The First Trilogy (in Original Filipino Text) by Issa Bacsa - HTML preview

PLEASE NOTE: This is an HTML preview only and some elements such as links or page numbers may be incorrect.
Download the book in PDF, ePub, Kindle for a complete version.

Chapter 17: SANA DALAWA ANG PUSO KO

___________________________________________

MASAYA AKO NANG MAKATANGGAP ako ng text mula kay Jonathan kinabukasan. "Punta ako jn 10pm OK lng? =)"

"Cge. =) C u!" sagot ko.

Pinabasa ko ang text kay Greg. Nahalata niya na excited ako sa aming pagkikita.

"Aba, na-excite ang bruha," ani niya. "Don't forget, nandito sina Jeffrey at Tina. Dito sila magnu-New Year."

Oo nga ano? Paano ngayon 'yan? Magkikita silang dalawa. Hindi bale, may naisip ako.

"Greg," sabi ko, "okay lang ba kung ikaw muna ang humarap kay Jeffrey kapag nariyan na si Jonathan?"

"Sure," ani Greg, "basta ba sasagutin ako ni Jeffrey, e."

"Luko-luko!"

ABALA SINA ITAY, Ed, at Greg sa paghahanda ng pagkain para sa Media Noche. Dumating si Jeffrey kasama si Tina mga alas nuwebe ng gabi, may dalang pagkain at mga bulaklak para sa akin. Matapos nilang ipasok ang mga dala sa loob ng bahay, lumabas si Jeffrey at tumabi sa akin sa upuan. Pareho kaming nakaharap sa gate, tahimik lang.

Naririnig namin si Tina na nagmamayabang sa kanyang dalang laruan kina Itay, Greg, at Ed.

Ngunit sa labas ng bahay, hindi kami gaanong nagkikibuan nina Jeffrey.

MAGA-ALAS DIYES NA NG GABI. Naririnig na namin ang mga putukan ng iba't-ibang klase ng paputok. Pero wala pa rin si Jonathan. Gusto kong sabihin kay Jeffrey na umalis na muna siya sa aking tabi pero hindi ko magawang sabihin ng deretsuhan. Kaya kinuha ko ang cellphone ko at nag-text.

"Excuse me," sabi ko kay Jeffrey. "Magte-text lang ako..."

"Wer r u?" text ko kay Jonathan.

Narinig kong may tumunog na cellphone. Kay Jeffrey. Kinuha niya ang kanyang cellphone sa bulsa at binasa ang mensahe. Nakita kong sumagot siya sa text. Nagtaka tuloy ako kung sino ang ka-text niya.

"Si Ces ba 'yan?" tanong ko.

"Ah, oo," sagot niya. "Bumabati ng Happy New Year at kinukumusta si Tina."

"Madalas na yata kayong mag-text," sabi ko.

"Hindi naman," ani niya.

Mamaya'y tumunog naman ang cellphone ko. Mula kay Jonathan ang mensahe.

"Nnd2 ako, umiibig s yo..." sagot ni Jonathan sa text.

Napangiti ako sa aking nabasa at sumagot sa text, "Ang corny mo! Wg kng mgbro jan. San k n tlga? Wat tym r u coming?"

Tumunog uli ang cellphone ni Jeffrey.

"Oops, sorry," ani niya. "Baka sumagot na si Ces sa tanong ko."

Tumango lang ako at ngumiti. Nakita ko na ngumiti si Jeffrey sa nabasang text. Ano kaya ang mensahe ni Ces?

"May nakakatuwa ba?" bigla kong natanong.

"Ah, e... medyo," ani Jeffrey. "Tinatanong niya kasi kung nagkabalikan na ba tayo."

"Ha? Nabanggit mo kay Ces 'yun?"

"Bakit, hindi naman masama 'di ba?"

Tumunog uli ang aking cellphone at binasa ko ang text ni Jonathan.

"Nnjan n po..."

Hindi ko napigilang sagutin ng, "Blisan mo. Past 10pm na..."

Tumayo ako sa aking kinauupuan at nagtungo sa gate.

Dumungaw ako kung may makikita akong ibang tao na naglalakad papunta sa amin. Pero parang wala. Tumunog uli ang aking cellphone.

"Cge, bblisan ko na po..." text ni Jonathan.

Luminga-linga ako sa paligid para magmasid. Mga kabataang nagpapaputok ang nakita ko sa paligid. Hindi kaya nahirapan siyang magpunta rito dahil ang dami nang nagpapaputok?

Bumalik na ako sa loob ng gate. Nagulat ako na naroon na pala si Jeffrey sa aking likuran. Hindi ko namalayan na sinundan pala niya  ako roon. Bigla niya akong niyakap at hinalikan sa labi. Lalo akong nagulat. Ngunit nadarama ko ang dating damdaming ayaw kong bigyan ng pansin. Matagal rin kaming naghalikan. Ngunit bigla kong naalala na baka makita na naman kami ni Jonathan at hindi na naman tumuloy sa kanyang pagdalaw. Kaya pilit kong itinulak si Jeffrey.

"O, bakit?" tanong niya.

"Baka may makakita sa atin," sabi ko.

"E, ano ngayon?"

"Darating si Jonathan, baka makita niya tayo."

"Mahal mo pa ba ako?" tanong ni Jeffrey sa akin. This time, seryoso na ang kanyang mukha.

Hindi ako makasagot. Makailang sandali ay nagsalita na ako, "Umalis ka na, Jeffrey. May hinihintay akong bisita."

Nainis na siguro si Jeffrey sa aking sinabi.

"Sino ba ang Jonathan na 'yan?" tanong niya. "Ano ba ang meron sa kanya at gustung-gusto mo siyang makilala?"

"Nagseselos ka ba?" tanong ko. "Bakit? Noong nakabuntis ka, tinanong mo ba kung ano ang magiging reaksiyon ko? Kung nasasaktan ka dahil may kapalit ka na sa puso ko, you deserved it!"

"Gusto mong malaman kung sino si Jonathan, huh?" ani Jeffrey. Kinuha niya ang kanyang cellphone at ipinabasa niya sa aking ang huling text kay Jonathan.

Laking gulat ko nang malaman na si Jonathan at si Jeffrey ay iisa. Hindi ko inakalang mangyayari ito. Niloko na naman ako ni Jeffrey. Umaasa pala ako sa pagdating ng wala.

"Umalis ka na," sabi ko.

Nakatitig lang sa akin si Jeffrey habang ibinubulsa ang kanyang cellphone.

"Ang sabi ko, umalis ka na sa harapan ko! Ayaw na kitang makita kailan man!"

Parang tumahimik ang buong paligid. Tahimik na umalis si Jeffrey sa aking harapan at pumasok ng bahay. Umupo ako sa upuan, nanlambot sa mga pangyayari, at hindi naiwasang pumatak ang mga luha. Narinig ko na nagpaalam na si Jeffrey kina Itay, Ed, at Greg. Tila malungkot ang kanilang mga tinig. Hindi ako umalis sa aking kinauupuan hanggang sa makita kong umalis ang mag-ama. Narinig ko si Itay na inutusan si Ed na sundan ang mag-ama sa kanilang bahay.

MALUNGKOT ANG AKING PAGSALUBONG sa Bagong Taon. Habang masaya ang lahat ng tao sa mga putukan at ingay, nakatingin lang ako sa malayo at lumuluha. Napansin ito nina Itay at Greg.

Kaya nang matapos ang kainan, dumiretso ako sa aking silid at humiga kaagad. Hindi ko napigilang humagulgol. Naramdaman ko na lang na nasa tabi ko si Greg. Niyakap ko siya at umiyak sa kanyang balikat.

"Niloko niya ako," sabi ko.

"Sis, nandoon na ako," ani Greg. "Pero sa side naman niya, nagawa niya 'yon para mapa-ibig ka niyang muli. Kasi naman, ayaw mo siyang patawarin. Sabi ko naman sa 'yo magbati na kayo kahit friends lang."

Hindi ako kumibo. Patuloy pa rin ako sa paghagulgol.

"Ang Itay," sabi ni Greg at umalis siya sa aming pagkakayakap.

Nadatnan yata kami ni Itay na magkayakap dahil nakita ko siyang nakatayo sa may pintuan. Tumayo si Greg at lumabas ng kuwarto. Tinignan ko lang si Itay. Umayos ako ng pagkakaupo sa kama at nagpahid ng luha.

"Huwag ka nang magalit doon sa dalawa," ani Itay nang umupo siya sa aking tabi. "Tahan na."

Niyakap ko ang aking ama na parang bata na nagsusumbong.

MAKALIPAS NG ILANG ORAS, magkatabi kami ni Greg sa kama, magkayakap. Pareho kaming hindi makatulog.

"Mabuti ka pa, best friend," sabi ko, "hindi mo nagawang manloko ng ibang tao."

"Hmm... ano'ng ibig mong sabihin?" tanong ni Greg. "Na hindi natuloy ang balak natin noong high school reunion ko?"

"Oo," sagot ko. "Kasi, isipin mo, kung ipinagpatuloy natin 'yung balak mo na magpanggap tayong mag-boyfriend, baka mabuking ka rin. Nakakahiya 'yon, 'di ba?"

Naalala namin ni Greg ang tungkol sa high school reunion nila noong Oktubre. Balak ni Greg na dumalo pero dahil walang nakakaalam sa batch nila na siya'y isang bading, tinanong niya ako kung puwede akong magpanggap bilang kanyang girlfriend. Pumayag ako dahil alam kong isang gabi lang naman 'yon. Pero nang sumapit na ang araw ng biyahe papuntang Zamboanga, nag-back out si Greg at sinabing hindi niya kakayanin ang magpanggap kaya hindi na kami nakarating ng Zamboanga at um-attend ng reunion.

"Ewan ko lang," ani Greg. "Naalala ko nga 'yung binili nating damit para sa 'yo. Type ko 'yon, e. Bagay na bagay sa 'yo."

"Ikaw kaya ang pumili noon," sabi ko.

Ang damit na iyon ay isang pulang spaghetti-strapped dress na may slit sa gilid, at may ka-ternong black silk blazer. Binilhan rin niya ako ng ka-ternong high-heeled shoes at purse. Inihanda ko naman ang mga gintong alahas na ibinigay sa akin ni Itay, na pamana sa akin ng aking yumaong ina. Red, gold, and black ang balak naming motif ni Greg noon.

"Siguro kung naisuot mo 'yon, baka ma-in love pa ako sa 'yo," ani Greg.

Tinitigan ko si Greg. Huwag mong sabihing nagkakagusto ka sa akin, bakla ka!

"Charing ko lang 'yon," sabi ni Greg at ngumiti. Pero hinalikan niya ako sa noo ng dalawang beses.

Tahimik kaming muli ni Greg. Hindi ko namalayan na nakatulog ako na kayakap siya.