The First Trilogy (in Original Filipino Text) by Issa Bacsa - HTML preview

PLEASE NOTE: This is an HTML preview only and some elements such as links or page numbers may be incorrect.
Download the book in PDF, ePub, Kindle for a complete version.

Chapter 12: SANA MAULIT MULI

__________________________________________

SINAMAHAN AKO NI GREG na mamili sa palengke. Naisip kong magluto ng masarap na ulam para sa tanghalian: sinigang na hipon.

Gaya ng inaasahan, nandoon muli sina Jeffrey at Tina. Natutuwa ako dahil nagustuhan ng bata aking ang niluto. Naaliw pa akong magbalat ng hipon para sa bata.

"Kumain ka lang, Jeffrey," sabi ni Itay. "Si Christine ang nagluto niyan."

"Talaga, Itay?" tanong ni Jeffrey. Tumingin siya sa akin at ngumiti. "Kaya pala masarap. ikaw pala ang nagluto ng paborito ko."

Pakiramdam ko ay nag-blush ako. Tinignan ko si Greg na nakatingin rin sa akin. Nakita ko ang kanyang mga mata na nagsasabing "Kaya pala..."

MATAPOS ANG TANGHALIAN ay nagpahinga muna kami ni Greg sa kuwarto.

"In love ka pa rin kay Jeffrey, ano?" tanong ni Greg.

Hindi ako sumagot. Paano ko ipapaliwanag na hindi ko sinasadyang magluto ng sinigang na hipon?

"Greg, alam mo naman na hindi ko inaasahan na dito sila kakain," sabi ko. "Nawala naman sa isipan ko na paborito niya pala 'yon."

"Don't tell me, coincidence 'yon," sabi ni Greg.

Sa tono pa lang ng boses niya, alam ko na hahantong kami sa diskusyunan.

"Kung ayaw mong maniwala, 'di huwag!" sabi ko na parang napipika na sa pagtatampo ni Greg.

Lumabas na lang ako ng kuwarto upang makaiwas sa kanya.

Nakatanggap muli ako ng text kay Jonathan.

"txt me wen u r

sad, txt me wen

u need some1 2

listen & wen u

cant find any1

who will, I dont

care F im ur last

option, im 1st

always here 4 u"

Sinundan pa ito ng isang mensahe na ikinagulat ko. "Ewan ko kung ikaw nga ung nkita ko knina. Ang gnda mo pla. Nakkhiya ligawan k. Bka wla akong pag-asa."

Nakita niya ako? Saan? Sa palengke? Sa kalye? Sa sakayan? Bumalik ako ng kuwarto at ipinabasa ko kay Greg ang text.

"May napansin ka bang lalaki kanina?" tanong ko.

"Wala naman," matamlay na sinabi ni Greg. "Ba't 'di mo tanungin si Ed?"

PINUNTAHAN KO SI ED SA KANYANG CLINIC. May isang pasyente na tini-therapy niya doon. Hinintay ko na makaupo si Ed sa kanyang mesa. Habang nagbabasa ng diyaryo, kinausap ko siya.

"Ed," sabi ko. "I-describe mo nga sa akin si Jonathan."

"Sino'ng Jonathan?" tanong niya.

"Hindi mo kilala si Jonathan?" tanong ko naman.

Pilit alalahanin ni Ed kung sino ang aking tinutukoy.

"'Yung bumili ng cellphone mo," sabi ko.

"Ah, siya ba? Bakit ka naman interesado?"

"Ano'ng hitsura niya? Guwapo ba?"

"Oo. Matangkad, disente, may trabaho, de kotse," ani Kuya.

"Saan siya med. rep.?" tanong ko.

"Sa Maynila. Sa Pfiezer," sagot naman niya.

"Pfiezer? 'Di ba sabi mo noon sa akin na doon nagtatrabaho si Jeffrey?"

"Oo, pero 'di daw kilala ni Jepoy 'yon. Baka bago lang sa Pfiezer."

Siguro nga, dahil sa dami ng med rep. sa malaking kumpanya gaya ng Pfiezer, puwedeng hindi sila magkakakilalang lahat.

"Ano naman ang pinagsasabi mo sa kanya?" tanong ko.

"Ano'ng pinagsasasabi?"

"Aba, siya nga itong nagsabi sa akin na sinabi mo raw na disenteng writer ako. Mga ganoon churva..."

"Ah, 'yon ba?" ani Ed. "Sinabi ko writer ka, magaling na writer. Sinabi ko rin na maganda ka, 'di lang maganda, mataba pa."

Umalis na ako dahil hindi na huminto ang aking kuya sa pakikipagbiruan sa akin. Baka mapikon lang ako at maka-away ko pa siya.

NAGLALAKAD NA AKO PAPUNTANG BAHAY nang may humintong sasakyan. Si Jeffrey. Inalok niya akong sumakay at ihahatid niya na lang ako sa amin. Sinabi niya na iniwan niya si Tina sa clinic ni Ed dahil nawiwili ang bata sa paglalaro kasama ang kanyang ninong. Sayang nga raw at hindi niya ako naabutan roon.

Ewan ko kung bakit ako pumayag. Nalaman ko na lang na nakasakay ako sa kotse. Pumunta kami sa bahay nina Jeffrey. Wala namang tao dahil dalawa lang silang mag-ama na nakatira roon. May ibinigay siya sa akin na regalo: isang kuwintas na may pendant na puso. Ayaw ko sanang tanggapin pero ipinilit ni Jeffrey na isuot ko ito.

Habang isinusuot niya ang kuwintas sa akin, naramdaman ko ang kanyang mga kamay sa aking balikat. Tinignan niya kung ano ang hitsura ng kuwintas sa aking leeg pero ang kanyang mukha ay sadyang malapit sa akin. Magpapasalamat na sana ako sa kanyang regalo nang bigla niya akong hinalikan muli sa labi.

Hindi ko na alam kung ano pa ang sumunod na nangyari. Sa bilis ng mga kaganapan ay naramdaman ko na lamang na magkayakap kami sa kama at naghahalikan tulad noong kami ay unang nagmamahalan. Siguro totoo nga ang kasabihang "love is sweeter the second time around." Sa bawat halik, haplos, at yakap, bumabalik ang alaala ng una kong pag-ibig. Naulit muli ngayon nang may matinding pananabik, sinasariwa ang bawat sandali noong una. Hindi re-enactment ito. Hindi rin replay. Parang ako ay nasa isang matamis na panaginip.

WALA AKONG KIBO nang inihatid ako ni Jonathan sa bahay. Nakatingin lang ako sa malayo habang siya ay nagmamaneho. Hindi siguro nakayanan ni Jeffrey ang aking katahimikan.

"Kanina ka pa tahimik diyan," sabi niya.

"Wala ito," sabi ko naman.

"Salamat at pinagbigyan mo ako," ani Jeffrey. Hinawakan niya ang aking kamay at hinalikan.

Tinignan ko lang siya at hinila ang aking kamay. Pagdating namin sa bahay, agad akong dumiretso sa aking kuwarto. Hindi na ako lumingon man lang kay Jeffrey.

KINAGABIHAN, hindi na naman ako makatulog. Wala akong ganang magsulat ng script. Nahalata ni Greg na tulala ako. Hindi ko naman masabi sa kanya ang nangyari. Ayaw naman niyang magsalita. Magmula nang dumating ako, hanggang naghapunan, wala kaming kibuan ni Greg. Ewan ko kung napansin ito nina Itay at Ed.

Lalong gumulo ang aking isipan nang mag-text si Jonathan.

"U R D 1 hu makes

mé häpi wén

évrythng éls

turns 2 gray...

lä lng, knt lng

äkö 2 säy i'm

w8ng 4 ur txt

mula s YOU."

Naisip ko ang kantang iyon at ipinagpatuloy kantahin sa aking isipan ang " You" ng The Carpenters. Ang ganda ng mga sinasabi. At kung nagmumula man ito kay Jonathan, at kung ito nga ang kanyang nararamdaman para sa akin... Hindi ko napigilang lumuha.

Narinig siguro ni Greg na humikbi ako. "Ano'ng nangyayari sa 'yo?" tanong niya.

"Wala," sabi ko. "Magsulat ka na lang d'yan."

"Ikaw nga itong hindi nagsusulat, e," ani niya.

Umiiyak na ako kaya tumalikod ako sa kanya at humarap sa bintana. Naramdaman ko siya sa aking tabi. Inilagay niya ang kanyang kamay sa aking balikat. Siya na ang unang nagsalita.

"Naguguluhan ka na, ano?" tanong niya.

Umiyak lang ako sa kanyang balikat. Hindi na ako nagsalita pa. Tama na ang maramdaman ko na katabi ko ang aking matalik na kaibigan sa mga oras na 'yon.