Chapter 16: SORRY, P'WEDE BA?
___________________________________________
KINABUKASAN, nakatanggap ako ng text mula kay Jonathan.
Searching...
Searching...
Found!
Loading: |||||10%
|||||||||||||50%
|||||||||||||||||||||||||||
||| 100%Done!
message: SORRY!
Hindi ko napigilang sumagot sa text niya. "Bkit mo ako ininjn kgbi?!!! =("
"Sori, tlga. Nnjan n ko kgbi kso nhya akong 2muloy kc my bcta ka. u"
Si Jeffrey 'yon. Patay. Nakita niya si Jeffrey. Nakita kaya niya na hinalikan ako?"
"San mo kmi nkita?" tanong ko.
"Sa lbas ng bhy nyo," sagot ni Jonathan.
"Sna 2muloy k p rin."
"Sori, nkkhya kc."
Nainis pa ako kay Ed. Panay ang kantiyaw sa akin dahil hindi dumating ang hinihintay kong bisita. Inuudyukan niya pa si Greg na samahan siya sa panunukso. Nagsumbong na nga ako kay Itay na parang bata.
"Itay, ang Kuya, o," sabi ko.
"Ikaw naman, hindi ka na mabiro," sabi ni Itay. "Alam mo naman ang kuya mo, mapagbiro."
"Iyan kasi," ani Kuya Ed, "sabi ko na sa 'yo, e. Magbalikan na lang kasi kayo ni Jepoy."
"Ayaw ko nga!" sabi ko naman.
"Uy... nagsasalita ng tapos," pabiro na sinabi ni Ed.
Pumasok na lang ako ng aking silid. Naririnig ko na lang ang kanilang tawanan dahil napipikon na ako. Sumunod sa akin si Greg.
"Ikaw naman, sis, binibiro ka lang, e," ani Greg.
"Ayaw ko ng ganoong biro," sabi ko.
"Ano ba kasi ang nangyari?" tanong ni Greg.
"Sabi ni Jonathan, nandito na raw siya kagabi pero nakita niya na may bisita ako."
"E, 'di sana sinabi mo na tumuloy na lang siya. I-explain mo na ex-boyfriend mo si Jeffrey," ani Greg.
"Sa tingin mo, kung sasabihin kong ex-boyfriend ko si Jeffrey, okay lang kay Jonathan?" tanong ko kay Greg.
"Siguro naman. Mabuti nga 'yon, may the best man win, 'ika nga," sagot ng aking kaibigan.
Kaya nag-text ako uli kay Jonathan at sinabi ko na si Jeffrey na ex-boyfriend ko ang aking bisita kagabi.
"Gnun b?" sagot ni Jonathan. "Bka nman cool off lng kyo. Mgkkblikan n yta kyo."
"D n kmi mgkkblikan p nun. Ayaw ko n s knya," sabi ko.
"Y nman?"
"Gus2 ko n cya mklimutan. Sa 22o lng, kpg ktext kta, nkklimutan ko cya."
Mula noon ay hindi na sumagot si Jonathan. Naisip ko na baka may pinuntahan lang o kaya'y low batt na ang kanyang cellphone kaya 'di na siya nakasagot.
KINAGABIHAN, nakatanggap ako uli ng text mula sa kanya. "I remember a poster dat sez, I LOVE U, IS DAT OK? Can i ask u d same?"
"D p nga kta nakkta o nakklala, paano ko yn mssagot?" sagot ko.
"Oo nga nmn, d ble bbwi ako. Punta ako jan 2moro. Pramis!"
"OK, c u."
DUMATING SINA JEFFREY AT TINA pero hindi ko sila pinansin. Abala kami ni Greg sa pagsusulat ng script. Napansin siguro ni Ed na pati siya ay hindi ko rin kinikibo, kaya kinausap ako ng aking kapatid.
"Galit ka ba sa akin dahil binibiro kita?" tanong ni Ed.
"Hindi," sagot ko.
"E, bakit tahimik ka lang diyan?"
"Alam mo naman na nagsusulat ako, e,"
Napatingin ako kay Kuya at nakita kong magkatabi sila ni Jeffrey. Pareho silang naka-uniporme ng pang-basketball.
"Maglalaro kayo?" tanong ko sa kanila.
"Oo," sabi ni Ed. "Pakisabi na lang kay Itay, ha?"
"Nasaan si Itay?"
"May binili sa bayan."
"E, bakit hindi mo sinamahan? Gabi na, a."
"Ayaw niya, e," sigaw ni Ed na nasa labas na ng pintuan.
Kaya naiwan tuloy sa piling namin si Tina. Nakatingin lang sa akin ang bata na parang gusto niyang makipaglaro sa akin. Kaya tinawag ko siya upang lumapit.
"Halika," sabi ko kay Tina.
Naglaro muna kami sa aking laptop. Kahit may kakulitan na ang bata, ay pinagtatiyagaan kong sagutin ang kanyang mga katanungan. Nabigla na lang ako nang maging seryoso ang kanyang tanong sa akin.
"Ninang, galit ka kay Papa ko?"
"Hindi, bakit?" sagot ko naman.
"Kasi sabi ni Papa, galit ka raw sa kanya, e."
"Ano'ng sabi ng Papa mo?"
"Ah...," nag-isip muna si Tina, "kasi hindi ikaw ang Mama ko."
Natawa si Greg sa narinig. Hindi ko na rin napigilang tumawa sa sinabi ng bata. Bakit naman nasabi ni Jeffrey sa kanyang anak ang ganoon?
"Bakit, Tina," ani Greg, "kung si Ninang Christine ang Mama mo, gusto mo?"
Tumango ang bata, "Opo."
"Bakit?" tanong ko naman.
"Kasi, sabi ni Papa, maganda ka raw."
"Ano pa?" tanong ni Greg na waring excited na marinig ang lahat mula sa inosenteng bata.
"Tapos mabait ka raw."
"Ano pa?" tanong uli ni Greg.
"Greg, ano ba? Tama na ang pagtatanong mo sa bata," sabi ko.
"Huu, ikaw nga itong interesadong magtanong, e," sabi ni Greg na may kasamang panunukso.
HANGGANG NGAYON AY NAGUGULUHAN ako sa nararamdaman ko kay Jeffrey. Siguro nga ay tama si Greg. Iba ang aking ginagawa sa aking sinasabi. Pero kapag nariyan na ang mga text messages ni Jonathan, nawawala kaagad sa isipan ko si Jeffrey. Kaya minabuti kong mag-text kay Jonathan at tanungin kung nasaan siya at kinumusta. Pero wala siyang sagot buong magdamag.