The First Trilogy (in Original Filipino Text) by Issa Bacsa - HTML preview

PLEASE NOTE: This is an HTML preview only and some elements such as links or page numbers may be incorrect.
Download the book in PDF, ePub, Kindle for a complete version.

Chapter 1: WRONG NUMBER

___________________________________________

AKINSE NA NAMAN. At gaya ng nakagawian, nagpunta ako sa isang ATM upang tignan kung may suweldo na sa aking bank account. Laking tuwa ko nang makita kong dumoble ang aking balanse. Salamat at naibigay na ang aming Christmas bonus.

Hindi naman kasi ako katulad ng ibang empleyado na may 13th month pay. Talent ang aking employment status sa isang istasyon ng telebisyon. May suweldo ako tuwing akinse at katapusan at 10% withholding tax lang ang ibinabawas sa akin. Ako na ang bahala sa aking voluntary contribution sa SSS na minsan ay nakakalimutan ko pa.

Nag-withdraw ako ng pera at pumunta ng Greenhills. Naipangako ko kasi sa aking sarili na bibili ako ng cellphone ngayong Pasko. Palaos na kasi ang pager at nauuso na ang text. Kaya bumili ako ng Nokia 5110 at isang pula na housing para ipalit sa original na housing nito. Iyon kasi ang type ko at 'yon lang ang kaya ng aking budget.

PAGDATING KO SA BOARDING HOUSE, binasa ko ng mabuti ang manual at pinag-aralan ang cellphone. Nakakapanibago. Nakikita ko kasi sa aking mga kasamahan sa trabaho na ang bilis nilang mag-text. Ako naman ay nangangapa pa sa pagpipindot ng mga letra. Hindi bale, sanayan lang 'yan, ang sabi ko sa aking sarili.

Sinubukan kong mag-text sa aking mga kasama sa trabaho. Natuwa sila nang malaman na may cellphone na ako at makaka-text ko na sila.

"U hav a nu fone na, Christine?"

"Yes," sagot ko.

"Gr8! Welcome 2d txting world."

Tinext ko rin ang aking kabarkada na si Greg.

"Hoy, bakla! My cel na ko," sabi ko sa text.

"Buti nmn, bruha. =)" sagot niya.

Sinubukan ko rin na i-text ang aking kapatid na nasa probinsiya. Siya kasi ang kasama ni Itay doon.

"Ed, C Christine 2. Kumusta C itay?" text ko.

Bihira ko nang tawagin si Ed ng kuya. Kahit mas matanda siya sa akin ng dalawang taon, napagkakamalan pa rin akong panganay kaysa kanya. Marahil dahil sa mas mukha akong seryoso sa buhay dala ng pagiging working student ko noong kolehiyo at sa tensiyon ng aking trabaho bilang writer sa telebisyon.

Makailang minuto ay nakatanggap ako ng text mula sa number ni Kuya.

"Hi! Can u B my textm8? u"

Nagulat ako sa mensahe. Naisip ko na baka nagbibiro lang ang aking kapatid. Masyado kasing palabiro si Ed kaya sinagot ko ang kanyang text.

"Kuya, C Christine 2. Wg k n magbiro jan. Kukumustahin ko lng c itay."

"M not Ed. Ds s Jonathan. Can u b my textm8? u"

Lalo akong nabigla. Wala akong kilalang Jonathan. Sa kamamadali ko, na-type ko ang sagot na "OK". At parang nawala naman ako sa aking sarili nang mapindot ko ang Send. Natauhan ako sa aking pagkakamali kaya nag-text uli ako.

"Wla n b cel c Ed? How will I contact him? Kc I need 2 know how's my father."

"I c. Kso m not Ed. Wer r u?" ang tanong nitong si Jonathan.

Bakit naman siya interesado kung nasaan ako? Hindi ko naman siya kilala. Nag-text uli ako sa kanya. Gusto kong ipaalam sa kanya na hindi ako nagbibiro.

"S ds 0917-831-5089? Ang alam ko # 2 ni Kuya Ed & I don't know hu u r & how u got his celfone!"

"Sori, d n ngayon. Binenta n nya s akin 2. ;)" sagot niya.

Bad trip naman, o! Paano na ngayon 'yan? Paano ko mako— contact ang aking kapatid? Ti-next ko uli si Jonathan.

"Alam mo b ang bgong # ni Ed?" tanong ko.

"Sori, d e. =(" sagot niya.

"Malapit k lng b s kanya?" tanong ko uli.

"D rin. =o#"

Suko na ako. Wala yatang kahihinatnan ang pagte-text ko sa taong ito. Nag-text uli ako bilang pamamaalam.

"Sori, naabala yata kita. Thx anyway."

NA-STROKE KASI ANG ITAY noong Marso ng taong iyon. Sisenta anyos lang siya. Si Ed ay isang physical therapist at siya na ang nag-aalaga sa aming ama. Mabuti noong mga buwang iyon ay katatapos lang ng isang soap opera na aking isinulat at wala pa akong panibagong assignment sa TV. Kaya nag-leave muna ako ng isang buwan upang samahan ko si Ed sa pag-aalaga kay Itay.

Matagal na kaming ulila sa ina. High school pa lang ako nang mamatay ang aming ina habang inooperahan. Nagkaroon raw ng tubig ang kanyang baga at may kung anu-ano pang komplikasyon na kailangang ma-operahan kaagad.

Mula noon, ang Itay na ang nagtaguyod sa amin. Dahil nakita ko kung ano'ng hirap ng kanyang pinagdaanan upang maigapang lang kami sa kolehiyo lalo na physical therapy ang kurso ng aking kuya, nagpasiya ako na maging working student.

Nagtrabaho ako sa isang fastfood outlet sa gabi habang ang klase ko naman ay sa umaga. Ayaw ni Itay na magtrabaho ako, pero ako ang mapilit. Ipinangako ko sa kanya na lagi akong mag-iingat at pagbubutihin ang aking pag-aaral para makapagtapos ng mass communications.

Nang makapagtapos ako ng kolehiyo, naisip ni Itay na bumalik ng probinsiya at doon na manirahan. Mas mura raw ang mamuhay doon kaysa dito sa Maynila. Nagtayo siya ng tindahan at malakas naman ang kinikita nito.

Nagustuhan naman ni Ed ang manirahan doon at nagtayo rin siya ng isang P.T. clinic. Ako naman ay nakahanap kaagad ng trabaho dito sa Maynila sa isang sikat na TV station kaya bihira akong makauwi ng Moncada, Tarlac.

HINDI NA AKO UMASA NA SASAGOT pang muli si Jonathan. Pero nang tumunog ang aking cellphone, nakita ko uli ang kanyang numero.

"Hayaan mo, il luk 4 Ed & ask him hows ur father. u" ani niya.

Paano naman kaya niya hahanapin si Ed? Naisip ko tuloy na baka taga-Moncada rin siya.

"Mtgal mo n bng kilala ang brother ko?" tanong ko.

"D gno, but i promis 2 txt u l8r. =)" sabi niya.

"Cge, thx."

Sinubukan kong i-text ang aking mga pinsan at tanungin kung ano ang cellphone number ni Ed. Parepareho ang kanilang sagot; katulad rin ng number ni Jonathan. Kaya si-nave ko na lang numero ni Jonathan. Siya na lang marahil ang huling contact ko kay Ed at Itay.

Naisip ko ang kalagayan ng aking ama. Nagpapa-check up kaya siya sa doktor? May gamot pa ba siya? Hindi naman ako kinakabahan pero naisip ko lang kasi kung may gamot pa ba ang Itay na gustong ipabili niya dito sa Maynila upang madala ko sa aking pag-uwi ngayong Pasko KUNG makakauwi ako. Ang hirap kasi sa aking kapatid, hindi niya sinasabi kung ano ang nangyayari sa kanila doon. Pero gaano kaya kalayo si Jonathan kay Ed? At bakit kaya ibinenta ni Ed ang kanyang cellphone? May bago na kayang cellphone ang aking kapatid?

TUMUNOG ULI ANG AKING CELLPHONE. Akala ko si Jonathan. Hindi pala. Ang mensahe ay mula sa aming headwriter na si Lanie.

"Brainstorming 2moro w/ Drek MAN & Drek George, 1pm, creaTv conf. rm. Txt bk 2 confirm. Reminding u of ur deadline 2day of 1st draft wk 12. - Lanie u"

Ano pa nga ba ang aking magagawa kundi ang mag-confirm?

Pinorward ko rin ang mensahe kay Greg.

"Bru, alam ko," sagot niya. "Ngaaral k lng mag4wrd ng txt no? C u!"

KAPAG NAGSUSULAT SA TV, hindi maiwasang magamit ang Sabado at Linggo kung kinakailangan. Pareho kaming nagsusulat ni Greg sa "Sa Pangarap Laging Kasama Ka" , ang top-rated na teleserye sa TV.

Nagsimula kaming mag-brainstorming para sa pagbuo ng istorya ng nasabing teleserye noong Hunyo ng taong 'yon. Nagsimula ang palabas noong Nobyembre lamang. Hit agad ito sa mga manonood dahil sa mga kilalang artista at sa ganda ng mala- Ugly Duckling na istorya.

Mag-iisang buwan na kami sa ere at kailangan pang pag— ibayuhin ang mga susunod na episodes. May natatanggap na kaming mga fan mails mula sa probinsiya, tawag sa telepono, mga e-mails, at mga mensahe sa aming website. Mayroong nagbibigay ng mga iba't-ibang mungkahi kung papaano pa pagbubutihin ang palabas. Mayroon  din namang nanghuhula na ng ending. Mayroon namang nagtatanong kung saan raw binili ng mga artista ang kanilang magagandang damit. Mayroon din namang pumupuna sa mga artista at sa mismong istorya. Mayroon din nagrereklamo sa maagang oras ng palabas na ala-sais y medya at humihiling na gawing ala-siyete y medya ng gabi na lang para makauwi sila bahay. Ganoon pa man, mataas pa rin ang ratings ng nasabing palabas mula nang magsimula ito. At proud ako na maging bahagi ng programang ito.

NAG-REPORT AKO SA TRABAHO nang hapong iyon upang mag-submit ng first draft ng script. Nadatnan ko si Lanie na nagko-computer sa kanyang mesa habang may kausap sa telepono.

Maganda si Lanie, maliit nga lang, at may katabaan. Chubby, 'ika nga. Supladita sa unang tingin pero kapag nakausap mo naman, makakasundo mo pala ang workaholic species na tulad niya. Kilalang walang love life dahil sa kanyang pagiging dakilang superwoman sa TV. Kaya lagi siyang tampulan ng tukso kapag dumarating ang mga guwapong lalaki, mapa-artista man o hindi, at ipinaparis sa kanya.

Nagsimula sa pagiging production assistant hanggang sa naging writer ng ilang TV shows si Lanie. Nang ipinasulat sa kanya ang nauna naming soap opera, humanga si Direk MAN sa kanya, kaya kinuha siyang muli ng direktor upang maging headwriter namin.

"Christine, remind ko sa 'yo brainstorming natin bukas, ha?" paalala ni Lanie habang may kausap sa telepono.

"Sure," sabi ko. "Nasaan si Mang Lino?"

Si Mang Lino ang aming utility man sa opisina. Siya ang mabait naming utusan kung baga. Mahigit sampung taon na raw si Mang Lino sa TV station na iyon. At siyempre, naging katiwala na naming lahat.

Itinaas ni Lanie ang kanyang kaliwang kamay at itinuro ang lugar kung saan ko makikita si Mang Lino habang may kausap sa telepono at nagsusulat ng e-mail ng sabay.

Nakita ko si Mang Lino na nagdala ng kape kay Direk MAN, ang aming direktor.

"Mang Lino," tawag ko, "paki-Xerox naman itong script. Anim na kopya po."

Puwede naman akong gumamit ng photocopying machine. Pero dahil lagi akong nakakaranas ng paper jam sa makina, naisip kong si Mang Lino na lang ang kumopya ng script. Mas kabisado niya ang makina kaysa sa akin lalo na kapag may aberya. Ngayon pa na kailangan ng anim na kopya ang 60 pahina na script.

"O sige, akin na," sabi ni Mang Lino matapos niyang iabot ang kape kay Direk MAN.

Kaya iniabot ko sa matandang lalaki ang script. Sumilip ako sa cubicle ni Direk at kumaway.

"Good afternoon po, Direk," bati ko.

"Hi, Christine, how's week 12?" tanong ni Direk habang nagko-computer sa kanyang mesa.

"Tapos na po ang first draft, Direk," sagot ko. "Magpapa-Xerox na po ako ng six copies for comments."

Tinawag ni Direk MAN si Lanie. "Lanie, ano'ng oras ang meeting for comments?"

Isinigaw na lang ni Lanie ang kanyang sagot, "6:00pm, Direk."

"Is Direk George coming?" tanong niya ulit.

"Yes, Direk, mga 6:30pm daw," sigaw naman ni Lanie.

Ganoon lang talaga kami sa opisina kung makipag-usap. Isinisigaw na lang dahil busy sa harapan ng computer.

Direk MAN ang tawag sa kanya, abbreviation ng kanyang buong pangalang Mary Anne Novenares. Maganda sana kaso tomboy. Workaholic rin katulad ni Lanie. Nagagawa niyang magsulat ng script pampelikula at mag-direct ng teleserye ng sabay. Wala namang partner o anak na pinagtutuunan ng pansin, pero subsob sa trabaho dahil alam ng karamihan na nakabili siya ng bagong condominium unit at Honda CRV maliban pa sa ibang investments sa stocks ng TV station.

Bumalik ako sa kinaroroonan ni Lanie. Tamang-tama naman na sinalubong niya ako.

"Christine, urgent lang. Kailangan nating mag-interview ng psychiatrist para sa character ni Morgan," sabi ni Lanie.

Si Morgan ay ang kontrabidang lalaki sa telenobela. Dahil sa ginawang character niya, kinakailangang makapanayam ang isang espesyalista upang maging makatotohanan ang bawat pagganap ng artista.

"Kailan ang deadline?" tanong ko.

Alam kong hindi na kailangang itanong ito dahil may brainstorming bukas ng hapon, siyempre bukas ang deadline, kaya nga urgent, e. Pero malay mo, bigyan pa ako ng palugit.

"Bukas," sabi ni Lanie. "Kasi kailangang i-shoot sa Martes 'yung eksena."

"What if hindi ako maka-interview ng psychiatrist until tomorrow?" hirit ko.

"As much as possible, sana maihabol mo bukas sa brainstorming," lambing ni Lanie.

Hindi madali ang mag-research at magsulat ng script para sa pang-araw-araw na teleserye, pero kinakailangan itong gawin dahil hindi naman puwedeng maantala ang shooting ng production. Nadagdagan naman ng problema ang creative.

Kaya pumunta ako sa aking mesa, kinuha ang telepono, at nag-isip. Saan ako maghahagilap ng doktor ngayon? Tinignan ko ang aking relo: alas-singko y medya na ng hapon. Ganda. Kinuha ko ang directory at nagsimulang maghanap.

Hindi ko namalayan na dumating si Greg.

"Bulaga!"

"Ay! Ano ka ba, bakla?! Ginulat mo ako," sabi ko.

Ibang klaseng bakla si Greg. Makikita mo sa kanyang panlabas na anyo na isa siyang lalaki. Matangkad, payat, maitim, may hitsura, magaling manamit. Pero kapag nagsalita na siya at kumarinyo sa tao, mahahalata mo ang kanyang pagkabading.

Classmate ko si Greg noong college. Seatmate kami kapag alphabetically arranged ang klase (Dungca ako, Durano siya.). Magka-grupo pa kami sa thesis. Kaya nang makapagtapos kami ng kolehiyo, sabay pa kaming natanggap sa trabaho bilang researcher ng isang TV show. Pero naging mas close kami nang maging contributing writers kaming dalawa sa isang soap opera na pangtanghali. Napansin ni Direk MAN kung gaano kami ka-creative kapag kaming dalawa ang magkasama kaya ang tawag niya sa amin ay The Supertwins.

Mas maliit ako kay Greg. Siya ay 5'8", ako naman ay 5'4" ang taas. Maitim si Greg, ako naman ay may kaputian. Payat si Greg, matabain ako, siksik kung baga. Kaya maraming nagsasabing kami ang Supertwins na magkaiba.

"Bru, patingin ng cellphone mo," sabi ni Greg.

Iniabot ko ang aking cellphone. Nakita ko na dismayado ang aking kaibigan sa nakitang modelo.

"Ano ka ba naman, Christine? Nokia 5110. 'Day, ang uso ngayon ay 3210, 6150, at 8210," sabi niya.

"Sa 'yon lang ang kaya ko, e. At saka hindi ko naman kailangan ang mga kaek-ekan ng cellphone, ano? Basta ang importante, makapag-text lang," paliwanag ko.

Biglang tumunog ang aking cellphone.

"Aba, may textmate ka na!" sabi ni Greg.

Siya na ang nagbasa ng mensahe.

"Uy, from Jonathan. Ikaw, ha? May papa ka na pala."

"Hindi, a! Nasa kanya na kasi ang cellphone ni Ed," sabi ko.

Kilala ni Greg si Kuya Ed. Crush nga niya ang aking kapatid kaya hindi siya nahihiyang tawagin akong sister. Mabuti na raw 'yon, kasundo ang hipag. Sa bagay, mahigit pa sa tunay na kapatid ang turing ko kay Greg. Marami nga ang nagtataka kung bakit ang best friend ko ay isang bading. Pero ang hindi nila alam, nagtataka rin ako. Tinatawanan ko na nga lang ang ibang tao kapag sinasabi nila na boyfriend ko si Greg.

"Ay, may papa na si Ed? Ayaw ko na sa kanya kung ganoon," ang sabi ni Greg na parang nagtatampo.

"Baliw! Ibinenta ni Ed ang kanyang cellphone diyan sa Jonathan na 'yan," sabi ko.

Binasa ni Greg ang text message ng malakas: "Talkd w/ Ed. Wla p cya celfone. Ur father s ok nmn daw. How r u? =). Uy, kinukumusta ka niya, o!" dugtong pa niya.

"Akin na ang cellphone ko," sabay kinuha kay Greg. Binasa kong muli ang mensahe at sinagot ko ito. "Pkisbi n m ok. D p ko cgurado f i wil go home 4 xmas. Mdami akong dedlyn."

"OK, ingat ka. u" sagot ni Jonathan sa text.

Pagkatapos kong burahin ang mensahe, nagdial na ako ng numero sa telepono habang kausap si Greg.

"Alam mo, bakla, mabuti pa tulungan mo ako sa research.

Samahan mo ako, may i-interview-hin tayo bukas ng umaga. Bagay ka doon sa pupuntahan natin, promise," sabi ko habang naghihintay na may sumagot sa akin sa kabilang linya.

"Sure, kapatid. No problem," sagot naman ng aking kaibigan.

"Ikaw naman ang nagsabi na bagay ang beauty ko d'yan."

"Hello, good afternoon. National Center for Mental Health?"

Tinignan ako ni Greg at nagulat sa narinig niya mula sa akin. Gumalaw ang kanyang bibig na waring sinabi, "Walang hiya ka!"