Chapter 10: PASKO NA, SINTA KO
___________________________________________
NAGHANDA KO NG MGA PAGKAING pang-Noche Buena. Tinulungan ako ni Greg sa paghahanda. Sina Itay at Ed naman ay abala sa pag-iihaw ng isda at barbecue sa labas. Naroon din sina Jeffrey at Tina.
Isa lang ang aking text message mula kay Jonathan.
Snding u dis
CHOIR fr
Heaven 2
serenade U 2day
Merry X-mas!
Hanggang ngayon ay hindi ko pa alam kung kailan siya makikipagkita sa akin. Nagtataka na rin si Greg.
"Kapatid, baka natatakot, umurong," biro niya.
"Bakit naman?" tanong ko.
"Let's say, nahiya siya kay Ed. Posible 'yon, 'di ba? Tignan mo, siya ang bumili ng cellphone ni Ed. Kilala ka niya only by name and text. Alam niyang Manila girl ka. Siya hindi. Baka na-insecure. 'Yung mga ganoon ba?" paliwanag ng aking kaibigan.
"Siguro, ayaw niya 'yung tanong ako ng tanong kung kailan kami magkikita," sabi ko.
"Siguro, correct ka diyan, kapatid," sabi ni Greg.
SABAY-SABAY KAMING NAGSIMBA ng alas-diyes ng gabi. Hindi ko inaasahan na magkakatabi kami ni Jonathan sa simbahan. Naiilang na naman ako habang nagmimisa. Dinadaan ko na lang sa mataimtim na pagdarasal at ipinipikit ko ang aking mga mata upang hindi ko siya mapansin. Kaya lang, nang magkantahan ng "Ama Namin" na magkahawak-kamay at nang magbatian ng "Peace be with you", hindi ko mapigilang maalala noong kami'y sabay pang nagsisimba. Alam kong naiilang rin siya sa aming pagkakatabi. Pero hindi namin maiwasang magkadikit ang aming mga balikat, magbanggaan ang mga kamay, o magkatinginan.
TAHIMIK LANG AKONG KUMAIN noong Noche Buena. Kasama kasi sina Jeffrey at Tina sa hapagkainan. Inimbitahan kasi ni Itay ang mag-ama na sa amin na sila kumain. Hanga naman ako kay Greg. Na-pick niya siguro ang vibrations ko kaya siya ang nagkukuwento ng kung anu-ano upang maging masaya kaming lahat.
Si Tina naman ay nangungulit tungkol sa mga regalo sa ilalim ng Christmas tree.
Makalipas ng kainan, tinulungan ako ni Jeffrey sa paghuhugas ng mga pinagkainan. Mukhang nagkakonstaba sina Greg at Ed at sila ang natulog ng maaga. Nakatulog si Tina sa kuwarto ko.
"Akala ko darating 'yung textmate mo," sabi ni Jeffrey upang maputol ang katahimikan.
"Hindi pa naman kasi siya nagte-text, e," sabi ko.
"Galit ka pa ba sa akin?" tanong niya.
HIndi ko masagot si Jeffrey. Kung sasabihin kong oo, hindi na sana ako nakikipag-usap sa kanya. Kung sasabihin ko namang hindi, baka isipin niyang binibigyan ko siya ng isa pang pagkakataon, "Matagal na kasi 'yon, e. At saka bata pa tayo noon," sinabi ko na lang.
"Pinapatawad mo na ba ako?" tanong niyang muli.
"Siguro. Pero sana, Jeff, huwag ka nang umasa na magkakabalikan pa tayo," sabi ko.
Natigilan si Jeffrey. Ako rin. Hindi ako makapaniwala na nasabi ko 'yon ng harapan, ng deretsuhan. Na-guilty ako. Nasaktan ko ang kanyang damdamin. Pero sinaktan rin niya ako noon, pilit kong ipinapaliwanag sa aking isipan.
"Kahit magkaibigan lang..," pabulong na sinabi ni Jeffrey.
Napahinto si Jeffrey. Nararamdaman ko na pinipigilan niya ang kanyang damdamin. Agad niyang inilagay ang mga plato at mga kubyertos sa lagayan. Hindi na siya umiimik. Ganoon rin ako.
Pagkatapos noon ay inihatid ko siya sa gate. Tahimik pa rin kaming dalawa.
"Sige, aalis na ako. Bukas ko na lang susunduin si Tina.
Salamat na lang. Merry Christmas," sabi niya.
"Sige, Merry Christmas rin," iyon lang ang aking nasabi.
Alam kong malungkot siyang umalis. Mabigat man sa aking damdamin, pinanindigan ko na hinding-hindi na kami magkakabalikan pang muli.
NAKATANGGAP AKO NG TEXT MESSAGE mula kay Jonathan alas-dos y medya ng madaling araw.
"wen u truly care
4 sm1, u dont luk
4 faults, u dont
luk 4 answrs, u
dont luk 4
mstakes. Nstd,
u fight 4 D
mstakes, u accpt
D faults & u
ovrluk xcuses."
Nagtaka ako kung bakit ganoon ang text niya.
"Wat do u mean?" tanong ko sa text.
"Ay sori, ngkmli ako ng send. Pra s pnsan kong in luv un. Kasi Pskong Psko may prob cya," text ni Jonathan. "Sori nga pla, d ako nkadaan jan. Busy e."
"I c. Ok lng. F u dont mind, ask ko lng may GF k n b?" sagot ko.
"Nghhnap nga, e," sabi niya. "Sna ikw n nga."
Hindi na ako nag-text sa kanya. Naisip kong mali yata ang magtanong sa kanya ng ganoon.
Hindi na naman ako makatulog. Mahimbing na natutulog si Tina sa gitna namin ni Greg. Naalimpungatan si Greg.
"Sis, bakit 'di ka pa natutulog?" tanong niya.
Pinabasa ko sa kanya ang text ni Jonathan at ikinuwento ko ang usapan namin ni Jeffrey.
"Mahal mo pa ba si Jeffrey?" tanong ni Greg sa akin.
"Hindi na," sabi ko.
"Puwes, matulog na tayo kung ganoon," sabi ni Greg.
Humiga na kami. Hindi ko pa rin maipikit ang aking mga mata. Inisip ko ang sinabi ko kay Greg. Tama nga ba ang sabihing hindi ko na mahal si Jeffrey?