The First Trilogy (in Original Filipino Text) by Issa Bacsa - HTML preview

PLEASE NOTE: This is an HTML preview only and some elements such as links or page numbers may be incorrect.
Download the book in PDF, ePub, Kindle for a complete version.

Chapter 9: ROSAS NG DISYEMBRE

___________________________________________

KINABUKASAN, ginising kami ni Ed. Hindi ko naman kasi ugaling mag-lock ng pinto sa probinsiya. Nakita ni Ed na nakatulog kami ni Greg na magkayakap. Kung hindi mo alam na bakla si Greg, aakalain mo na mag-asawa kaming dalawa.

"Bangon na," sabi ni Ed. "Mag-aalmusal na tayo."

Gusto kasi ni Itay na sabay-sabay kaming kumain. Pero hindi pa rin ako gumagalaw. Ganoon rin si Greg.

"Baka makita ka pa ni Itay na ganyan, bangon na," sabi ni Ed.

"Inggit ka lang," sagot ko. "Wala ka kasing kayakap."

"Correct," sabi ni Greg na bagong gising. "Ayaw pa kasi ni Ed sa akin."

"Diyan na nga kayo," sabi ni Ed. "Sasabihin ko kay Itay, may ginawa kayo kagabi."

Pinilit ko na bumangon. Unang-una ko na hinawakan ang aking cellphone. Nakatanggap pala ako ng text mula kay Jonathan.

"Some things r

left undone,

some words r

left unsaid, some

feelings r left

unexprsd, but

some1 as nice as

U cud never B

left unnoticed."

Ganoon lang. Wala siyang binanggit kung pupunta siya sa amin o hindi. Nag-text ako sa kanya upang tanungin kung makakapunta siya sa bahay ngayon. Pero hindi siya sumagot.

MAKATAPOS ANG ALMUSAL, inihanda ko na ang aking laptop at ipinagpatuloy ko na ang sinusulat kong script. Ganoon rin si Greg. Dahil natapos niya ang unang draft ng week 13, ang revisions naman nito ay pupuwedeng i-email na lang kay Lanie ngayong bakasyon.

Pagkatapos ng tanghalian, ipinagpatuloy namin ni Greg ang pagsusulat. Hanggang ngayon ay wala pa ring sagot si Jonathan. Nagtaka na ako.

"Greg," sabi ko. "Bakit kaya wala pang sagot si Jonathan?"

"Ewan," sagot ni Greg. "Baka naman busy. Christmas season, maraming paghahanda ang mga tao. Don't tell me, miss mo na siya."

"Hindi. Nakakapanibago lang. Dati-rati, palagi siyang nagte-text, sunud-sunod," sabi ko.

NOONG HAPONG IYON, nakita ko sina Tina at Ed na nakikipaglaro sa aso at sa pusa. Masaya ang mga tawa ng bata na nakikipaglaro sa kanyang ninong at mga alaga. Hindi ko natanawan si Jeffrey kaya lumapit ako kay Ed.

"Nasaan si Jeffrey?" tanong ko.

"Pumunta sa siyudad, namili. Bakit mo naitanong? Miss mo na?"

"Hindi, a! Kaya ko natanong kasi laging narito 'yang bata," sagot ko.

"E, ano ngayon? Inaanak naman natin ito."

"Hindi ko siya inaanak," tanggi ko.

"Hoy, ninang ka nitong bata. Ikaw lang ang hindi sumipot noong binyag," sabi ng aking kuya.

Kinuha nga kami ni Jeffrey na maging ninong at ninang ni Tina. Pero sa matinding galit ko kay Jeffrey, hindi ako pumunta ng binyag at lalo ko siyang kinasusuklaman sa ginawa niyang pag-imbita sa akin. Bakit naman kasi may pamahiin pa ang mga matatanda na masama raw tumanggi sa pagiging ninong o ninang? Napilitan tuloy ako.

PAGKATAPOS NG HAPUNAN, nakita ko si Jeffrey sa may gate na nakaupo lang mag-isa. Nakatingin siya sa malayo waring may iniisip. Lumabas ako upang patuluyin siya sa loob.

"Pumasok ka sa loob," sabi ko. "Malamok diyan. Nasa loob si Tina, nasa kuwarto ni Itay."

Lumingon siya sa akin at tumayo. May hawak pala siyang isang long-stemmed rose. Iniabot niya ito sa akin.

"Para sa iyo," sabi ni Jeffrey.

"Salamat."

Hindi ako nakapagsalita. Mahigit limang taon na ang nakakaraan nang magkahiwalay kami. Nakikita ko pa rin sa kanya ang guwapong Jeffrey na minahal ko ng lubusan. Walang pagbabago. Pero kapag naiisip ko ang nakaraan, nagsisimula ang matinding pagkamuhi ko sa kanya, lalo na ang katibayan ng kanyang pagtataksil ay nandito lang sa bahay namin.

"Nagkikita pa ba kayo ni..." tanong ko. Hindi ko na nabanggit ang pangalan ni Ces. Naiintindihan naman siguro ni Jeffrey ang gusto kong sabihin.

"Matagal na kaming hiwalay ni Ces. Hindi naman kami kasal, e. Nasa akin na ang bata. Balita ko nasa Cebu na siya at may asawa na't mga anak," sagot ni Jeffrey.

"Ah..." tumango ako.

Wala akong balak makipag-usap pa ng matagal kay Jeffrey. Pero naiilang ako kapag nakatingin siya sa akin ng ganoon. Pakiramdam ko ay may gusto pa siyang sabihin na hindi niya masabi ng deretsuhan.

"Sana makapag-usap tayo tungkol sa..." Hindi niya maipagpatuloy ang kanyang sinabi.

"Tungkol saan?" tanong ko.

"Sabihin na nating may unfinished business sa ating dalawa," sabi niya.

"Ang alam ko, Jeffrey, tapos na ang lahat sa atin," sagot ko.

Tumahimik lang siya at napatingin sa malayo. Ako naman ay tumalikod na at papasok na sana ng pintuan.

"May iba na ba?" tanong ni Jeffrey.

Napahinto ako. Lumingon ako sa kanya at nakita ko na parang nanghihinayang siya sa mga nangyayari. Halata sa kanyang mga mata ang pagsusumamo. Pero hindi ako nahabag man lang.

"Wala pa naman," sagot ko.

Umaasa pa rin ako na makikita ko si Jonathan ngayong Pasko. At kapag nakilala ko na siya, ipapakilala ko siya kay Jeffrey. May naalala akong bigla.

"May itatanong nga pala ako. Kilala mo ba si Jonathan, 'yung bumili ng cellphone ni Ed?"

"Ha? Hindi. Hindi ko siya kilala," sagot niya. "Siya ba?"

Tinutukoy niya siguro si Jonathan.

"Malay natin," sabi ko sabay kibit-balikat.

Nakakailang na talaga ang maikling sagutan namin iyon. Mabuti na lang at napa-atras ako ng isang hakbang. Nahalata na siguro ni Jeffrey na gusto ko nang pumasok sa bahay.

"Sige, sa ibang araw na lang," sabi niya. "Sana bago ka man lang bumalik ng Maynila, magkausap muna tayo ng masinsinan."

Umasa ka pa, sabi ko sa aking sarili. Pumasok na ako sa bahay at natanawan ko pa sa bintana na nakatayo pa rin si Jeffrey sa may gate. Napatingin ako sa rosas. Maganda ang rosas, mapula, mabango. Naisip ko na sinadya talaga ni Jeffrey na ibigay ito sa akin upang humingi ng tawad. Pero wala ng puwang ng pagpapatawad sa puso ko. 'Yon ang alam ko at palagi kong sinasabi sa aking sarili.

NAGHINTAY AKO NG TEXT mula kay Jonathan. Mga bandang alas-onse y medya na ng gabi ko natanggap ang kanyang text. Mahimbing nang natutulog si Greg sa aking tabi.

"Sori kung ngaun lng ako ngtxt. D ko pla nattnong s u f my bf k n. Bka kc mglit o mgselos pg pumunta ako jan."

"Wla akong bf. mba8 ang itay & kuya ko. ok lng n dumalaw k dito," sabi ko.

Hindi na siya nag-text pang muli.