MARAMI AKONG NATANGGAP NA TEXT MESSAGES na bumabati ng Maligayang Pasko. Pero wala pa ring text mula kay Jonathan. Nagta-type kami ni Greg ng script nang matanggap ko ang kanyang text.
ayan ha nag drive
pa ko para
lang i-grit kita ng
Hi!
bubusina pa yan!
CUTE (",) CUTE!
Dismayado ako dahil hindi man lang siya bumati ng Merry Christmas. Pero nakatanggap muli ako ng text mula sa kanya.
"Sori, d p ko mkkpunta jan 2 c u. il just txt u wen."
"Ok."
"Meri xmas! Sna msya k ngaung Pasko @ s bgong taon, sna my mgndang pgbbgo s yo."
"Same 2 u. Thx!"
Hindi pa raw siya makakapunta dito. Kailan kaya? Naiinip na rin ako sa kahihintay.
"Greg," sabi ko, "nag-text si Jonathan. Hindi pa raw siya makakapunta rito."
"Naku, you mean mauudlot ang eyeball n'yo ngayong vacation?"
Tumango ako. Patuloy pa rin ako sa pagta-type ng script. Tumunog uli ang aking cellphone. Mula ito kay Jonathan.
"Wat f i say im falling n luv w/ u khit d p kta kilala?"
Nabigla ako sa kanyang sinabi. Pinabasa ko kay Greg ang text.
"Naku, Christine, it must be love!" sabi ni Greg.
Kinabahan na ako. Parang hindi ako makapaniwala na sa mga sinabi lang ni Ed sa kanya at sa aming pakikipag-text araw-araw mula noong ika-15 ng Disyembre, ay mai-in love na ang isang lalaking hindi ko kilala.
TINAWAG KAMI NI ITAY at pinagsabihang magbihis at humanda para sa pagpunta namin sa mga kamag-anak sa kabilang bayan. Kasama na naman sina Jeffrey at Tina. Parang ayaw kong sumama pero napilit na rin ako ni Greg.
"Sige na, sama na tayo," sabi ni Greg. "Para maiba naman ang simoy ng hangin. Malay mo, doon pa ako makakuha ng inspirasyon sa pagsusulat."
NAKARATING KAMI SA KAMANGGAHAN mga alas-dose ng tanghali. May handaan pa rin sa bahay ng Tiyo Arcing. Kumpleto ang mga kamag-anak ni Itay doon. Pilit kong maging masaya kahit iba ang aking iniisip.
Napansin kong malapit pa rin si Jeffrey sa aking mga kamag-anak. Alam naman nila ang nangyari sa amin ni Jeffrey pero hindi ko pa rin lubos na maisip na masaya sila na naroon si Jeffrey at ang kanyang anak. Gusto kong sabihin sa kanila na, "Hoy, traydor 'yan!" pero baka hindi sila maniwala.
Si Tina naman ang nakakapagbigay aliw sa mga matatanda dahil bibo at cute. Kapag sinasabihang kumanta, kakanta siya sa mga usong kanta sa radyo. Kapag sinasabihang sumayaw, iindayog naman ang kanyang katawan. Natutuwa tuloy ang mga matatanda at binibigyan siya ng kaunting pera bilang pamasko.
Nagkakantahan pa sila Itay, Ed, Jeffrey, Greg, at iba ko pang mga pinsan sa karaoke habang nag-iinuman. Maganda ang boses ni Jeffrey. Bagay nga siyang maging artista. Napatitig ako sa kanya habang umiinom ako ng softdrinks. Naalala ko tuloy ang mga masasayang araw namin --- ang pamamasyal, panonood ng sine, paglalaro ng Scrabble, at ang unang karanasan ko sa kanya.
Nasarapan yata ako sa pagdi-daydream at hindi ko napansin na nakatingin rin pala siya sa akin. Bigla akong tumalikod at kumuha uli ng softdrinks sa kusina.
Sinundan pala niya ako sa kusina. Hindi ko namalayang nasa likuran ko na pala siya. Pagharap ko ay magkaharap na kami, sobrang lapit na niyakap niya ako kaagad. Tamang-tama ang aking ulo sa kanyang balikat. Naamoy ko pa ang paborito niyang pabango. Sinubukan kong itulak si Jeffrey pero lalo niyang hinigpitan ang kanyang pagkakayakap. Bigla niya akong hinalikan sa labi tulad ng dati. Para akong kinuryente at ginantihan ko ang halik niya. Parang nabuhayan ang aking mga kamay at napahawak ako sa kanyang likod. Matagal rin kaming magkayakap ng ganito.
Bigla na lang namin narinig si Greg. "Wala po sa kusina si Christine, Itay. Hahanapin ko na lang po siya sa labas."
Nabigla kaming dalawa sa narinig at bigla kaming naghiwalay sa pagkakayap. Hiyang-hiya ako sa aking sarili.
"Huwag na nating gawin uli ito," sabi ko kay Jeffrey.
"Kung nangyari man ito ngayon, mangyayari uli ito sa kinabukasan. Dahil mahal pa rin natin ang isa't isa," wika ni Jeffrey.
Hindi na ako makatingin sa kanya. Bigla kong sinisi ang aking sarili at gusto kong magalit. Umalis na lang ako at sinundan si Greg sa labas ng bahay.
KINAGABIHAN, tinanong ko si Greg kung ano ang kanyang nakita.
"Magkayakap kayo, naghahalikan," sabi niya.
Seryoso ang tono ng kanyang boses. Hindi man lang siya nakangiti, kinikilig, o ano pa man.
"Galit ka?" tanong ko.
"Hindi. Bakit?"
"Parang galit ka sa nangyari, e."
"Sabi mo kasi, hindi mo na siya mahal," ani Greg. "Pero iba ang ginagawa mo sa sinasabi mo."
"Ayaw mo ba ang 'yong nakita?" tanong ko.
Hindi sumagot si Greg. Humiga na siya na nakatalikod sa akin. Pakiramdam ko ay nagseselos ang aking kaibigang bakla. Kinalabit ko siya.
"Hoy, Gregorio, sabihin mo nga sa akin," sabi ko. "Nagseselos ka, ano?"
Lumingon si Greg at biglang bumangon at hinarap ako. "Hindi, a!" sabi niya.
"E, bakit ganyan ka kung umasta?" tanong ko.
Hindi pa rin siya sumagot. Sinadya kong ibahin ang ekspresyon sa aking mukha na parang nanghahamon ng away. Nakatingin lang siya sa akin. Tapos ay lumingon siya sa bintana, tumingin sa malayo.
"Nasaktan lang siguro ako," sabi niya.
"Bakit naman?" tanong ko.
"Wala lang. Kasi sanay akong makita kang walang ibang lalaki kundi ako lang. Noong kayo pa ni Jun, magkasama pa rin tayo. Kapag siguro kayo na ni Jonathan, magkasama pa rin tayo. Pero kanina, feeling ko wala na ako sa 'yo."
How sad naman ng drama ng aking best friend! Niyakap ko siya at napaiyak. Naramdaman ko na mahal talaga ako ng aking best friend. Kung hindi lang talaga bakla si Greg, siguro mag-boyfriend na kami ngayon. In fairness, may hitsura rin siya at bagay kaming dalawa.