The First Trilogy (in Original Filipino Text) by Issa Bacsa - HTML preview

PLEASE NOTE: This is an HTML preview only and some elements such as links or page numbers may be incorrect.
Download the book in PDF, ePub, Kindle for a complete version.

Chapter 13: TULIRO

___________________________________________

NAROON NA NAMAN SI JEFFREY sa bahay, kasama si Kuya Ed. Hindi ko siya pinansin o binati man lang. Lumapit sa akin si Tina at nagtanong.

"Ninang," ang sabi niya, "saan punta mo?"

"Magsusulat ako ng script, Tina," sagot ko.

Sinundan niya ako sa aking kuwarto. Naroon si Greg nagta— type rin sa kanyang laptop. Nakita ito ni Tina kaya lumapit siya kay Greg.

"Ano 'yan, Tito Greg," tanong ng bata.

"Computer," sagot ni Greg.

"Ano'ng ginagawa n'yan?" tanong muli ni Tina.

Binuksan ko rin ang aking laptop. Nakita naman ito ng bata at lumapit sa akin.

"Ninang, kompoter mo 'yan?"

"Oo," sagot ko. "Halika sa tabi ko."

Sa halip na magsulat, binuksan ko ang mga games na nasa computer. Tuwang-tuwa naman si Tina sa nakita.

"Kapatid," sabi ni Greg, "alalahanin mo, may deadline tayo."

Ngumiti lang ako kay Greg. Inakbayan ko na lang si Tina at ipinagpatuloy namin ang paglalaro.

NAKATANGGAP AKO NG TEXT MESSAGE mula kay Jonathan.

"If u want 2be

häppy 4 ä féw

minutes, light ä

cigarette. If u

wänt 2 bé happy

4 ä few

höurs gét

drunk. And if

uwänt2b happy

4a few däys, get

MARRIED!!!"

Makailang sandali ay nag-text siyang muli sa akin. "Bka mkpunta ko jan s nyo. F not 2moro s 1 araw. =)"

Pinabasa ko kaagad kay Greg ang mensahe.

"Ano sa tingin mo?" tanong ko kay Greg.

"Eh 'di okay," sabi niya.

WALA SINA JEFFREY AT TINA nang kami ay mananghalian. Sinabi ko kay Itay pagkatapos ng tanghalian na may dadalaw sa akin sa mga susunod na araw.

"Paano na si Jeffrey?" tanong niya.

"Itay," sabi ko, "matagal nang tapos ang sa amin ni Jeffrey."

Alam kaya ni Itay na nagsisinungaling ako? May sinabi kaya si Jeffrey kay Kuya at Itay?

"Hindi mo na ba talaga siya mapapatawad?" tanong ni Itay sa akin.

"Siguro, napatawad ko na, Itay. Kaya nga nagagawa ko na siyang kausapin. Pero baka hanggang doon na lang kami," sagot ko.

NAGBABASA AKO NG MAGAZINE sa may sala nang dumating si Jeffrey. Lumapit siya sa akin. "Puwede ba kitang makausap?" tanong niya.

Tumango ako at pinaupo ko siya sa upuan na nasa aking harapan.

"Ano naman ang pag-uusapan natin?" tanong ko.

"Nag-text na ba 'yung kaibigan mo?"

"Oo," sagot ko naman. "Baka bukas o sa makalawa, dadalaw siya rito. Taga-Pfiezer rin, e. Kagaya mo, med. rep."

Inaasahan kong lulungkot ang kanyang mukha sa aking mga sinabi. Pero nagkamali ako. Hindi man lang siya naapektuhan.

"'Yung nangyari sa atin...," sabi niya.

Tumahimik ako. Paano nga ba namin ipagkakaila na may namagitan sa amin noong isang araw?

"Jeff," sabi ko, "ituring mo na lang na panaginip 'yon."

"Ano?"

"Sabihin na nating nadala lamang ako sa mga pangyayari," sabi ko.

"Christine, bakit ba ayaw mong aminin sa sarili mo na mahal mo pa rin ako?"

"Huwag mo muna akong kausapin, Jeffrey," sabi ko. "Naguguluhan na ako sa mga pangyayari. Huwag mo nang dagdagan pa."

Akmang tatayo na ako sa aking kinauupuan nang maramdaman ko ang kanyang kamay sa aking bisig.

"Sandali," sabi niya. "Kung talagang ayaw mo na sa akin, sabihin mo na ngayon."

"Tapos na sa atin ang lahat, Jeffrey," sabi ko.

Pilit kong inalis ang kanyang kamay sa aking bisig. Pero pinigilan niya ako.

"Ano'ng gusto mong palabasin? Matinding pagnanasa lang ang naganap sa atin?" tanong ni Jeffrey.

"Siguro nga! 'Di ba 'yan naman talaga ang nais mo?" sagot ko.

Tinignan lang ako ni Jeffrey. Ginantihan ko naman siya ng matatalim na titig.

"Puwede ba, Jeffrey? Huwag ka nang mag-ilusyon na magkakabalikan pa tayo. Nakuha mo na ang gusto mo sa akin, at wala ka nang makukuha pa."

"Ganoon na lang ba ang tingin mo sa ating dalawa?"

Hindi ako sumagot. Tinitigan ko lang si Jeffrey. Nakita kong may halong galit sa kanyang mga mata.

"Bitawan mo ako," ang sabi ko.

Binitawan na niya ako. Ako naman ay madaling tumalikod patungo sa aking silid. Narinig ko na lang na lang ang alagang mynah ni Ed na nagsabing, "I love you!" Lalo akong nagalit.

NAPANSIN NI GREG na tahimik ako buong araw. "May problema ba?" tanong niya sa akin.

Hindi ako umimik. Umiling na lamang ako.

"Puwede mong sabihin sa akin, makikinig ako," ani niya.

Tinignan ko lang siya at hinahawakan ang kamay. "Greg," sabi ko, "gaano katotoo ang love is sweeter the second time around?"

"Sabi na nga ba, e," ani Greg.

Tumahimik ako.

"May nangyari ano?" tanong niya.

Nabigla ako sa kanyang tanong. "Ha? Ano'ng pinagsasabi mo diyan?"

"Huwag ka nang magkaila diyan," ani niya. "Alam ko, kitang-kita sa mga mata mo. Mula nang makita ko kayong naghahalikan, iniisip ko na bumabalik ka na sa kanya."

HIndi na ako kumibo. Siguro nararamdaman ni Greg ang nararamdaman ko. Hindi ko alam kung paano ko sasabihin sa aking best friend ang buong pangyayari. Pero siya lang ang kilala kong makakaintindi sa akin sa panahong ito.

"Greg," sabi ko, "naguguluhan ako. Kung kailan naman ako nagsisimulang magkagusto kay Jonathan, pilit na bumabalik si Jeffrey."

"Sino ba talaga ang gusto mo sa kanilang dalawa?" tanong ni Greg.

"Mukhang mabait si Jonathan kahit hindi ko pa siya nakikita at nakikilala. Si Jeffrey naman, ganoon rin, walang pagbabago. Tulad pa rin noong dati. Mahirap silang maipagkumpara."

"Gusto ko lang itanong," ani Greg, "bakit mo hinalikan si Jeffrey noong Pasko?"

"Hindi ko inaasahan 'yon," sagot ko. "Bigla niya akong hinalikan at niyakap. Pilit ko siyang itinulak pero ang lakas niya. Isa pa, hinalikan niya ako sa labi na parang kami pa rin. Kaya hindi ko na rin napigilan ang aking sarili."

"Mahal mo pa rin siya, ano?"

"Ewan ko. Hindi ko alam. Nagugulahan na ako." Niyakap ko na lang si Greg at nagsimulang umiyak.