PANIMULA
______________________________________
Naniniwala ako na ang lahat ng bagay ay dumarating ng tatluhan. Kaya nagdesisyon akong isulat ang pangatlong kuwento, ngayon naman ay tungkol sa matalik na kaibigan ni Christine na si Greg, na isang bakla. Kinuha ko ang pamagat mula sa dialogue ng una kong nobela at nagsimula doon ang kuwento.
Ang I'm Greg, Short For Gregarious ay aking isinumite ilang linggo bago maisapubliko ang una kong nobela na Kung äng Txt i My KuPdo (",) noong Abril 2002. At dahil ang romance genre at ang industriya ng paglalathala ng pocketbooks ay hindi komportable sa paksang homosekswal, ang kuwentong ito ay hindi nailathala noon. NGAYON NINYO LAMANG MATUTUNGHAYAN AT MABABASA ANG NOBELANG ITO.
Ang kuwentong ito ay sumakop ng mas mahabang panahon kumpara sa naunang dalawang nobela. Mapapansin rin na may mga eksenang inulit para sa kapakanan ng pagkakaisa. Sinadya sa nobelang ito ang pagkakaisa ng tatlong kuwento upang makabuo ng isang trilohiya at makikita ito sa prologue at epilogue. Ang awiting People Alone ni Randy Crawford naman ang nagsilbing theme song na naglalaro sa aking isipan habang isinusulat ko ito.
Marami na ang nagbago sa loob ng 13 taon. Salamat sa pelikulang Brokeback Mountain at naging maluwag na ang pagtanggap sa mga kuwentong homosekswal mapapelikula man o mapanobela. Sana ay magustuhan ninyo ang aking unang trilohiya na isinulat mula noong Disyembre 2001 hanggang Marso 2002.
- Issa N. Uycoco-Bacsa, Setyembre 2015