga interns, "Sige, you may go."

Kaya naghanda na silang lahat sa pagalis, ang iba ay nagligpit pa ng mga gulo sa clinic dahil sa naganap.

"Ikaw rin," sabi ko kay Gie, "umuwi ka na."

Lumapit siya sa akin.

"Pumutok ang labi mo," ani niya.

"Iwan mo na ako," mariin kong sinabi sa kanya.

Iniwan ko si Gie at nagtungo ako sa loob ng quarters upang doon ko gamutin ang aking sugat. Naglalabasan na ang mga interns at nagpapaalam na sa akin.

"Alis na po kami, Sir," sabi nila.

"Sige, ingat kayo," sabi ko. "Pakisara na lang ang pinto sa harap."

"Opo, Sir," sabi ng isang intern.

Kumuha ako ng face towel sa cabinet para gamitin. Pagsara ko ng cabinet ay nakita ko si Gie na nakatayo na sa aking tabi.

"'Di ba sabi ko sa 'yo, umuwi ka na?" tanong ko.

Hindi sumagot si Gie. Kinuha niya ang ice bag, kumuha ng yelo sa ref, at naghanda na ng mga gamit para sa pang-unang lunas sa aking sugat. Nilapitan ko siya at pinilit kong kunin sa kanya ang mga ito.

"Ako na lang," sabi ko, "kaya ko naman, e."

"Ako na," ani Gie.

Nakatitig siya sa akin. Nakita ko ang kakaibang tapang niya. Determinado. Hindi nagaalinlangan. Sumuko rin ako sa kanya. Naisip ko na nurse siya at linya niya ito. Tumahimik na lang ako. Pero inaamin ko na kaya ako sumuko ay dahil gusto kong magkalapit kami ng ganito kahit saglit lang.

"Umupo ka dito," sabi niya ng may awtoridad.

Sumunod naman ako. Ibang Gie ang kaharap ko ngayon. Siya ni Gie na kinuha kong clinic manager noon, ang pinakamagaling na manager na nakilala ko.

Inilapat niya ang isang bulak na may cleansing solution sa aking mga sugat upang linisin ito. Napailag ako sa hapdi.

"Huwag kang malikot," sabi niya.

Tumingin lang ako sa kanya. Hinayaan ko lang siya sa kanyang gawain. Nang matapos siya sa paggamot sa akin, iniligpit na niya ang mga gamit.

"Salamat," sabi ko.

"Walang ano man," ani niya.

Pinagmasdan ko siya. Ang bilis niyang magtrabaho.

"Tama ka, sasaktan lang niya ako," ani Gie. "Sana noon pa ay naniwala na ako sa iyo."

Hindi ako kumibo.

"Manhid ka kasi, e," patuloy pa niya.

Hindi ko alam kung aaminin ko ang kanyang sinabi o hindi.

Mula nang kunin ko siya upang magtrabaho sa clinic, hindi ko naisip na iibig ako sa kanya.

"Bata ka pa noon," sagot ko. "Kaga-graduate mo lang. Baka masaktan ka lang kapag minahal kita agad."

Lumingon si Gie sa akin. Lumapit siya sa kama at umupo sa aking tabi.

"Pero malaki ang pasasalamat ko sa iyo," patuloy ko. "Dahil nagawa mo ang lahat ng ito para sa clinic, para sa akin. Kung hindi dahil sa iyo, hindi siguro lalaki ng ganito ang clinic ko."

Tinignan ko ang buong paligid. Totoo ang sinabi ko. Noong nagsisimula kami ay wala pa itong quarters. Pinagawa ko ito dahil sa hiling ng mga interns noon na magkaroon ng isang lugar na kung saan sila puwedeng magpalipas ng oras habang naghihintay ng pasyente. Unti-unting nagkaroon ito ng mesa, kalan, kama, at refrigerator. Tinulungan ako ni Gie na makamit ko ang mga ito. Nagising na lang ako sa aking pag-iisip nang marinig kong nagsalita si Gie.

"Ginawa ko lang ang trabaho ko," ani niya.

"Noong una, akala ko magtatagal ka rito sa clinic," sabi ko.

"Hindi ko naisip na darating ang araw na aalis ka. Hinayaan ko na ligawan ka ni Boyet; hindi ko inisip na mamahalin kita. Pero nagkamali ako..."

Yumuko ako at ibinaon ang aking mukha sa aking mga palad.

Narinig ko si Gie na nagsalita.

"Kaya ka ba galit sa sarili mo?" tanong niya.

"Siguro," sagot ko.

"Bakit mo niligawan ang ate?" tanong niya.

"Una, crush ko na ang ate mo noon pa man," sagot ko. "At lagi akong nirereto ng nanay mo sa kanya. Kesyo mas gusto niya ako kaysa kay Hernan. At nang malaman ko na hiwalay na sila, niligawan ko, nagbaka-sakaling sagutin niya ako. Totoo, minahal ko ang ate mo.

May nangyari na rin sa amin. Pero nang malaman kong buntis ka at gusto ni Boyet ipalaglag ang bata, doon ko na-realize na iba ang pagtingin ko para sa iyo. Lalo na noong dinala kita sa ospital, nagaagaw buhay ka na..."

Hindi ko napigilan na umiyak sa harapan ni Gie. Nandoon pa rin ang aking damdamin para kay Gie habang sinasariwa ko ang mga mga alaala nang dalhin ko siya sa ospital.