PANIMULA
Noong Disyembre 2001, inimbitahan ako ng isang kaibigan na magsulat ng nobela para sa mag-asawang tagapaglathala. Isinama niya ako sa bahay ng mga tagapaglathala sa Valenzuela at doon nakita ang isa pang kaibigang manunulat. Kaya kaming tatlo ay nagkasamang muli at nagdesisyong magsulat para sa mag-asawa. Umuwi ako ng bahay na masaya at isinulat ang aking unang nobela, ang Kung äng Txt i My CuPdö (",).
Nagsimula ang kuwentong ito noong Disyembre 2000, kung kailan pawala na ang mga pagers at nauso na ang text. Isinulat ko ito sa wikang Filipino at puno ito ng mga salitain, pabalbal, at maling pagbaybay dala ng text messaging. Mahahalata naman ito sa mismong pamagat na may kasamang smiley.
Ang mga natanggap ko na mga grapikong text ay nagamit ko sa kuwento kung saan akma. Karamihan nito ay mga ipinadala ng aking mga kaibigan. Ang gamit kong cellphone noon ay Nokia 5110. At nakatanggap rin ako ng isang text message na nagsasabing "Can U B my txtm8?" sa isang taong nagngangalang Jonathan! Kaya ang mga ito ay naging inspirasyon ko sa pagsulat ng una kong nobela.
Mapapansin ninyo na karamihan ng mga pamagat ng bawat kabanata ay galing sa mga pamagat ng kanta. At habang isinusulat ko ang nobelang ito, ang kanta ni Barry Manilow na Could It Be Magic ay patuloy na naglalaro sa aking isipan bilang theme song.
Ang Kung äng Txt i My CuPdö (",) ay isinumite ko sa mga tagapaglathala noong Enero 2002 at nailimbag noong Abril ng taong iyon. At dahil sa malugod na pagtangkilik ng mga mambabasa, nagkaroon ng pangalawang paglilimbag ang nobelang ito noong Hunyo 2002.
Nakalipas ang 13 taon at marami na ang nagbago. Inihahatid ko sa inyo ngayon ang aking unang nobela at trilohiya sa anyong e-book. Sariwain natin ang panahon ng Nokia 5110 at alalahanin ang kuwento ng pag-ibig sa mga kuwentong ito.
- Issa N. Uycoco-Bacsa, September 2015