The First Trilogy (in Original Filipino Text) by Issa Bacsa - HTML preview

PLEASE NOTE: This is an HTML preview only and some elements such as links or page numbers may be incorrect.
Download the book in PDF, ePub, Kindle for a complete version.

PROLOGUE

_____________________________________

"HI, TINA! Ang ganda mo naman," bati ko sa isang maglilimang taong batang babae. "I'm Greg, short for gregarious."

Nakaluhod ako sa harapan ni Tina, ang anak ni Jeffrey, nang batiin ko ang bata upang maging magka-level kami. Nakatitig lang sa akin ang mga magagandang mata ng bata na may mahahabang pilikmata. Matangos ang kanyang ilong, malulusog ang mga pisngi, at kulot ang kanyang buhok na parang buhay na manyika. Kamukha talaga ng kanyang guwapong ama.

Hindi pa rin sumagot si Tina. Siguro ay nagtataka siya sa aking hitsurang lalaki pero boses effeminate. Ngayon lang yata siya nakatagpo ng kagaya ko. Dahil sa kakaibang reaksiyon ni Tina, narinig ko na nagtawanan ang lahat ng aking mga kasama.

"Alam mo ba ang ibig sabihin ng 'gregarious'?" tanong ng aking best friend na si Christine.

Lumingon ako kay Christine. Obvious na tumataba na ang aking cute and cuddly friend. Hiyang sa aming trabaho bilang writer sa isang pang-araw-araw na teleserye sa TV. Pero in fairness, maganda at simple siyang babae. Kung hindi nga lang sila nagkahiwalay ng boyfriend niya na si Jeffrey five years ago, maituturing mo na si Christine ang ina ni Tina.

"Oo naman, 'no?" sagot ko sabay tumayo at humarap sa kapatid ni Christine,

"Hi, Ed. Kumusta ka na?" tanong ko sa kanya na may halong pagbibiro at paglalambing.

May kalakihan si Ed, matangkad na mataba. Hindi gaanong kamukha ni Christine, pero may hitsura.

""Di ba, dapat nasa Lamitan ka?" tanong ni Ed sa akin habang patungo siya sa kanyang aquarium upang pakainin ang mga alagang goldfish.

Alam ko na biro lang ni Ed iyon sa akin. Alam niya kasi na taga-Zamboanga ako at likas na sa kanya ang pagiging palabiro kaya madalas kaming magbiruan, magtuksuhan, at mag-asaran. Pero pakiramdam ko ay iniiwasan niya ako.

"Ikaw talaga, puro ka biro," sabi ko. "Ayaw mo bang masilayan ang beauty ko?"

"Sorry, but I'm already taken," sagot ni Ed.

"May girlfriend ka na?" tanong ko muli na may panghihinayang.

"Si Aida, si Lorna, at si Fe," sagot ni Ed ng isang pamagat ng kanta, sabay turo sa tatlong naglalakihang goldfish sa aquarium.

"Grabe ka, Ed. Zoophile ka na pala ngayon!" sabi ko. "Hindi sila magiging sirena ever."

Sumipol lang si Ed waring hindi niya ako narinig.

Suko na ako. Hind na naman umubra ang pagpapa-cute ko kay Ed. Nataon na napansin ko na nagkatinginan at biglang nag-iwasan ng tingin sina Christine at Jeffrey. Hmm, kailangang itama.

"Ikaw, Jeff, kumusta ka na?" tanong ko.

Si Jeffrey naman ay matangkad, medium-built, maputi, mukhang artista. Ewan ko ba kung bakit sa lahat ng guwapo, kay Jeffrey ako hindi masyadong naga-guwapuhan. Siguro dahil biased ako kay Ed. Isa pa, may bad record na si Jeffrey sa aming dalawa ni Christine.

"Okay naman," sagot ni Jeffrey.

"Huwag mo nang pag-interesan si Jepoy," sabi ni Ed.

"Hindi naman siya ang pinag-iinteresan ko, a. Ikaw," sagot ko.

"Besides," dugtong ko pa, "masama bang kumustahin si Jeff, as in your ex?" sabay tingin kay Christine.

Biglang nag-blush si Christine. Umiwas siya ng tingin kay Jeffrey. Halatang naiilang siya sa muli nilang pagkikita ng dating kasintahan.

Ngumiti ako kay Christine. Ipinaparating ko sa kanya sa pamamagitan ng aking beautiful fez, na kaya kami narito sa Moncada, Tarlac ay upang: 1. magbakasyon ngayong Pasko at Bagong Taon; at 2. makipag-eyeball kay Jonathan.

And who is this Jonathan? Well, last week kasi, bumili ng cellphone si Christine. Nag-text kaagad siya kay Ed para kumustahin ang kanilang ama. Ang kaso ibinenta na raw pala ni Ed ang kanyang cellphone sa Jonathan na itetch. In short, naging textmates sina Christine at Jonathan. At hindi lang 'yan, mukhang nanliligaw pa ang guy through text. O 'di ba?

Kaya nang magdesisyon si Christine na umuwi sa kanyang province, excited si Jonathan sa kanilang unang pagkikita. Excited rin ang bruha. At siyempre, ako rin.

Inimbitahan ako ni Christine na sumama sa kanya. Gusto ko naman. Unang-una, gusto kong makasama ang best friend ko at makita si Ed. Pangalawa, gusto kong makilala at makilatis si Jonathan kung papasa sa akin as Christine's boyfriend number three. At ang pangatlo, ang pinakamahalaga, wala akong balak umuwi ng Zamboanga Del Sur.

Hindi kasi ako puwedeng umastang bakla doon dahil lagot ako kay Daddy dear. Isa pa, walang nakakaalam sa Zamboanga City na bading ako. Etchos!

STRAIGHT NAMAN AKO nang magtapos ng high school sa Zamboanga City. Nang magpunta ako ng Manila para magkolehiyo, nakilala ko si Christine. Simple siya at mabait. Naging magkaklase at seatmate pa kami dahil alphabetically arranged ang aming cheating, este, seating arrangement sa klase. Dungca, Christine tapos Durano, Gregorio Jose III. Lalaking-lalaki ang pangalan ko, 'di ba? Binalak ko na ligawan si Christine kaya lang may boyfriend na siya: si Jeffrey, ang best friend ng kanyang Kuya Ed.

Third year sa business management si Jeffrey habang si Ed naman ay physical therapy. Kami naman ni Christine ay freshmen ng mass communications. Mas guwapo si Jeffrey pero mas hanga ako kay Ed. Mas mukhang may direksiyon sa buhay si Ed kahit may pagka-komedyante. Hindi gaya ni Jeffrey na tipong happy-go-lucky.

Ewan ko ba kung bakit ganoon na lang ang naramdaman ko kina Christine at Ed. Pareho ko silang nakagaanan ng loob. Imposible naman na ako ang reincarnation ng kanilang yumaong ina. Pero posible na may relasyon kami noon sa aming mga past lives kung may katotohanan nga ba ang reincarnation churva.

At dahil ganoon nga ang first impression ko kay Jeffrey, lalo ako naging concerned kay Christine.

"Greg, may boyfriend na ako," wika ni Christine nang minsan inihatid ko siya sa kanilang tinitirahan noon sa Sampaloc, Manila.

"Alam ko," sagot ko sa kanya. "Hindi naman kita inaagaw kay Jeffrey, e, Gusto ko lang maging kaibigan mo. Masama ba 'yon?"

"Hindi naman," sabi ni Christine. "Baka kasi iba ang isipin ni Jeffrey kapag nakita niya tayo na magkasama."

TOTOO NGA na iba ang inisip ni Jeffrey nang makita niya kaming dalawa ni Christine. Naglalaro siya ng basketball kasama sina Ed at isa pang lalaki. Huminto siya sa paglalaro at lumapit sa amin.

"Bakit siya ang naghatid sa 'yo?" tanong ni Jeffrey kay Christine. "Sana man lang ay tumawag ka rito para nasundo kita."

Hindi sumagot si Christine. Tumingin lang siya sa akin.

Napansin ni Jeffrey na nagkatinginan kami ni Christine kaya sa akin niya ibinaling ang kanyang atensiyon.

"Nililigawam mo ba ang girlfriend ko?" tanong niya sa akin.

"Hindi," sagot ko.

Sa totoo lang, kinabahan na ako nang mga sandaling iyon.

Unang-una, ayaw ko ng gulo. Pangalawa, sa tanang buhay ko, hindi pa ako napapasabak sa away.

"Ano ba naman, Jeffrey?" ani Christine. "Magkaibigan lang kami ni Greg."

"Aba, kinampihan mo pa ang taong 'to," sabi ni Jeffrey sa kanya habang nakaturo and kanyang daliri sa akin. "Halika nga rito," sabi ni Jeffrey sabay hila sa braso ni Christine papunta sa bahay ng classmate ko.

Nakita ko na nasasaktan si Christine sa mahigpit na pagkakahawak ni Jeffrey kaya hindi ko napigilan ang sarili ko na sumigaw.

"Huwag mong saktan si Christine!"

Nabigla ako sa aking nagawa. Nakita ko na lang na huminto si Jeffrey at lumapit sa akin. Uh-oh. Ayaw ko nang tignan ang kanyang nanlilisik na mga mata. Naramdaman ko na lang ang kanyang kamao sa aking mukha na siyang ikinatumba ko sa kalye. Aray! Ang sakit.

Narinig ko na sumigaw si Christine. Nakita ko rin na umawat si Ed. Nabigla rin siguro si Jeffrey sa kanyang ginawa kaya natigilan ito.

"Umuwi na kayo," sabi ni Ed kay Christine. "Ako na ang bahala sa kaklase mo."

Nakatayo na ako sa inilapat ang aking panyo sa aking pumutok na labi. Hinarap ako ni Ed.

"Okay ka lang ba?" tanong niya sa akin.

Tumango lang ako sa kanya.

"Pasensiya ka na sa kaibigan ko," paumanhin ni Ed.

"Okay lang 'yon, Naintindihan ko naman, e," sagot ko.

"Halika sa loob, gamutin natin 'yang sugat mo," alok niya.

"Huwag na," tanggi ko naman. "Doon na lang sa dorm."

"Sige, ikaw ang bahala," ani Ed. "Salamat na lang sa paghatid mo sa kapatid ko."

Tinapik ni Ed ang aking balikat at saka umalis. Ako naman ay umuwi na sa dormitoryo sa 'di kalayuan.

Humingi rin ng dispensa sa akin si Jeffrey kinabukasan. Tinanggap ko naman ang kanyang paghingi ng tawad.

NANG MAGLAON ay naging malapit kami ni Christine. Napansin niya siguro na kakaiba ang aking mga gawi kapag nariyan sina Ed at Jeffrey. Kapag kasama si Jeffrey, behaved ako. Pero kapag nariyan si Ed, masayahin ako at pa-cute.

"Greg, aminin mo nga sa akin," ani Christine. "Bakla ka, ano?"

Nagulat ako sa tanong niyang iyon. Pakiramdam ko ay na— corner ako at nakaupo sa hot seat.

"Hoy, hindi a!"

"Hooo!" tukso niya. "Aminin mo na kasi. Crush mo si Ed, ano?"

Natigilan ako. Uminit ang aking mga pisngi at nanlamig ang aking mga kamay. At narinig kong pumalahaw ng tawa si Christine.

"Nag-blush, o!" ani niya.

"Halata ba?" tanong ko.

"Oo naman, ano. Iyan nga, pulang-pula ka na."

"Hindi 'yan ang ibig kong sabihin. Halata ba ni Ed?"

"Ewan ko," sagot ni Christine. "Nao-obserbahan ko lang."

Hindi na ako nakapagsalita pa. Na-guilty ako at napahiya na sa kanya.

"Ikaw naman, friend," ani Christine sabay tulak ng kanyang balikat sa akin. "Wala sa akin 'yon."

Tinignan ko si Christine. Nakangiti siya sa akin.

"Kung naguguluhan ka man ngayon," patuloy pa niya, "naiintindihan ko 'yon."

"Salamat, friend," sabi ko. Matagal akong nakatitig kay Christine at pagkatapos ay ngumiti ako at nagwika: "Bruha! Ipagkakanulo mo pa yata ako."

"Bakla," ganti naman niya sa akin.

Mula noon ay ganoon na ang tawagan naming dalawa. Pero hindi ako basta-bastang umasta ng bakla kung kani-kanino. Takot ako na baka malaman ng aking ama na heneral na ako ay isang bakla.

Hindi ko talaga magawang ipagtapat sa aking mga magulang, kamag-anak, kaibigan, at kaklase sa Zamboanga City na ako, si Gregorio Jose Durano III, ay bading inside.

FOURTH YEAR COLLEGE. Magkaklase pa rin kami ni Christine sa mass communications. Pasukan noon nang magkausap kami.

"Kumusta ang bakasyon?" tanong ni Christin sa akin.

"Okay lang," ang seryoso kong sagot.

"Alam na ba nila?" tanong niya ulit.

"Hindi pa," iling ko. "Ito nga, may problema."

"Ano 'yon, bakla?"

"Huwag mo kaya akong tawaging 'bakla' for two weeks as a good start?" sagot ko.

Natawa si Christine. "Ano? At ano namang drama 'yan, ha?"

Seryoso pa rin ako sa aking pagpapaliwanag.

"'Yung classmate ko noong high school, si Sheila, darating next week galing States," sabi ko. "Nakiusap sa akin 'yung mga kamag-anak sa Zamboanga na samahan ko siya sa mga lakad niya rito."

"Ah, I see," ani Christine.

Tumango ako at napatingin sa kanya. Napansin ko na nakangiti siya sa akin.

"Ba't nakangiti ka d'yan?" tanong ko.

"Kasi dumating na rin ang panahon na masusubukan ka na."

SO FAR, SO GOOD. Naging matiwasay naman ang mga kaganapan sa loob ng dalawang linggo. Sinundo ko si Sheila sa airport. Inihatid ko siya sa Parañaque kung saan nakatira ang asawa ng kanyang pinsan. Sinamahan ko siya sa pagsa-shopping sa mga malls, sa mga tiangge sa Baclaran, sa Quiapo, at sa Divisoria. Namasyal kami sa Tagaytay, sa Laguna, sa Subic, sa Manaoag, at sa Baguio. Gumimik kami sa mga bars at restaurants sa loob at labas ng Metro Manila.

Kaya nang makaalis si Sheila pabalik ng Amerika, unang-una kong hinanap ang pahinga.

"Kumusta naman 'yung last date n'yo ni Sheila?" tanong ni Christine nang magkita kami matapos ang dalawang linggo.

"Okay naman," sagot ko.

Bigla akong natigilan. May sumagi sa aking isipan, isang magandang alaala na nagpangiti sa akin.

"Uy, nakangiti siya," narinig ko na sinabi ni Christine. "Siguro, may nangyari sa inyo, ano?"

Lumingon agad ako kay Christine. Nanatili siyang nakangiti sa akin waring nanunukso. Umiling ako.

"O sige na nga," sabi ko. "May nangyari nga sa amin. Sexy naman si Sheila, e. Maganda, liberated, agresibo, game..."

Nagkibit-balikat pa ako na parang dina-justify ko lang ang nangyari sa aming dalawa.

"Ang sarap ng feeling, 'di ba?" tanong ni Christine.

"Ano?!"

Nagulat ako sa sinabi ni Christine. Hindi ko inaasahan na marinig ito mula sa kanya.

"Alam mo, Chris, kung makapagsalita ka, parang may alam ka na..."

May sumagi muli sa aking isipan kaya ako natigilan.

"Huwag mong sabihin na may nangyari rin sa inyo ni Jeffrey?" tanong ko.

Ngumiti lamang si Christine at nagkibit-balikat. Napailing ako at hindi makapaniwala. Pareho kaming nanatiling tahimik hanggang sa pareho kaming nagtawanan.

"O ayan, at least, alam ko na pumapatol ka sa babae," ani Christine. "Pero crush mo pa rin si Ed. Silahis!"

Inisip ko ang sinabi niyang iyon. Kung nagawa ko nga namang itago sa loob ng maga-apat na taon, kaya ko siguro na umastang silahis.

At ganoon nga ang nangyari.

NAG-PRACTICUM AKO sa isang istasyon ng telebisyon kung saan ako naging production assistant sa isang pangtanghali na programa tuwing Linggo, ang " Sunday Noontime Party". Nagustuhan ko ang working environment at naging malapit ako sa mga staff at crew ng nasabing production.

Si Christine naman ay na-practicum sa news and current affairs ng ibang istasyon. That time, nasabi niya sa akin na nakabuntis si Jeffrey ng ka-officemate na nagngangalang Ces. Shattered si Christine at ako ang nagsilbing shoulder to cry on.

"Ang sakit, Greg," iyak niya sa akin. "Sa ibang tao ko pa nalaman. Deny pa siya ng deny. Nang mabisto ko, saka lang siya umamin."

"Tahan na," sabi ko. "Lilipas rin 'yan. Ang daming lalaki riyan. Nandito naman ako."

Pinalo ako ni Christine sa balikat at nakita ko na ngumiti siya ng kaunti.

"Ano ba, bakla?" sabi niya.

"Bruha, pinapatawa lang kita," sagot ko. "Papasok ka pa sa trabaho mo."

Working student kasi si Christine since second year.

Nagtatrabaho siya sa isang fastfood chain tuwing gabi. Nainggit nga ako dahil kumikita siya ng pera sa sariling kayod at nakapag-ipon pa siya. Hindi naman ako pinayagan ng aking mga magulang dahil baka masira lang daw ang aking pag-aaral.

"Favor naman, o," ani Christine. "Tumawag ka doon. Pakisabi na hindi ako makakapasok, masama ang pakiramdam ko."

"O sige," sabi ko, "basta promise mo na hindi ka na a-absent sa practicum mo bukas, okay?"

NAGDAAN ANG MARAMING TAON, kami pa rin ni Christine ang mag-best of friends. Ganito pa rin ako, silahis. Correction: paminta.

Pagka-graduate namin ay sabay kami na nag-apply ng trabaho. Pareho kaming natanggap sa TV station na pinagtatrabahuan namin ngayon. Naging boyfriend ni Christine si Jun na taga-news and current affairs. Pero naroon pa rin ako for her through sick and sin, este, thick and thin. Tawag na nga sa amin ay The Supertwins dahil swak na swak daw kaming dalawa sa lahat ng bagay. Ganoon na kami ka-inseparable hanggang ngayon. Masasabi ko na safe ako kapag kasama ko ang bruha. Lalo na ngayon na sa probinsiya nila ako magbabakasyon.