The First Trilogy (in Original Filipino Text) by Issa Bacsa - HTML preview

PLEASE NOTE: This is an HTML preview only and some elements such as links or page numbers may be incorrect.
Download the book in PDF, ePub, Kindle for a complete version.

PART TWO: CALL A FRIEND

______________________________________

TINAWAGAN KO SI JEFFREY ng long distance. Gusto kong humingi ng payo mula sa aking kaibigan. Sinabi ko lahat sa kanya ang mga nangyari at ang nararamdaman ko para kay Lyn.

"Mahal mo ba?" tanong ni Jeffrey.

"Hindi ko masabing hindi, hindi ko rin masabing oo," sagot ko.

"Ang laki ng problema po, pare," ani niya.

"Kaya nga ako tumawag sa 'yo, e."

"Ligawan mo lang siya, dalawin mo palagi, baka ma-develop," suggestion ni Jeffrey.

KAYA ITINULOY KO ANG PAGDALAW kay Lyn. Minsan ay lumalabas kami upang mamasyal. Minsan naman, kapag naroon ako sa kanila ay nakikita ko si Aling Etang na sumisilip sa amin o kaya'y si Gie at si Boyet ay naroon rin. Pero sa mga pagkakataong iyon, wala pa rin akong makitang perfect timing na sabihing mahal ko si Lyn.

ISANG ARAW, habang walang pasyente sa clinic, napansin kong malungkot si Gie.

"O, bakit nakakunot ang noo mo? Nag-away na naman ba kayo ni Boyet?" tanong ko.

"Hindi po," sagot ni Gie. "Nagalit lang si Nanay sa akin dahil ayaw niya talaga kay Boyet. Ipinipilit niya si Allan. Siyempre, kakampihan ko si Boyet, mahal ko siya, e."

"May dahilan naman kasi ang nanay mo," paliwanag ko.

"Ikaw rin yata, Sir, ayaw mo rin kay Boyet," ani Gie.

"Medyo," sabi ko. "Mukha kasing sanggano, e. Hindi ka ba nasusuya sa away-bati ninyo?"

Tumahimik lang si Gie. Nagtampo yata siya sa akin dahil kinampihan ko pa ang nanay niya.

"Normal lang naman 'yon sa mag-boyfriend, e," ani niya. "At saka ano naman ang alam mo sa love? Magtatatlong taon ka nang walang babae, 'no?"

Tinamaan ako doon, a.

KINAGABIHAN, nang dumalaw ako kay Lyn, hindi ako pinansin ni Gie at nagkulong lang siya sa kanyang silid.

"Kapatid mo, galit sa akin," sabi ko kay Lyn.

"Huwag mo nang intindihin 'yon," ani Lyn. "Ayaw niyang makinig,e."

"Ikaw, kumusta na?" tanong ko.

"Ito, mabuti naman," sagot niya.

"Baka kasi nakakaabala ako sa mga gawain mo."

"Hindi. Masaya nga ako at dumalaw ka."

Ang tagal rin naming nag-usap ni Lyn. Hindi namin namalayan na malalim na ang gabi. Nagpaalam na ako sa kanya. Nang ihatid niya ako sa may gate, magkahawak kami ng kamay. Hahalikan ko sana siya sa pisngi pero dumampi ang labi ko sa kanyang labi. Naramdaman ko na lang ang kamay niya sa aking likod kaya binitawan ko na ang isa niyang kamay at niyakap ko na rin siya. Mabuti na alng at tulog na ang mga kapitbahay at madilim na sa labas ng gate. Kaya malaya akong halikan siya sa labi at yakapin ng mahigpit. Para akong nasa kalangitan dahil alam kong kayakap ko ang babaeng crush ko noong araw pa.

HINDI NAMAN AKO MAKATULOG noong gabing iyon. Gusto ko si Lyn, pero hindi ko masabing mahal ko siya ng lubos. Iba ang gusto sa mahal, 'di ba? Paano ko kaya sasabihin sa kanya iyon? Sa kakaisip ng pagkakaiba at pagkakapareho ng gusto sa mahal, nakatulog na ako.

KINABUKASAN, tumawag ako kay Christine ng long distance. Nasa boarding house siya sa mga oras na iyon.

"Chris, okay lang bang sabihin sa babae na gusto ko siya pero hindi ibig sabihin ay mahal ko siya?" tanong ko.

"Ed, kung kay Lyn mo sasabihin 'yan, mukhang malabo," sagot ni Christine. "Siya ang babaeng mapagtiwala. Kung gusto mo siya, dapat mahal mo rin siya."

Ganoon?

"Gusto ka raw makausap ni Greg," ani Christine.

"O bakit, bakla?" bati ko kay Greg.

"Ano'ng problema mo?" tanong niya.

"Huwag mo nang alamin."

"Ay, naku, Edward Dunga," ani Greg. "Kung ayaw mong maiwan sa biyahe bahala ka!"

"O sige. Kapag sinabi ko sa babae na 'Gusto kita', ano'ng masasabi mo?"

"I'll be the happiest person on earth kapag sinabi mo 'yan sa akin!"

"Goodbye!"

KAYA TINAWAGAN KO SI JEFFREY para sa second opinion.

"Jepoy, okay lang bang sabihin sa babae na 'I like you but that doesn't mean that I love you'?" tanong ko.

"Pare, kung sa babaeng tulad ni Lyn mo sasabihin 'yan, baka hindi niya ma-gets. Isa pa, dapat sigurado ka na sa nararamdaman mo."

Ganoon? Lalo akong naguluhan. Dapat bang mahalin ko si Lyn tulad ng pagkakagusto ko lang sa kanya?

"LYN," SABI KO SA KANYA makalipas ng dalawang araw, "may sasabihin sana ako sa 'yo. Huwag ka sanang magagalit sa akin."

"Ano 'yon?" tanong niya.

"Lyn, gusto kita," sabi ko.

Ayan, nasabi ko na ang unang bahagi ng sasabihin ko. Nakita ko na nakangiti si Lyn.

"Pero..."

Hindi ko na maipagpatuloy dahil nakita ko na nag-iba na ang ekspresyon ng mukha ni Lyn. Tama nga sina Christine at Jeffrey, hindi mage-gets ni Lyn kung sasabihin ko iyon.

"Pero, gusto kong malaman kung ano ang nararamdaman mo," sabi ko na lang.

Ngumiti uli si Lyn. Hinawakan niya ang aking kamay.

"Mahal rin kita, Ed," sabi niya sa akin.

Patay! Nasabi na niya. Alam kaya ni Lyn ang pagkakaiba ng gusto sa mahal? Narinig niya kaya ang sinabi ko? Naramdaman ko na lang na yumakap sa akin si Lyn. Niyakap ko na lang siya. Pero naguguluhan pa rin ang aking isipan.

NASABI NA SIGURO ni Lyn kay Aling Etang at Gie ang nangyari dahil nasa tindahan namin si Aling Etang at kausap si Itay kinabukasan. Mukhang may pinag-uusapan silang dalawa.

"O, nandito na pala si Ed," sabi ni Itay.

"Edong," sabi ni Aling Etang, "mabuti naman at nagka-igihan na kayo ng anak ko. Kailan ka na mamamanhikan?"

"Naku, Aling Etang," sabi ko, "ang bilis n'yo naman! Saka na muna po 'yon."

Hindi ko kasi masabi kay Itay ang tunay na nararamdaman ko. Kaya umalis na lang muna ako at nagpunta sa clinic.

HINDI KO INAASAHANG masalubong si Hernan sa daan. Nagkabatian at nagkamayan kaming dalawa.

"Kumusta, Hernan?" bati ko.

"Mabuti naman, Ed," ani Hernan. "Balita ko, kayo na ni Lyn."

Hindi ako makapagsalita. Alam ng lahat na si Hernan ang dating nobyo ng nobya ko ngayon.

"Oo," sabi ko. "Pero, pare, niligawan ko siya pagkatapos ninyong magkahiwalay."

"Alam ko," sabi ni Hernan. "Kilala kita. Sana alagaan mo si Lyn tulad ng pag-aalaga ko sa kanya. Ikaw ang gusto ni Aling Etang, hindi ako."

"Huwag mong isipin si Aling Etang," sabi ko. "Alam mo naman noong bata pa tayo, ganoon na talaga 'yan."

"Hindi naman ako galit sa 'yo," ani Hernan. "Malaki ang paggalang ko sa iyo. Hindi naman masisira ang pagkakaibigan natin dahil lang sa isang babae, 'di ba?"

Tama si Hernan. Hindi naman siguro mangyayari iyon dahil iginalang ko rin naman ang kanilang relasyon noon.

TAHIMIK LANG SI GIE nang makita ko siya sa clinic. Nang tanungin ko siya kung may problema, sinabi naman niya na wala.

"Sir Ed, congrats, ha. Sinagot ka na pala ni Ate," sabi ni Gie.

Pinilit ko lang na ngumiti. Pero napansin ko na malungkot pa rin si Gie.

"Bakit, ano'ng nangyayari sa 'yo?" tanong ko sa kanya.

"Wala po," sabi niya sa akin.

Napansin ko na namumutla siya.

"May sakit ka ba?" tanong ko uli.

"Wala po," sabi niya.

Pinagmasdan ko buong araw si Gie. Napansin ko na panay ang pasok niya sa CR at nagtatagal doon. Nang mananghalian kami, marami siyang nakain, pero panay ang inom niya ng tubig. Naghinala na ako na may nararamdaman siya.

NANG MAKAALIS ang mga interns noong hapong iyon at kaming dalawa na lang ni Gie sa clinic, kinausap ko ito.

"May gusto sana akong itanong sa 'yo," panimula ko.

Tahimik lang si Gie, nakatungo ang ulo.

"May sakit ka ba?"

Umiling si Gie. "Wala po."

"Buntis ka ba?"

Tinignan ako ni Gie. Nakita ko na namumuo na ang mga luha sa mga mata niya. Hindi na niya napigilang umiyak.

Inalok ko uli ang aking panyo at inakbayan si Gie. Ngayon lang kami nagkalapit ng ganito. Yumakap na sa akin si Gie.

"Magdadalawang linggo na po akong delayed," sabi ni Gie, umiiyak.

Hindi na ako nakapagsalita. Alam kong kay Boyet ang kanyang dinadala. Lalong tumindi ang galit ko sa Boyet na iyon. Walang hiya ka, Boyet! Hindi ganito ang tingin ko kay Gie, nirerespeto ko ang babaeng ito.

"Nasabi mo na ba sa kanya?" tanong ko.

"Hindi pa po," sagot niya.

"Alam na ba ng pamilya mo?"

"Hindi rin po. Kayo pa lang."

Matagal kaming magkayakap ni Gie. Hinayaan ko lang siyang umiyak sa aking balikat. Inisip ko na lang na kailangan niya ng isang kaibigan na karamay ngayong panahong ito. Pero kaibigan nga ba ang nararamdaman ko para sa kanya? Ngayon lang kami nagkalapit ng ganito pero parang kakaiba ang pakiramdam ko. Nasasaktan ako sa mga nangyayari kay Gie. Hindi naman kaya awa lang ito? Nadagdagan na naman ang mga katanungan sa aking isipan.

HINATID KO NA SI GIE sa kanilang bahay at dinalaw si Lyn. Nangako ako kay Gie na hindi ko sasabihin kay Lyn ang aking nalalaman. Napansin ni Lyn a matamlay ang kanyang kapatid at dumiretso lang sa silid.

"Hayaan mo na," sabi ko. "Masama lang ang pakiramdam."

"Bakit? Ano'ng nangyari sa clinic?" tanong ni Lyn.

"Napagod siguro," nagdahilan na lamang ako. "Marami kasing pasyente kanina."

Hindi ko maalis sa aking isipan si Gie, kahit nasa harapan ko si Lyn. Napansin siguro ni Lyn na wala ako sa aking sarili.

"Hoy, ano'ng nangyayari sa 'yo?" tanong niya.

"Ha? Wala..." sabi ko.

Tumayo si Lyn at pumunta sa aking likuran. Naramdaman ko na lang na minamasahe niya ang aking noo, sentido, at balikat. Napangiti ako at hinawakan ko ang kanyang kanang kamay. Masarap pala magmasahe si Lyn at nagustuhan ko ang kanyang ginawa.

"Salamat," sabi ko.

"Napagod ka rin siguro kanina," sabi niya habang minamasahe ang aking noo. "Nagugustuhan mo ba?"

"Hmm," sabi ko sabay halik sa kanyang kamay.

Hindi kasi ako makapagsalita dahil nakita ko si Gie na nakatayo sa pintuan at nagmamasid sa amin. Nagkatinginan lang kami ni Gie pero pumasok uli siya sa kanyang silid.

"KINAUSAP MO NA BA si Boyet?" tanong ko kay Gie kinabukasan.

"Hindi pa po," sagot niya.

"Kailan mo siya kakausapin?"

"Baka po mamaya, pupunta raw siya sa bahay mamayang gabi," sagot ni Gie.

Kaya hindi ako dumalaw kay Lyn noong gabing iyon dahil alam kong darating si Boyet. Baka kasi masaktan ko pa si Boyet kapag nakita ko siya. Nagpasabi na lang ako kay Gie na hindi ako makakapunta sa kanila. Gumawa na lang ako ng dahilan at nagpabili ng pasalubong para kay Lyn.

NAGULAT NA LANG AKO kinabukasan nang kausapin ako ni Gie pagkatapos ng trabaho.

"Sir Ed," sabi niya. "Puwede po ba kayong makausap?"

"Sige," sabi ko naman. "Ano'ng gusto mong pag-usapan natin?"

Tumahimik muna si Gie. Parang kumukuha ng buwelo. Pero napansin ko na umiiyak na siya. Nilapitan ko siya at hinawakan ang kanyang mga kamay. Pero yumakap na lang si Gie sa akin at humagulgol. Wala na akong magawa kundi yakapin rin siya.

"Gusto ni Boyet na ipalaglag ang bata," narinig ko kay Gie.

Lalong tumindi ang galit ko kay Boyet. Gusto kong magmura pero pinipigilan ko ang aking sarili.

"Ipangako mo sa akin na hindi mo ipalaglag ang bata," mariin kong sinabi kay Gie.

"Natatakot po ako, Sir Ed," sabi niya.

"Kaya mo 'yan," sabi ko. "Magpakatatag ka lang."

Tinignan ko ang mga mata ni Gie. Nakita ko ang takot sa kanyang mga mata pero gusto kong iparating sa kanya na dapat niyang kayanin ang problemang kinakaharap.

MULA NOON AY INOOBSERBAHAN KO si Gie sa bawat galaw niya sa clinic. Kapag dinadalaw ko si Lyn, hindi ko maiwasang tanungin si Gie. Hindi ko alam kung alam na ba nina Lyn at Aling Etang ang maselang kalagayan ni Gie.

"Bakit mo naitatanong?" tanong ni Lyn sa akin.

"Kasi mukhang problemado kay Boyet," sabi ko.

"Naku, nakakasawa na ang away-bati nilang dalawa," ani Lyn.

"Tayo kaya," sabi ko, "may pag-aawayan kaya tayo?"

"Siguro kapag napikon ako sa mga biro mo," sagot niya na nakatawa.

Nagsimula na kaming magkatuwaan at napasarap ang aming kuwentuhan. Nasanay na ako sa aming pagkikita at unti-unti na akong napamahal kay Lyn. Kahit alam kong may dinadalang problema si Gie, nagawa kong mahalin si Lyn dahil alam kong may Boyet na sa buhay ni Gie.

MAAGA AKONG DUMATING ng clinic, mga alas-siyete ng umaga. Galing kasi akong siyudad at may pinuntahan ako roon. Nagulat ako nang dumating si Lyn, mukhang galing sa paaralan.

"Dumaan ako rito para sabihin na hindi makakapasok si Gie. Masama raw ang pakiramdam," sabi ni Lyn.

"Halika , tuloy ka muna," sabi ko sabay halik sa kanyang labi.

Ang ganda ni Lyn noong umagang iyon. Mas maganda siguro siya kung iba ang kanyang damit na suot, hindi naka-uniporme ng pang-guro.

"May dala pala akong karne at manok para sa iyo. Bigay ni Nanay," ani niya.

Iniabot niya sa akin ang plastic bag. Durmiretso ako sa quarters at inilagay ang dala niya sa refrigerator. Sumunod sa akin si Lyn.

"Pakisabi na lang sa nanay mo, salamat," sabi ko.

Pagharap so kanya ay nakita ko si Lyn sa may mesa at nakatingin sa akin. Nilapitan ko siya at niyakap. Makailang sandali ay hinalikan ko siya sa labi. Naramdaman ko na may namumuong pagnanasa sa akin. Kaya pumunta ako sa labas at isinara ang clinic mula sa loob. Pinatay ko ang mga ilaw dahil maliwanag naman ang sikat ng araw mula sa labas.

Binalikan ko si Lyn sa quarters. Kinandado ko ang pinto. Nilapitan ko siya at niyakap muli. Nag-uusap na lang kami ng pabulong upang hindi mahalata sa labas na may tao sa loob ng clinic.

"Wala ka bang pasok ngayon?" tanong ko kay Lyn.

"Exam lang ng mga bata," sabi niya. "At nagpaalam ako na may pupuntahan lang."

Patuloy ko siyang niyakap at hinalikan. Naramdaman rin siguro ni Lyn ang aking pagnanasa kaya ginantihan niya ang aking mga halik. Mabuti na lang at may quarters sa clinic kung saan may isang kama. Doon ko dinala si Lyn. Mukhang experyensiyado na rin si Lyn sa larangang ito dahil alam niyang gumanti sa aking mga halik at haplos. Naging komportable na kami sa aming ginagawa at naging agresibo ng kinalaunan. Hindi namin namalayan ang paglipas ng mga oras.

"I love you, Ed," bulong ni Lyn sa akin.

Hindi ako nakapagsalita. Pagod na pagod ako at napadapa sa kanyang tabi. Hinalikan ko na lamang siya sa labi. Narinig namin na nagri-ring ang telepono. Pero hindi ko iyon pinapansin. Tinignan ko ang relo: 9:20 ng umaga.

"Hindi mo ba sasagutin ang telepono?" tanong ni Lyn.

"Shh," sabi ko. "Sarado ang clinic."

Hinalikan ko siyang muli sa labi.

Kami na siguro ang pinakamasayang magkasintahan noong mga sandaling iyon. Magkatabi kami sa kama, kumot lang ang saplot sa katawan.

"Pakakasalan mo ba ako?" tanong ko kay Lyn.

"Tinanong mo ba iyan dahil may nangyari sa atin?" tanong niya.

"Hindi," sagot ko. "Nasa tamang edad na naman tayo para sa kasal. Isa pa, para wala nang masabi ang nanay mo sa akin. Alam mo bang kinukulit ako kung kailan raw kita papakasalan?"

Natawa si Lyn sa sinabi ko at magiliw na hinalikan niya ako sa labi.

"Mahal kita, Ed," ani niya. "At handa akong magpakasal sa iyo."

"Mahal rin kita," sabi ko at ginantihan ko rin siya ng halik.

Hindi namin napigilan muli ang pagnanasa sa isa't-isa.

PINANINDIGAN KO na sarado ang clinic buong araw. Doon na kami nagpalipas ng oras. May kalan naman at may pagkain sa ref kaya naghain na lang ako kay Lyn ng makakain namin para sa tanghalian. Walang kasing saya ang nararamdaman naim noong araw na iyon.

"Kain ka pa," sabi ko kay Lyn. Isinusubo ko ang isang kutsarang kanin na may ulam sa kanya.

"Ikaw nga itong hindi kumakain, e," ani Lyn. "Ikaw kaya ang kumain nito." Pilit niyang ibinabalik ang kutsara sa aking bibig. "Say ahh..."

Ibinuka ko naman ang kaing bibig at isinubo ang kutsara.

"Good boy," biro ni Lyn.

Tumawa siya at hinalikan niya ako sa labi. Ginantihan ko naman ito. Patuloy lang kami sa aming pagkain. Masyado na yata kaming malambing. Kulang na lang ay langgamin kami sa sobrang tamis.

Gabi na nang inihatid ko si Lyn sa kanilang bahay. Umuwi ako ng bahay na parang nanalo ng pinaghalong lotto, sweepstakes, casino, at TV game shows.

KINABUKASAN, tinanong ako ng mga interns kung bakit hindi ko nasabing walang duty sa clinic kahapon. Hindi ko naman masabi ang totoong dahilan kaya nagdahilan na lamang ako.

"Ayaw n'yo 'yon,? Wala kayong duty," sagot ko.

"May date si Sir," sabi ng isang intern. "Nakalimutan niyang ilagay sa calendar natin."

Patuloy sa pagbibiro ang mga interns.

"Kasi naman, Sir Ed," sabi ng isa. "Kung may date kayo, ilagay n'yo sa calendar namin para alam namin na wala kaming duty."

"Opo," sabi ko sa kanila. "Masusunod."

MARSO KASI NOON at patapos na ang tatlong buwang internship ng mga estudyante. Magtatapos na sila sa kursong physical therapy at kakailanganin kong bigyan sila ng grade. Dahil mas nakakaalam si Gie sa mga rekwesitos ng mga eskuwelahan, sa kanya ko na ipinauubaya ang mga ito.

"Gie, ano pa ang kailangan ng Virgen Milagrosa?" tanong ko.

"Sir, may grading sheet na silang ipinadala dito, tapos bigyan niyo na lang sila ng final written exam at revalida," sagot ni Gie. "Tapos may bagong listahan sila ng mga incoming interns na darating sa April 1."

"Good," sabi ko.

"Kailan n'yo gustong i-schedule ang revalida?" tanong ni Gie.

"Ikaw na ang bahala," sagot ko. "Sabihan mo na lang ako kung kailan."

Iyan ang gusto ko kay Gie, mapagkakatiwalaan sa lahat ng bagay. Dahil sa kanyang PR, hindi ako nawawalan ng mga kliyenteng kolehiyo na nagpapadala ng mga interns sa clinic. Sa kabila ng kinikita ko sa mga pasyente, malaki rin ang kinikita ko sa mga eskuwelahan na nagpapadala ng mga interns dito sa aking clinic, at sa upa ng mga interns sa aking maliit na bahay sa likod. Lahat ng iyan ay binibigyan ko ng porsiyento si Gie bilang insentibo sa kanyang kasipagan.

"Sir, may Grand Duty nga pala ang mga interns mamayang hapon," sabi ni Gie. "Attend kayo, ha?"

"Sige," sabi ko. "Sabihin mo na lang sa ate mo na may Grand Duty dito at hindi ako makakapunta sa inyo ngayon. Unless kung papayag kang ihatid kita sa inyo pagkatapos."

Tumingin lang siya sa akin. Ngumiti rin pagkalipas ng ilang saglit.

"Huwag n'yo na akong ihatid, Sir," ani Gie. "Sasabihin ko na lang kay Ate na hindi kayo makakapunta sa bahay. Tiyak, yayayain kayo ng mga interns mamaya ng inuman hanggang gabi."

MASAYA ANG GRAND DUTY ng mga interns. Parang party ito ng mga estudyante kapag malapit na silang umalis sa kanilang internship. Dahil galing sila sa iba't-ibang eskuwelahan, at sa loob ng tatlong buwan ay nagkakilala, hindi mo rin maiaalis sa kanila ang pagiging malapit sa isa't-isa.

Nababalitaan ko na lang ang isang intern ay lumiligaw pala sa isang intern na taga-ibang kolehiyo. Minsan ay nabalitaan ko rin na ang dati kong mga interns noong isang term ay nagkatuluyan hanggang altar nang makatanggap kami ni Gie ng imbitasyon sa kasal.

Lalong naging masaya ang aming Grand Duty nang gumawa ng game ang mga interns na iginaya sa format ng Who Wants to be a Millionaire? Tawa ako ng tawa dahil kung anu-ano ang pinagtatanong nila tungkol sa physical therapy ---- mula anatomy hanggang sa professional ethics na may kasamang personal questions a la Truth or Consequence. Natawa pa ako dahil dalawang interns ang nag-impersonate sa amin ni Gie. Tawa ng tawa si Gie dahil sa galing ng mga interns na ito.

"Hindi na sana kayo nag-PT," ani Gie. "Nag-artista na lang sana kayo."

"Next question," sabi ng isang lalaking intern na nag— iimpersonate sa akin. "For 10 points, sino ang unang crush ni Ma'am Gie? A: si Allan, B: si Boyet, C: si Sir Ed, D: si Sir Jeffrey."

"Letter C: si Sir Ed," sagot ng isang babaeng intern na contestant.

"Is that your final answer?"

"Can I use a life line?"

"Ano'ng life line?"

"50:50!""

"Sige, alisin ang dalawang maling sagot at mag-iwan ng isang tama at isang maling sagot."

May isang intern na nag-iwan ng dalawang kapirasong papel.

"Ang naiwan ay letter B: si Boyet at letter C: si Sir Ed," sabi ng aking impersonator. Ang sagot mo kanina ay letter C: si Sir Ed."

"I changed my mind, letter B: si Boyet."

"Is that your final answer?"

"Yes, final answer."

"Letter B: si Boyet is correct!"

Hindi ko akalain na pati ito ay itatanong sa larong iyon. Impossible namang ako ay maging crush ni Gie. Alam kong hindi ako ang tipo ni Gie. Mas gusto niya ang guwapo at payat tulad ni Boyet. Tinignan ko si Gie. Pero hindi siya tumitingin sa akin.

Dahil palabiro ako, palabiro rin ang mga interns. Pero parang na-karma yata ako nang ako naman ang naging tampulan ng tukso. Pinipilit ng nga interns na aminin ko ang aking love story sa kanila. Kaya naikwento ko ang aking karanasan noong kolehiyo at noong ako'y nasa Guam. Iniiwasan kong banggitin ang tungkol kay Lyn dahil iyon ang kasalukuyan at nahihiya akong ikuwento ang mga detalye sa mga interns dahil naroon si Gie. Dahil deny to death ako sa ibang bagay, patuloy ang kanilang panunukso. Pero tuksuhan lang iyon, walang malisya.

Pakiramdam ko ay sweet kaming dalawa ni Gie noong mga sandaling iyon dahil ang babait ng mga interns sa aming dalawa. Feeling namin ay mga anak namin ang mga interns na ito. Pero naisip ko na may isang Lyn na nag-iisa sa kanilang bahay at walang dalaw mula sa akin. Natanong ko tuloy sa aking sarili kung sadya nga bang mapaglaro ang tadhana sa larangan ng pag-ibig.

ANG MGA SUMUNOD NA ARAW namin ni Lyn ay pawang masasaya. Sa bawat dalaw ko sa kanya ay puno ng paglalambing. Natutuwa siya sa mga ibinibigay kong mga bulaklak, at ipinipilit niyang kainin naming dalawa ang ibinibigay kong mga tsokolate. Minsan pa nga ay nadatnan pa kami ni Aling Etang na naghahalikan o kaya'y naglalambingan. Tuwang-tuwa naman ang matanda. Nagawa pa naming maglambingan sa labas ng bahay, sa ilalim ng puno, sa kadiliman. Pero sinisigurado ko na wala namang makakakita sa amin.

Isang gabi nang ihatid ako ni Lyn sa gate, nakita ko si Gie na nakasilip sa bintana. Tinignan ko siya at nakita kong seryoso ang kanyang mukha. Ayaw niya ba sa akin bilang bayaw? O baka naman nahihiya siya dahil ako ang boss niya sa clinic? Napansin ni Lyn na nakatingin ako sa bintana ni Gie kaya lumingon rin siya.

"Gie, ano'ng tinitingin-tingin mo diyan?" tanong ni Lyn.

"Wala, Ate," sagot ni Gie. "Nakaka-inggit naman kayong dalawa. Ang sweet ninyo."

Nagkatinginan lang kami ni Lyn. Pareho kaming nakangiti.

"Alis na ako. I love you," sabi ko kay Lyn sabay halik.

"I love you, too," ani Lyn.

Hindi na uli ako tumingin sa bintana. Umalis na agad ako.

ISANG ARAW, magkasabay kaming nagsimba ni Lyn. Pagkatapos ng misa, nagkasundo kaming kumain at mamasyal sa isang mall sa siyudad.

Nagkita-kita kami nina Gie at Boyet doon. Naisip kong nagkabalikan na naman ang dalawa for the nth time. Kaya nang magkainan ay magkasalo na kami sa isang mesa. Una ay naiilang ako dahil may kasama kaming ibang tao. Pero nang maglaon, dahil sa sweetness ni Lyn, nawala na iyon.

Pinunasan ni Lyn ang aking bibig nang may naiwang ketchup sa aking labi. Nakita ito ni Gie at parang naiinggit. Kaya naging sweet rin siya kay Boyet. Okay lang naman ito kay Boyet dahil kahit kumakain ay naka-akbay pa rin siya kay Gie.

Nagkayayaan pa nga kaming manood ng sine. Nagkataon na katabi ko sina Lyn at Gie --- sa kaliwa ko si Lyn at sa kanan si Gie. Kitang-kita ko tuloy ang kamay ni Boyet na parating nasa balikat ni Gie at unti-unting bumababa sa kanyang baywang. Inakbayan ko na lang si Lyn at hinawakan ko ang kanyang kamay. Paminsan-minsan ay hinahalikan ko ang kanyang kamay at ganoon na kami sa buong palabas. Hindi ko na pinansin kung ano ang ginagawa nina Gie at Boyet sa aking tabi.

ABRIL 16 ang birthday ni Gie. Alam ko ito dahil magka-birthday sila ng kapatid kong si Christine. Lunes ang birthday nila. Pero dahil may trabaho si Chris, Linggo na namin ginanap ang aming salu-salo. Naroon si Jeffrey at ang inaanak kong si Tina. Naroon rin si Greg. Inimbitahan ko rin sina Lyn, Gie, at Aling Etang sa bahay.

"Pasensiya ka na sa regalo ko, ha?" sabi ko kay Christine.

Binuksan ni Christine ang aking regalo. Nagulat siya nang makita niyang isang set ng libro ang ibinigay ko sa kanya.

"Wow! Kuya, thank you!" ani niya. "Balak ko pa naman bumili nito sa Glorietta. Mahal nito, a. Ang bait talaga ng kuya ko."

Hinalikan ako ng aking kapatid. Alam ko kasing mahilig sa libro si Christine at matagal na niyang balak bumili ng isang set ng hardbound copy ng Lord of the Rings ni Tolkien na nagkakahalaga ng mahigit isang libong piso.

"Sana ako rin," ani Greg, "bigyan ni Ed ng book."

Tinignan ko si Greg ng masama dahil katabi ko si Lyn nang sabihin niya ito. Napansin siguro ni Greg na hindi ko gusto ang kanyang sinabi.

"Pero, Lyn," ani Greg. "Huwag kang mag-alala sa akin.

Harmless akong karibal."

Natawa si Lyn. Tumingin siya sa akin. "Okay lang, Greg.

Kilala ko si Ed."

"Wow, ang sweet naman," sabi ni Greg. "Jeffrey, bakit kayo ni Christine hindi kasing sweet nina Ed at Lyn?"

"Tumigil ka diyan," ani Jeffrey. "Huwag ka ng magkumpara."

"Correct!" sabi ni Christine. "At wala kang alam tungkol sa sweetness namin, o nila, dahil wala ka namang ka-sweet."

"Ouch!" ani Greg. "Itay, help me! Pinagtutulungan ako ng mga anak mo."

Tawanan kaming lahat. Kapag naroon si Greg ay talagang walang minuto na hindi ka tatawa sa kanyang mga pinagsasabi. Pero napansin ko na hindi masaya si Gie.

"Bakit malungkot ka diyan?" tanong ko.

"Wala po," sagot ni Gie. "Nakakailang kasi, wala akong partner sa kuwentuhan ninyo."

"Sorry kung hindi ko naimbitahan si Boyet," sabi ko.

"Naku, Sir Ed, wala 'yon. At saka, hindi naman 'yon pupunta rito, ano? Hindi niya kilala si Ate Christine at nahihiya 'yon sa inyo."

Wala na akong sinabi pa.

KINABUKASAN, Abril 16, ibinigay ko kay Gie ang aking regalo para sa kanyang kaarawan. Nagulat siya nang tanggapin niya ito.

"Happy birthday, Gie," bati ko.

"Salamat, Sir Ed," sagot niya.

Binuksan niya ang regalo at nakita niya ang laman nitong ladies' bag.

"Wow! Ang ganda, type ko ito," sabi ni Gie. "Thanks, Sir Ed."

"You're welcome," sabi ko naman.

Hindi alam ni Gie kung paano niya ako pasasalamatan. Nabigla na lang ako nang halikan niya ako sa pisngi.

"Ito ang pinakamagandang regalo na natanggap ko ngayong birthday ko," sabi niya.

Ngumiti lang ako. Lumabas na lang ako ng quarters at nagpunta sa aking mesa para magsimulang magtrabaho.

HINDI KO NAMAN AKALAING pag-aawayan nina Gie at Boyet ang pagreregalo ko. Nagselos pala si Boyet nang malaman niya na naimbitahan ko si Gie sa birthday ni Christine at sa regalong ibinigay ko. Nalaman ko ito mula sa isang pasyente na nakakita ng kanilang pag-aaway sa loob ng jeep.

"Patungo nga silang Paniqui, kasabay ko sa jeep," sabi ni Aling Rosa. "Nabanggit ka nga na nagbigay ng regalo noong birthday niya."

"Aling Rosa, magka-birthday naman sila ni Christine.

Siyempre, dahil sekretarya ko ng dalawang taon, bibigyan ko rin ng regalo. At saka nang imibitahin ko siya, kasama sina Lyn at Aling Etang."

"Pasensiya ka na kay Boyet," ani Aling Rosa. "Masyadong seloso. Palibhasa kasi, walang regalo kay Gie kasi wala namang perang pambili."

"Hindi naman po siguro," sabi ko. "Nag-aaral pa naman siya kaya walang trabaho."

"Ewan ko ba kay Etang," ani Aling Rosa. "Bakit hindi niya mapaghiwalay ang Gie at ang Boyet na 'yan. Sana si Allan na lang ang naging boyfriend ni Gie, ano?"

Isa si Aling Rosa sa mga sumasangayon sa pagrereto ni Aling Etang. Isa rin siya sa mga tsismoso't tsismosang pasyente ko.

"E, kayong dalawa ni Lyn," dugtong niya, "kailan ang kasal ninyo?"

"Naku, Aling Rosa, wala pa po tayo sa pamanhikan," sagot ko.

"Naku, siguro malapit na 'yon," pabirong sinabi ni Aling Rosa.

MAKALIPAS NG ILANG LINGGO, ay namanhikan na nga kami. Kasama ko sina Itay, Christine, Greg, Jeffrey at ang anak niyang si Tina. May kaunting salu-salo at masaya ang lahat. Liban kay Gie.

Napansin ko sa kanya ang lungkot na kanyang nadarama. Binibiro ko siya upang pasayahin pero alam kong napipilitan lang siyang makipagbiruan sa akin.

"Bakit malungkot ka?" tanong ko. "Nagkabalikan na kayo ni Boyet, 'di ba?"

"Hindi naman ako malungkot, Sir," sagot ni Gie. "Masaya nga ako dahil ikakasal na kayo ni Ate."

"Excited ka na ba na maging maid of honor?"

Hindi na siya kumibo. Umalis na lang siya sa aking harapan at pumunta sa tabi ni Lyn at nakisama sa usapan nila ni Christine, Jeffrey, at Greg. Nagtataka ako kung nagkasundo na ba sila ni Boyet tungkol sa kanyang dinadala sa sinapupunan o hindi pa.

NAGULAT ANG LAHAT nang itakda namin ang aming kasal sa Mayo 19. Ang bilis naman yata, sabi ng iba. Pero 'yon ang plano namin ni Lyn. Hindi nga makapaniwala ang lahat na naasikaso na namin ni Lyn ang lahat --- mula simbahan, ninong at ninang, traje de boda, handaan, hanggang sa mga maliliit na bagay tulad ng souvenirs --- bago pa man ako nakapamanhikan. Excited na ako dahil sa wakas, matutupad na ang pangarap ni Itay na magkaroon ng apo at hindi ako mahuhuli sa biyahe.

Minsan ay niyaya ko si Lyn na magtungo sa Maynila upang mamasyal at mamili ng iba pang gagamitin sa aming kasal. Nag— weekend kami sa isang hotel na ikinatuwa ni Lyn. Nagkasundo kaming