NAHALATA YATA NINA ITAY, Ed, at Greg ang pagbabago sa akin. Nag-ayos ako at nagsuot ng magandang damit. Naghanda ako ng meryenda para sa darating kong bisita.
"Uy, pinaghahandaan niya si Jepoy," pabirong sinabi ni Ed.
"Naku, hindi a!" sagot ko.
"Sino ba talaga ang darating ngayon?" tanong ni Itay.
"Si Jonathan po, Itay," sagot ni Greg. ""Yung ka-text ni Christine."
"Alam ba ni Jeffrey 'yan, Christine?" tanong ni Itay sa akin.
"Ano naman ang pakialam ni Jeffrey kung may dumalaw sa akin?" sagot ko.
"Baka kasi mabigla 'yon," sabi ni Itay. "Umaasa siya na magkakabalikan kayo."
"Itay, malabong mangyari 'yan," sabi ko.
"Ang sabihin mo, in love ka pa rin kay Jepoy," sabi ni Ed.
"Ikaw, Kuya, parati mo na lang kinakampihan 'yang kabarkada mo," sabi ko.
"O siya, sige," ani Itay. "Maiwan ko na kayo. Pakitunguhan mo ng mabuti 'yong bisita mo. Matutulog na ako."
"Hindi niyo na po hihintayin si Jonathan?" tanong ko kay Itay.
"Sa ibang araw na lang," sabi ni Itay. "Tutal, marami pa namang araw na dadalaw 'yan, e. Hoy, kayong dalawa, pumasok na kayo sa kuwrto niyo. Huwag n'yong abalahin ang dalaga natin."
Pumasok na si Itay sa kanyang silid. Ganoon rin sina Ed at Greg.
MAKALIPAS NG ILANG SANDALI ay dumating sina Jeffrey at Tina. Pinapasok ko sila. Matapos bumati sa akin si Tina ay dumiretso na siya sa silid ni Ed upang ipakita ang dala-dala niyang laruan. Nakita kong may dalang bulaklak si Jeffrey at iniabot niya ito sa akin.
"Magandang gabi sa 'yo, Christine," bati niya. "Para sa 'yo."
"Salamat," sagot ko naman.
Paano ba 'yan? Magkakapang-abot pa yata sina Jeffrey at Jonathan. Inanyayahan ko si Jeffrey sa labas.
"Okay lang ba kung doon tayo sa labas umupo?" tanong ko.
"Okay lang."
Umupo kami sa labas ng bahay. Nakaharap ako sa may gate. Paminsan-minsan ay tinatanaw ko kung may darating na ibang tao. Napansin siguro ako ni Jeffrey.
"May hinihintay ka ba?" tanong niya sa akin.
"Oo," sagot ko. "Si Jonathan. Darating raw siya ngayong gabi."
"Ah..." tumango na lang si Jeffrey. "Magkikita na pala kayo ngayon."
Tumango ako at ngumiti. Ibig kong ipakita sa kanya na masaya ako ngayong gabi dahil makikilala ko na ang lalaking baka mas higit pa sa kanya.
"Excited na nga ako, e," sabi ko. "Biro mo, nakilala ko lang siya sa text, makikilala ko na rin siya sa wakas. Hindi ba nakaka-excite 'yung ganoon?"
Tumango lang si Jeffrey at pilit na ngumiti. Tinitignan ko ang kanyang mga reaksiyon sa aking mga sinasabi tungkol kay Jonathan. Pero bakit mukhang hindi siya nagseselos man lang?
"Masaya ka ba?" tanong ni Jeffrey.
Nagulat ako sa tanong niyang iyon. Pero sinagot ko siya ng prangkahan.
"Oo naman, Hindi na ako katulad ng dati na laging umiiyak.
Masaya ako sa aking trabaho. Wala na akong reklamo sa buhay. Ikaw? Masaya ka rin ba?"
"Hindi," sagot ni Jeffrey. "Mula nang magkahiwalay tayo, lumungkot na ang buhay ko. Mabuti na lang at may isa akong anak na nagkakapagbigay sigla sa buhay ko kahit paano. Si Tina na lang ang aking inspirasyon para magsumikap."
Tumango lang ako. Ano ang gusto niyang ipahiwatig sa akin? Na nagsisisi na siya?
"Hindi ka ba masaya kay Ces?" tanong ko.
Parang napaka-casual ko nang sinabi ang pangalan ni Ces. Samantalang noon ay hindi ko kayang banggitin ang kanyang pangalan dahil sa pagkamuhi ko kay Jeffrey.
"Ilang beses kong sasabihin sa iyo na hindi ko mahal si Ces?" ani niya.
Seryoso lang si Jeffrey. Kitang-kita sa kanyang mga mata ang lungkot at pagsisisi. Pero nagtapang-tapangan ako noong gabing 'yon.
"Aaminin ko," pagpapatuloy ni Jeffrey, "nagkamali ako. Pero hindi mo ba ako puwedeng bigyan ng isa pang pagkakataon?"
Hindi ko sinasadyang mapatingin sa aking relo. Alas nuwebe na pala ng gabi. Hindi pa rin dumarating si Jonathan. Tumayo ako kaagad.
"Sandali lang, Jeffrey," sabi ko. "May kukunin lang ako."
PUMUNTA AKO SA AKING SILID. Naroon sina Greg at Tina. Naglalaro sila ng games sa laptop ni Greg.
"O, bakit ka narito?" tanong ni Greg sa akin.
"Kukunin ko lang ang aking cellphone," sagot ko. "Nandito si Jeffrey."
"Hindi ba obvious? Nandito ang anak niya."
"Ang ibig kong sabihin, nasa labas, may dalang bulaklak. Mukhang gustong manligaw uli."
"Wala pa ba si Jonathan?" tanong ni Greg.
"Sino'ng Jonathan?" tanong naman ni Tina habang naglalaro sa piling ni Greg.
Hindi namin pinansin ang tanong ng bata.
"Wala pa nga e," sagot ko, "kaya ite-text ko."
BUMALIK AKO sa labas dala ang aking cellphone. Naroon pa rin si Jeffrey na nakaupo.
"Sorry ha?" sabi ko. "Nag-tet lang ako kay Jonathan. Baka kasi naligaw papunta rito."
"Okay lang 'yon," ani niya. "All is fair in love naman, 'di ba?"
Ngumiti lang ako sa kanya. Sport naman pala siya. Ngunit hindi pa rin sumasagot si Jonathan sa aking text.
"May communication pa rin ba kayo ni Ces?" tanong ko.
"Hindi na gaano," ani Jeffrey. "Pero kinukumusta naman niya si Tina paminsan-minsan."
"So nag-text siya noong Pasko?"
"Oo," sagot niya sabay kapa sa kanyang bulsa. "Naiwan ko pa yata ang aking cellphone sa bahay."
"Wala ba siyang balak kunin si Tina?" tanong ko uli.
"Hindi alam ng asawa niya na may anak siya sa pagkadalaga," sagot ni Jeffrey.
"Curious lang ako," sabi ko, "bakit hindi kayo nagpakasal?"
"Ayaw niya," sagot ni Jeffrey na nakatitig sa akin.
Hindi na ako nagtanong muli. Ayaw kong tumingin ng diretso sa kanya. Tinignan ko ang aking cellphone kung may dumating na bang mensahe mula kay Jonathan. Napansin ito ni Jeffrey.
"Wala pa bang sagot ang ka-text mo?" tanong niya.
"Wala pa nga, e," sabi ko.
Napatingin ako sa mga bulaklak na ibinigay niya. Napansin ko na may maliit na card na nakasingit sa mga bulaklak, kaya kinuha ko ito at binasa. Nakasulat doon sa card ang ganito:
Dear Christine,
Flowers for the woman I truly love.
Jeffrey
"Thank you dito, ha?" sabi ko.
"Sana nagustuhan mo," ani Jeffrey.
"Na-appreciate ko naman. Magaganda nga itong mga bulaklak."
Pakiramdam ko ay wala na akong puwedeng sabihin pa sa kanya. Matagal na katahimikan ang bumalot sa amin noong gabing 'yon. Tumayo si Jeffrey at nagpaalam.
"Sige, Christine, aalis na ako."
Tumayo na rin ako at tumango bilang pagkilala sa kanyang pamamaalam. Hay, salamat at makakaalis na rin siya.
"Sige, salamat sa pagdalaw," sabi ko.
Nakaharang pala ako sa kanyang daraanan patungong pintuan.
"Kukunin ko muna si Tina," ani niya.
Hindi ko naman napansin na sa aking harapan pala siya daraan. Naisip ko kasi na puwede naman siyang umikot sa may upuan papunta sa pinto. Kaya nanatili akong nakatayo sa aking kinalalagyan.
Magkatabi na kami ni Jeffrey. Napatingin ako sa kanya. Malapit lang ang aming mga mukha. Pinilit kong tumingin sa ibang direksiyon. Pero naramdaman ko ang kamay ni Jeffrey sa aking mukha at hinalikan na naman niya ako sa labi. Pilit kong inilayo ang aking sarili sa kanya. Pareho kaming natigilan.
"Iniiwasan mo ba ako?" tanong niya sa akin.
Hindi ako sumagot.
"Ayaw mo na ba talaga sa akin?" tanong niya uli.
"Siguro, hayaan na muna natin ang isa't isa, Jeffrey," sabi ko.
Tumahimik lang siya at umikot rin sa upuan para pumasok sa pinto upang sunduin ang kanyang anak na nasa loob ng aming bahay.
NAGHINTAY AKO KAY JONATHAN hanggang alas-onse ng gabi. Mahimbing na natutulog si Greg nang pumasok ako sa kuwarto.
Inis na inis na ako kaya padabog na akong inilapag ang cellphone sa aking kama at umupo. Naalimpungatan yata si Greg.
"Ano'ng oras na?" tanong niya sa akin.
"Eleven thirty," sagot ko naman.
"Dumating ba si Jonathan?"
"Hindi."