The First Trilogy (in Original Filipino Text) by Issa Bacsa - HTML preview

PLEASE NOTE: This is an HTML preview only and some elements such as links or page numbers may be incorrect.
Download the book in PDF, ePub, Kindle for a complete version.

Chapter 14: NIÑOS INOCENTES

___________________________________________

MAGANDA ANG BATI sa akin ng umaga nang mabasa ko ang text ni Jonathan.

"Confirmed na. Ddalaw ko jan s nyo 2moro. How abt 8pm? =)"

Pinabasa ko kay Greg ang text at siya mismo ay natuwa para sa akin. "Ayan, magkikita na kayo," sabi niya. "Kapag nakita mo na siguro si Jonathan, alam mo na kung sino ang pipiliin mo."

"Greg," sabi ko, "paano kung si Jeffrey ang pinili ko?"

Nag-isip si Greg. Binuksan na niya ang kanyang laptop at nagsimulang magsulat ng script. "Kapag nakilala na natin si Jonathan."

Dumating si Tina sa aming silid. Nakita niya kaming nakaharap sa aming computer.

"Ninang," sabi niya, "kompoter 'yan?"

"Uhm-mm," sabi ko.

"Laro tayo uli, Ninang," sabi niya.

Pinagbigyan ko ang bata. Naglaro muna kami ng mga games sa computer. Makalipas ng ilang minuto, huminto na ako. Binuksan ko na ang file name ng aking script.

Nakita ni Tina na iba na ang nasa screen ng computer.

"Huwag 'yan, Ninang, ang pangit," sabi ng bata. Akala niya siguro na naglalaro pa rin ako.

"Tina," sabi ko, "magta-type ang Ninang. Sige na, laro ka na lang muna sa labas. Doon ka muna kay Itay o kaya kay Ninong."

"Ayaw ko," sabi ng bata. "Gusto ko dito sa kompoter."

"Tina," sabi ni Greg, "sige na, baby, lumabas ka na muna."

Nagsimulang magpipindot si Tina sa aking computer. Pilit kong pinigilan ang kanyang mga kamay pero huli na nang mag-hang ang aking computer. Nagalit tuloy ako.

"Sinabi ko na sa iyong lumabas ka, e!" pasigaw ko nang sinabi sa bata.

Nabigla si Tina at umiyak siya palabas ng silid.

Narinig siguro ni Itay na sumigaw ako kaya pumunta siya sa aming silid. "Bakit umiiyak ang bata?" tanong ni Itay sa akin.

"Nakagalitan ko po," sabi ko. "Pinakialaman kasi itong laptop ko."

Kinuha ni Itay si Tina at inalo ito. "Tahan na, baby ko," narinig kong sinabi ni Itay sa labas.

DUMATING SINA ED AT JEFFREY galing sa clinic. Sinalubong sila ni Tina.

"Papa, galit sa 'kin si Ninang," sumbong ng bata.

Naroon kami ni Greg na nagmemeryenda. Hindi ko pinansin ang dalawang dumating.

"Bakit? Ano'ng ginawa mo?" narinig kong tanong ni Jeffrey sa anak.

"Ayaw ni Ninang ako maglaro sa kompoter niya," sabi ni Tina.

"Huwag mo kasing pakialaman ang Ninang mo. Suplada 'yon," sabi ni Ed nang pabiro.

Tinignan ko ng masama si Ed. Inis na nga ako sa pangyayari, gagatungan pa niya. Nahalata siguro ni Jeffrey na mainit ang ulo ko. Lumapit siya sa akin.

"Pagpasensiyahan mo na ang anak ko," sabi niya.

Tumango lang ako at pinilit ko na lang ubusin ang aking kinakain na ginataan. Narinig ko na lang si Greg na sumagot para sa akin.

"Wala 'yon, Jeffrey," ani Greg. "Moody lang itong co-writer ko ngayon."

"May nasira ba sa computer?" tanong ni Jeffrey kay Greg.

"Wala naman. Nag-hang lang at hindi pa niya na-save 'yung last part ng kanyang revision," sagot ni Greg. "Pero okay na 'yon."

NAGPAPAHINGA KAMI NI GREG sa kuwarto nang makatanggap ako ng text mula kay Jonathan. "Bka nkkabala ako sa ung pagsusulat. Ska n lang kya ako punta jan. =)"

"Hindi. OK lng," sagot ko. "Gus2 n ktang makita at makilala."

"Cge, kung yn ang gus2 mo. C u! (",)"

Gumanda na ang araw ko. Isang tulog na lang, makikita na rin kita, Jonathan. Iyan ang sabi ko sa aking sarili buong gabi.