NASA BUS KAMI NI GREG patungong Tarlac. Hindi ako mapakali. Hindi pa kasi nagte-text si Jonathan mula kaninang umaga. Na-miss ko na yata ang text mula sa kanya. Ngayon lang yata siya papalya.
Pero bakit nga ba ako mag-aalala? Hindi ko naman siya kilala at hindi ko kailangang intindihin. May isusulat pa akong script ngayong bakasyon.
HAPON NA KAMI NAKARATING ni Greg sa Moncada. Masaya si Itay at nakarating kami ng aking kaibigan para idaos ang Pasko kapiling niya.
"Hi, Itay!" bati ni Greg habang kami ay nagmamano.
Nagsimulang pumuti na ang buhok ni Itay. Halatang na— biktima siya ng stroke dahil paika-ika na siyang maglakad at parang mahina na ang kanyang kaliwang braso at kamay.
"Mabuti at sumama ka kay Christine. Akala ko uuwi ka ng Zamboanga," sabi ni Itay kay Greg.
"Itay naman, alam mo na ngang malabo 'yon, e. Baka ma— kidnap pa ang beauty ko ng mga Abu Sayyaf!" biro ni Greg. "Saka may deadline kami, father."
Ang totoo, ayaw umuwi ni Greg sa Zamboanga City dahil hindi siya puwedeng umastang bakla doon. Hindi alam ng kanyang ama ang tunay niyang kasarian. Heneral ang kanyang ama at ayaw nito sa bakla. Kahit ang kanyang mga kaklase sa elementary at high school ay hindi alam na siya ay bakla. Mabuti nga si Itay, tanggap niya si Greg bilang aking best friend.
"Itay, nasaan si Ed?" tanong ko.
"Nandoon kina Jeffrey. Dumating kasi siya kasama ang kanyang anak," sabi ni Itay.
"Dumating? Saan galing?" tanong ko uli.
Parang natauhan ang Itay sa tanong ko. "Ha? E, baka bumili na naman ang mga 'yon ng mga isda para sa aquarium."
Mahilig kasi ang aking kapatid sa mga alagang hayop. Bukod sa alaga niya sa bahay na Japanese spitz, Persian cat, at mynah, nakahiligan niya ang pag-aalaga ng iba't ibang isda. Nagtataka nga ako kung bakit hindi pa siya kumuha ng veterinary medicine sa halip na physical therapy.
Nakita ko ang aso at pusa sa may sala at nilapitan ko ang mga ito. Hindi naman ako gaanong mahilig sa mga hayop pero nakagiliwan ko na sina King, ang aso, at Queen, ang pusa. Nakita ko ang mynah sa sulok at biglang nagsalita.
"Taba!" sabi ng ibon.
Narinig iyon ni Greg at tumawa. "Sister, alam niya na tumataba ka."
"Pangit!" sabi muli ng ibon.
Ako naman ang napatawa.
Tinignan ni Greg ang ibon at kinausap ito. "Walang hiya kang ibon ka! Baka mapatay kita diyan!"
TINAWAG KAMI NI ITAY. Sinabi niya na baka dumalaw ngayong hapon si Jeffrey at ang kanyang anak na si Tina.
Hindi ko akalaing makikita ko ang anak ni Jeffrey ngayong bakasyon. Alam ko na inosente ang bata. Ngunit kapag naiisip ko na anak siya ni Jeffrey sa ibang babae, nasasaktan ako. Siguro maglilimang taon na ang bata at kamukha ng ama.
INAYOS NA NAMIN NI GREG ang aming mga gamit sa aking kuwarto.
"Sister, sana loveless pa rin ang brother mo," sabi ni Greg.
"Hay, naku Greg, puwede bang tigilan mo na ang pag-iilusyon sa kapatid ko? Hindi kayo talo noon," sagot ko.
"Gusto mo magpasex change ako para maging isang ganap na girlash?"
Alam kong nagbibiro lang si Greg. Wala pa kasi siyang ka-relasyon na lalaki, virgin pa kung baga. Hanggang mga ilusyon lang ang kanyang mga pinagsasabi. Kahit ganyan siya kabakla, seryoso sa buhay si Greg at wala sa isipan niya ang makipag-relasyon. Hindi ko alam kung may celibate na bakla, pero kung mayroon man, si Greg na yata 'yon.
Tumunog ang aking cellphone. Nagmamadali akong kunin ito at basahin ang text. Tama nga ang hinala ko na kay Jonathan galing ang mensahe.
"smtimes I txt U,
smtimes I dont,
smtimes I reply,
smtimes I dont,
but no mtr how
mny times dat
smtimes S, I will
surly B ur frnd
not 4 smtime but
4 ol d time"
Binasa ni Greg ang text.
"Mabuti ka pa, may ka-text na sweet and thoughtful," sabi niya.
"Greg, paano kung narito si Jeffrey? Okay lang ba kung sabihin ko ang tungkol kay Jonathan?" tanong ko.
"Akala ko ba past tense na si Jeffrey?" sabi ni Greg.
"Nagtatanong lang naman ako, e," sabi ko.
"Aba, of course, sabihin mo na kay Jeffrey. Puwede ba, magbati na kayo as friends na lang?" pakiusap ni Greg sa akin.
Hindi ako sumagot. Iniisip ko kasi kung magagawa kong makipagbati kay Jeffrey matapos ang lahat.
"Patunayan mo sa sarili mo na past is past at wala na siya sa buhay mo," sabi ni Greg.
LUMABAS NA KAMI NI GREG ng kuwarto upang samahan si Itay sa kanyang tindahan. Tamang-tama, dumating sina Ed, Jeffrey, at ang anak niyang si Tina. Nakita ko si Tina na tumakbo kay Itay at nagpakalong. Tama nga ang hinala ko, habang lumalaki si Tina, nagiging kamukha ng kanyang ama. Madaldal at makulit na rin siguro.
"Lolo!" sabi niya habang nagmamano at kumalong kay Itay.
"Aba, nandito na pala ang aking munting prinsesa," sabi ni Itay sabay kalong sa bata.
"Christine, kunin mo ngang extra 'yan sa TV," sabi ni Ed sabay turo kay Tina. "Baka kailangan n'yo ng batang babae."
Sumipol si Ed. Biglang nagdatingan ang kanyang alagang aso at pusa. Narinig namin na sumipol rin ang mynah sa loob ng bahay.
"Ed!" sabi ng ibon.
Si Kuya Ed naman ay may kalakihan. Matangkad at mataba. Malaki na rin ang tiyan sa kakainom siguro ng beer. Alam kong walang girlfriend at walang balak maghanap.
Tinignan ako ni Tina. Ngumiti siya, pero parang nahihiya siya sa akin.
"Bless ka kay Ninang," sabi ni Itay.
Lumapit sa akin ang bata at nagmano.
"Ilang taon ka na?" tanong ko.
Hindi sumagot si Tina. Sa halip ay ipinakita lang nito ang kanyang kamay at ang mga daliri na siya'y apat na taong gulang na.
Alam kong ice breaker lang ni Ed 'yon para pansinin ko si Jeffrey. Pero ngumiti lang ako kay Jeffrey bilang pagkilala na naroon siya.
Lumapit si Greg sa bata at nagpakilala. "Hi, Tina. Ang ganda mo naman. I'm Greg, short for gregarious."
Nakatingin lang ang bata kay Greg, waring 'di malaman kung takot, nahihiya, o nagtataka. Natawa kaming lahat sa reaksiyon ng bata.
"Alam mo ba ang ibig sabihin ng 'gregarious'?" tanong ko.
"Oo naman, 'no?" sagot ni Greg at humarap kay Ed. "Hi, Ed. Kumusta ka na?"
"Di ba, dapat nasa Lamitan ka?" biro ni Ed.
"Ikaw talaga, puro ka biro. Ayaw mo bang masilayan ang beauty ko?"
"Sorry, but I'm already taken," sabi ni Ed.
"May girlfriend ka na?" tanong ni Greg na may halong panghihinayang.
"Si Aida, si Lorna, at si Fe," sagot ng kapatid ko sabay turo sa tatlong isda sa aquarium.
"Grabe ka, Ed. Zoophile ka na pala ngayon!" sabi ni Greg. "Hindi sila magiging sirena ever."
Hindi ko sinasadyang mapatingin kay Jeffrey na nahuli kong nakatitig sa akin. Bigla siyang pumaling ng tingin sa ibang direksiyon. Hindi na uli ako tumingin sa kanya.
"Ikaw, Jeff, kumusta ka na?" tanong ni Greg.
"Okay naman," sagot ni Jeffrey.
"Huwag mo nang pag-interesan si Jepoy," sabi ni Ed kay Greg.
"Hindi naman siya ang pinag-iinteresan ko, a. Ikaw," sagot ni Greg. "Besides, masama bang kumustahin si Jeff, as in your ex?" sabay tingin ni Greg sa akin, ginagaya ang isang pamilyar na TV commercial ni Angel Jacob.
Nabigla ako sa ginawang iyon ni Greg. Hindi tuloy ako naka— react kaagad. Ngumiti lang ako. Pakiramdam ko ay namula ako kaya hiyang-hiya ako kay Jeffrey na nakatingin sa akin. Tumingin ako sa ibang direksiyon. Napansin siguro iyon ni Ed.
"Sumama kayo sa amin, pupunta kami sa siyudad. Ilibre n'yo na rin kami kahit pizza lang," sabi ni Ed.
"Oo nga, para makatikim kami ng grasya mula sa Maynila," dugtong ni Jeffrey. "Tina, humingi ka na ng pamasko sa ninang mo."
Ngumiti ang bata. Nahihiya pa rin sa akin. Nginitian ko rin siya. Ewan ko ba kung ano ang mayroon sa batang ito at kinayawan ko siya upang lumapit sa akin.
"Ay, sige, gimik tayo," sabi ni Greg. "Pair-pair tayo, o. Tapos si Tina, anak n'yong dalawa." Tinuro ni Greg kaming dalawa ni Jeffrey.
Hindi ko akalaing magbibiro si Greg ng ganoon. Alam niyang ayaw kong pansinin si Jeffrey, pero gusto niyang magkabati kami bilang magkaibigan.
"Sige, pumunta na kayo," sabi ni Itay sa akin. "Minsan ka na lang mamasyal, e. Ipasyal mo na rin si Greg."
Alam ng Itay na talagang hindi ako lumalabas ng bahay upang mamasyal sa mga malls. Kaya kapag niyayaya ako ng aking kapatid, pumapayag siya.
"Sige po," sabi ko kay Itay.
MULA NANG UMALIS KAMI sa bahay hanggang makarating kami sa siyudad, panay ang biruan nina Ed, Greg, at Jeffrey. Hindi ako gaanong nakihalubilo dahil hawak ko si Tina at may iniisip. Naghihintay ako ng text mula kay Jonathan habang inaalis sa aking isipan ang aming pagkikita ni Jeffrey.
Parang na-excite akong bigla na makipag-eyeball kay Jonathan. Lalung-lalo na gusto kong ipakita kay Jeffrey na baka magkaroon na ako ng ibang lalaki. Oo, guwapo pa rin si Jeffrey, mabait, magalang, pero mas lalo kong naaalala ang nakaraan.
Kanina ko pa tinitignan ang aking cellphone kung may mensahe ako. Hindi pa kasi nagte-text si Jonathan magmula noong huling text nito kaninang hapon. Hindi ko na natiis kaya ako na ang nag-text sa kanya.
"Got ur msg. Nnd2 n ko s Moncada. FYI. =)"
Naalala ko tuloy na tanungin si Ed tungkol sa cellphone. "Ed, bakit mo nga pala ibinenta ang iyong cellphone?"
"Hindi ko naman gaanong ginagamit, e. Malay ko bang may cellphone ka na. Kung gusto mong mag-text sa akin, text mo si Jepoy. Palagi naman kaming magkausap nito, e," sabi ni Ed.
"Ayaw lang ni Ed na ma-text ng mga babae," biro ni Jeffrey.
"Ganoon?" ani Greg. "Ano 'yan, nagtatago?"
Narinig kong tumunog ang cellphone ni Jeffrey. Kinuha niya ito sa kanyang bulsa at binasa ang text. Napangiti pa siya sa kanyang binasa at nag-text rin ng sagot. Sa isip ko, may ka-text siguro na ibang babae. Balita ko na hiwalay na raw sina Jeffrey at Ces.
Patuloy pa rin ang biruan nilang tatlo pero nakatuon ang pansin ko kay Tina. Pareho kaming kumakain ng pizza na gusto naming dalawa. Pakiramdam ko ay nagsisimula na kaming magkalapit ng loob.
Tumunog ang aking cellphone. Natuwa ako na makatanggap ng sagot mula kay Jonathan.
"Mbuti nmn @ nkrtng k ng safe jan s nyo. Wen & wer can i mit u? cant w8 2 talk 2 u. u"
Ipinakita ko ang text kay Greg. Kinilig naman ang aking kaibigan.
"Alam mo ba, Ed? May ka-textmate na ang iyong kapatid. Jonathan ang name at take note..."
Iniabot ni Greg ang aking cellphone kay Ed at ipinabasa ang text message. Binasa naman ni Ed at Jeffrey ang message.
Nagkatinginan silang dalawa. Tinignan ko si Jeffrey sa kanyang reaksiyon.
"Manliligaw mo?" tanong ni Jeffrey sa akin.
"Hindi... hindi pa," sagot ko.
Proud pa ako nang sabihin ko 'yon. Gusto ko kasing iparamdam sa kanya ang sakit na nararamdaman ko noong nagkahiwalay kami. Makakaganti na rin ako sa kanya sa wakas.
HINDI AKO DINALAW NG ANTOK ng gabing iyon. Naisip ko si Jonathan. Kapag nakakatanggap ako ng text mula sa kanya parang gusto kong ipakita kay Jeffrey na mas mabuti pa si Jonathan kaysa kanya. Sana hindi ko na lang ka-textmate si Jonathan. Sana manliligaw ko na siya talaga.
Nag-text ako kay Jonathan. "U can come hir @ r haus anytime. Alam mo nmn cguro coz u bought Ed's cel."
Naghintay ako ng sagot. Walang dumating. Naisip ko tuloy na baka low batt na ang kanyang cellphone at nakasara ito para mag— charge ng baterya. Sa kakahintay ko, nakatulog ako ng mahimbing.