The First Trilogy (in Original Filipino Text) by Issa Bacsa - HTML preview

PLEASE NOTE: This is an HTML preview only and some elements such as links or page numbers may be incorrect.
Download the book in PDF, ePub, Kindle for a complete version.

Part One: 50:50

______________________________________

DUMATING AKO SA AKING PT CLINIC limang minuto bago magalas otso ng umaga at nadatnan kong sarado pa ito. Nakakapagtaka. Kadalasan kasi ay bukas na ang clinic mga alas-siyete y medya ng umaga dahil maagang dumarating si Gie, ang aking clinic manager. Bakit kaya wala pa siya ngayon? Katatapos lang ng Pasko at Bagong Taon at ito ang unang araw ng trabaho. Kaya maganda sanang umpisahan ang taon ng walang late, 'di ba?

Binuksan ko ang clinic. Pinaandar ko na ang aircon, ang radyo, at naghanda na rin ng mga kagamitan sa physical therapy --- nagpainit ng tubig, naglabas ng mga tuwalya, at iba pang gamit.

May-ari ako ng isang PT clinic sa aming lugar dito sa Moncada, Tarlac. Naipundar ko ito pagkatapos kong magtrabaho bilang physical therapist sa Guam. Mahigit dalawang taon ang kontrata ko doon at pagkatapos ay nagdesisyon na akong bumalik ng Pilipinas at magtayo ng clinic dito. Ayaw ko rin iwanan ng matagal ang Itay at ang kapatid kong si Christine. Noong mga panahong iyon, mahigit dalawang taon na ang nakakalipas, ay wala pang PT clinic dito kaya madali akong nakakuha ng mga pasyente. Hindi naglaon ay tumatanggap na rin ako ng mga PT interns mula sa Pangasinan, Nueva Ecija, Baguio, at Cagayan. Nang lumaon, nagpatayo ako ng maliit na bahay sa likod ng clinic na nagsisilbing dormitoryo ng mga interns habang narito sila sa Tarlac ng tatlong buwan.

Kaga-graduate lang ni Gie ng nursing nang kunin ko siyang sekretarya at manager dito sa clinic. Kapapasa lang niya noon ng board exam at nangangailangan siya ng trabaho. Hindi kasi siya pinalad na makapasok sa mga ospital sa Maynila at sa siyudad ng Tarlac kaya nag-apply siya sa akin. Tamang-tama noon at nangangailangan ako ng makakatulong sa pagsisimula ng negosyo. Balak rin niyang mag-abroad kaya pinayagan ko siyang mag-review at kumuha ng CGFNS. Kaso, hindi naman siya pinalad na makapasa. Mula noon ay nanatili na dito sa clinic si Gie.

Masipag naman sa trabaho si Gie. Naaasikaso niya ang mga buwanang obligasyon tulad ng renta, bayad sa kuryente, tubig, at telepono, taxes, pati ang pagtanggap at pagresibo ng mga bayad ng pasyente. Makikita mo sa kanya ang kanyang galing sa pagma-manage ng isang clinic. Ma-PR siya kaya marami akong nakukuhang pasyente mula sa iba't-ibang bayan at barangay. Si Gie yata ang lucky charm ko sa negosyo.

ALAS-OTSO Y MEDYA NA, wala pa rin si Gie. Wala pa namang darating na mga interns ngayon dahil hindi pa tapos ang bakasyon ng mga estudyante. Nag-alala tuloy ako. Paano na kung sabay-sabay magdatingan ang mga pasyente ngayong umaga? Solo flight yata ako ngayong Enero 2, a.

Umupo muna ako at nagbasa ng diyaryo upang makapagpahinga. Galing kasi akong siyudad kaninang umaga. Hinatid ko kasi si Christine at ang kanyang best friend na si Greg sa bus terminal. Kaysa naman makipag-agawan at makipagsiksikan sa mga bus na dumadaan sa Moncada, minabuti naming sadyain ang bus terminal sa siyudad. Bumalik na sila ng Maynila kung saan sila nagtatrabaho bilang manunulat sa telebisyon.

Alam kong sumunod rin sa kanila ang aking best friend na si Jeffrey, ang childhood sweetheart ng utol ko. Kasama niya ang kanyang anak na si Tina, na ngayon ay maglilimang taon na. Silang apat ay papuntang Maynila sa mga oras na ito at harinawa'y magkabalikan na sina Jeffrey at Christine matapos ang limang taong pagkakahiwalay.

Kapag naaalala ko ang love story nina Jepoy at Chris, hindi ko mapigilang tanungin ang aking sarili. Kailan kaya ako magkakaroon ng girlfriend? Iyong mamahalin ng lubusan. Hindi naman ako kasing guwapo ni Jepoy, at ng mga artistang nakakasalamuha ni Christine sa TV, pero may hitsura naman ako --- matangkad, mataba nga lang. Magtu-29 na ako sa February 14, at malapit nang mawala ang aking edad sa kalendaryo.

May inirereto sa akin si Aling Etang, ang ina ni Gie. Sabi niya ay ligawan ko raw si Lyn, ang ate ni Gie na teacher. Hindi ko lang maderetso si Aling Etang na ayaw kong nirereto ako kung kani-kanino. Pero, in fairness, maganda si Lyn --- simple lang at napapabalitang magaling na guro ng Grade 1. Ang kaso, alam kong may boyfriend na siya, si Hernan, guro rin at kakilala ko pa.

TAMA NGA ANG AKING HINALA, sabay-sabay nagdatingan ang mga pasyente. Napahinto ako sa aking pagbabasa ng diyaryo nang dumating ang dalawang pasyente kasama ang kani-kanilang alalay. Pinili kong unahin ang pinakamatanda at inalok ko ng diyaryo ang pangalawang pasyente upang malibang habang naghihintay.

"Dito muna kayo, Aling Rosa," alok ko. "Magbasa muna po kayo ng diyaryo."

"Wala ka yatang kasama ngayon," ani Aling Rosa.

"Oo nga po," sabi ko. "Baka mali-late lang si Gie. Darating rin po 'yon."

Para akong hilong-talilong sa pagte-therapy noong umagang iyon. Sumasagot pa ako ng mga tawag sa telepono. At may dumating pang pangatlong pasyente, si Mang Ramon at ang kanyang anak na si Allan. Kilala ko si Allan dahil alam kong siya ang nirereto ni Aling Etang para kay Gie.

Pasado alas-nuwebe na ng umaga nang dumating si Gie, nagmamadali.

"Good morning, Sir Ed!" bati niya sa akin.

Agad niyang nilapag ang kanyang bag sa mesa, naglabas ng mga folders ng mga pasyente mula sa filing cabinet, at tinulungan na ako sa pagte-therapy.

Hindi ko siya pinapansin. Mainit na ang ulo ko noong mga sandaling iyon. Nahalata siguro ako ni Gie kaya tumahimik na lang siya. Tatlo na silang ite-therapy ko ngayong umaga.

ALAS-UNA NA NG HAPON kami natapos kay Mang Ramon. Wala pang pasyenteng kasunod. Pumasok ako sa aming quarters at nagpahinga. Sa pagod ko ay napahiga ako sa kama. Narinig ko si Gie na pumasok at may itinatanong sa akin.

"Sir Ed, bibili lang ako ng kanin at ulam. Ano po ang ipabibili ninyo?"

"Bakit late ka nang dumating, Angelina?" ang tanong ko.

Nakapikit lang ako nang sabihin ko iyon, ang kanang braso ko ay nasa aking noo. Hindi siguro nagustuhan ni Gie ang sagot ko sa kanyang tanong. Isa pa, ayaw niya na tinatawag siya sa buo niyang pangalan.

"E, Sir, sorry po. Tinanghali po ako ng gising," sagot ni Gie. "Sorry po, hindi na mauulit."

Idinilat ko ang aking mga mata at tinignan si Gie. Napansin ko na namamagta ang kanyang mga mata.

"Napaano 'yang mga mata mo?" tanong ko.

Hindi sumagot si Gie. Tumalikod siya sa akin at kinuha ang kanyang wallet mula sa kanyang bag.

"Umiyak ka ba?" tanong ko uli.

"Hindi po," sagot ni Gie. "Wala po ito. Bibili na po ako. May ipabibili po ba kayo?"

Noon ko lang naalala na hindi pa pala kami nanananghalian. Bumangon ako at dinukot ang aking wallet mula sa likurang bulsa ng aking pantalon.

"Sige, ibili mo na rin ako ng dalawang kanin, bahala ka na sa ulam."

Iniabot ko sa kanya ang sandaang piso.

Kinuha naman ni Gie at nagtanong, "Ano'ng softdrinks po?"

"Bahala ka na rin," sabi ko.

Humiga uli ako. Narinig ko na lang ang pagbukas at pagsara ng pintuan sa pagalis ni Gie. Nagulat na lang ako nang kalabitin ako ni Gie upang sabihin na kakain na kami. Nakaidlip pala ako. Bumangon ako at nagtungo sa mesa kung saan nakahanda na ang mga plato, kubyertos, baso, at ang kanyang biniling ulam, kanin, at softdrinks.

Tahimik lang kaming kumain. Naisip niya siguro na mainit pa rin ang ulo ko. Nahalata ko kasi na ilag sa akin si Gie.

Sabay kaming natapos kumain ni Gie. Pero napansin ko na kaunti lang ang kanyang kinain, hindi pa naubos ang kanyang kanin.

"Bakit kakaunti lang ang kinain mo? Kain ka pa, ang daming ulam, o," sabi ko.

"Busog na po ako," sabi niya habang itinatabi ang kanyang kubyertos sa plato.

"Nagda-diet ka?" tanong ko. "Hindi ka naman tumaba noong Pasko, a."

Biro ko lang iyon kay Gie. Palabiro kasi akong tao, Kahit ang kapatid kong si Christine ay napipikon at naloloko ko sa aking mga pagbibiro.

Umiling si Gie. Ngumiti lang sa akin at sabay tumayo at iniligpit ang kanyang pinagkainan.

"Kukunin ko na po ito, Sir Ed," sabi ni Gie sabay kuha ng aking plato at kubyertos. "Huwag po kayong mag-alala, hindi totoo ang pamahiin."

Nagtungo siya sa lababo at nagsimulang maghugas. Sinundan ko siya ng tingin. Hindi ko rin napigilang tumayo at sundan siya sa lababo.

"Sino naman ang nagsabing naniniwala akong kapag niligpitan ng pinagkainan ay hindi mag-aasawa?" tanong ko.

Bigla akong napahinto at nag-isip. Wala nga akong girlfriend hanggang ngayon. Kung iisipin, mula nang dumating ako galing Guam, wala pa akong naging girlfriend dito. Ang huli kong girlfriend ay isang Amerikana sa Guam at hindi pa kami nagtagal.

"Oo nga, ano?" pabiro kong sinabi. "Hanggang ngayon wala pa rin akong girlfriend. Siguro nga, Gie, totoo. Kaya sa susunod, huwag mo na akong pinagliligpitan, ha?"

Ngumiti lang si Gie sa aking pagbibiro at nagpatuloy sa kanyang paghuhugas. "E, hindi naman po kasi kayo nanliligaw," ani Gie na parang nagse-sermon.

"Sabihin mo nga sa akin, Gie," patuloy ko, "pangit ba ako?"

Tinignan ako ni Gie at ibinalik ang pansin sa kanyang ginagawa. "Hindi naman po. May hitsura naman po kayo," ani Gie.

"Tumataba nga lang. Ang lakas n'yo kasing kumain."

Tinignan ko ang aking sarili at kinapa ko ang aking tiyan. Tama si Gie. Tumaba nga yata ako ngayon. "Kailangan ko nga sigurong mag-diet," sabi ko.

Tinignan ako ni Gie na parang hindi makapaniwala sa sinabi ko.

Hindi ko sinasadyang pagmasdan si Gie. Napansin niya siguro na hindi pa ako umaalis sa may lababo.

"Bakit po?" tanong niya.

"Ikaw naman, Bagong Taon, nakasimangot ka diyan," sabi ko.

"Wala po ito," ani niya.

"Siguro, nag-away na naman kayo ng boyfriend mong hip-hop, ano?" biro ko uli.

Tinignan uli ako ni Gie. Nakangiti lang ako sa kanya, nahulaan ko nga yata ang kanyang iniisip. Nanatili siyang tahimik. Binalikan niya ang mesa at iniligpit ang mga natirang pagkain. Nilinis na rin niya ang mesa. Naiwan akong nakatayo sa may lababo. Hindi na ako nagsalita pa. Hindi ko naman puwedeng pilitin si Gie na umamin. Kaya lumabas na lang ako sa aming quarters.

UMUPO NA LANG AKO sa aking mesa at ipinagpatuloy ang pagbabasa ng diyaryo na naudlot kanina sa pagdating ng mga pasyente. Narinig kong umupo si Gie at kumuha rin ng diyaryo. Unti-unti kong ibinaba ang diyaryo upang silipin kung tama nga ang hinala ko. Hindi ko naman inaasahan na nakatingin pala si Gie sa akin.

"O, ano?" patay-malisya pa akong nagtanong sa kanya.

"Tama nga po kayo," ani Gie. "Nag-away nga po kami ni Boyet kagabi."

Ibinaba ko ang diyaryong binabasa ko at hinarap ko siya. Nakatungo na si Gie at gusto na niyang umiyak. Dinukot ko ang aking panyo mula sa aking bulsa at iniabot ko ito sa kanya. Mabuti na lang at bago ang panyo at nalagyan ko ng kaunting pabango. Pagka-abot ko sa kanya ng panyo ay bigla siyang umiyak.

"Kasi po, nakita ko siya sa simbahan kahapon ng umaga may kasamang ibang babae," sabi ni Gie habang humihikbi. "Okay lang sana kung kamag-anak niya 'yon, e. Ang kaso, hindi po. Kaklase ko noong high school 'yung kasama niya."

Naawa ako kay Gie sa mga narinig ko. Palaging ganoon na lang ang dahilan ng pag-aaway nilang magkasintahan. Mabait siyang tao at hindi yata nararapat na basta-basta lang siyang tratuhin ng ganoon ni Boyet.

"Huwag mo nang isipin 'yon," sabi ko. "Marami pang lalaki diyan na mas higit pa sa kanya."

Ewan ko naman kung bakit iyon ang nasabi ko. Wala lang. Siguro para may masabi lang sa kanya sa oras ng kanyang kalungkutan. Isa pa, mas boto pa ako kay Allan.

"Tulad ni Allan, 'yung anak ni Mang Ramon," dugtong ko. "Panay ang tingin sa iyo kanina."

Tinignan lang ako ni Gie. Alam niya ang gusto kong sabihin.

"Hindi ko naman masisisi ang nanay mo na piliin si Allan kaysa kay Boyet. Unang-una, graduate ng kolehiyo, propesyonal. Pangalawa, mukhang disente," paliwanag ko. "Hindi por que guwapo si Boyet ay okay na."

Huminto na rin si Gie sa pag-iyak. Nakita ko na ginamit na niya ang aking panyo.

"Siguro nga, Sir," ani niya. "Hindi lang naman siya ang lalaki sa mundo, a. Makikita niya..."

"Ganyan," sabi ko ng pabiro. "Tignan mo ako, walang problema..."

Tinignan lang ako ni Gie at ngumiti. Alam niya kasing wala pa rin akong girlfriend mula nang kami ay magkakilala.

"O, e 'di ngumiti ka rin," sabi ko.

Tamang-tama at may dumating na pasyente kaya tumayo na ako at inasikaso ito. Nakita ko na lang si Gie na sumunod sa akin, naghahanda ng mga gamit at tinulungan ako.

ALAS-SINGKO NG HAPON ng dumating si Boyet sa clinic, may dalang bulaklak. May pasyente pa ako nang dumating siya kaya hindi ko siya gaanong nakita. Napansin ko na lang si Gie na lumabas ng clinic at doon sila nag-usap. Dinig na dinig pa sa loob ng clinic ang pagtaas ng boses ni Gie kaya nagtinginan kami ng aking pasyente.

NAKAKAALAM LANG AKO NG MGA BALI-BALITA sa bayan namin sa mga pasyente kong tsismoso't tsismosa. Hindi ko nga malaman kung paano nila nalalaman ang mga nangyayari gayong ang mismong tao na kasangkot doon sa pangyayari ay walang kaalam-alam. Tulad na lang ng pasyente ko ngayong si Mang Isko. Na-stroke siya kamakailan lang at dito sa aking clinic siya nagpapa-therapy para manumbalik ang natitirang lakas ng kanyang kanang bahagi ng katawan.

"Ed, balita ko nililigawan mo 'yung anak ni Etang," ani Mang Isko na nabubulol.

Nabigla ako sa sinabi ng aking pasyente. "Ano po?" tanong ko.

"Hindi ba siya ang anak ni Etang?" tanong ni Mang Isko sabay turo sa may pintuan waring tinutukoy si Gie.

"Si Gie?" tanong ko. "Anak nga po siya ni Aling Etang, pero 'di ko po siya nililigawan, Mang Isko."

Hindi ko namalayan na naroon pala si Gie na nakatayo sa may pintuan at narinig niya ang aking sinabi. Hawak niya ang dalang bulaklak ni Boyet pero padabog na itinapon ni Gie ang mga ito sa basurahan at dumiretso sa CR. Sinundan ko siya ng tingin at pagkatapos ay ibinalik ang aking pansin sa therapy.

"E, sino 'yung anak ni Etang na nililigawan mo? 'Yung panganay?" tanong uli ni Mang Isko.

"Si Lyn po 'yon," sabi ko.

"Oo nga, si Erlinda. Iyon ang titser, 'di ba?"

"Opo."

"Totoo bang nililigawan mo si Erlinda?"

"Hindi po."

"Sabi sa akin sa palengke, nililigawan mo raw. Balita ko, gusto ka nga ni Loreta."

Hindi na ako nagsalita pa. Si Aling Etang kasi ay mahilig manghikayat sa mga lalaki na ligawan ang kanyang dalawang anak. Alam kong nirereto niya si Allan kay Gie. Kaya nga laging si Allan ang kasama ni Mang Ramon kapag nagte-therapy dito sa aking clinic. Pero ewan ko ba kay Gie, mas gusto pa niya si Boyet. At ako naman ay laging pinipilit ni Aling Etang na ligawan si Lyn. Hindi ko naman magawa dahil alam kong kasintahan ni Lyn si Hernan.

Matagal rin sa loob ng CR si Gie. Narinig kong pumasok pa siya ng quarters at doon nagkulong.

Nang matapos akong mag-therapy, hindi pa rin lumalabas si Gie mula sa quarters. Kaya ako na ang tumanggap ng bayad ng pasyente at nagresibo. Hinayaan ko na lang si Gie na mag-ayos ng kanyang sarili matapos makipag-usap sa kanyang boyfriend. Nagligpit na ako ng mga gamit. Makalipas ng labinlimang minuto ay lumabas na rin si Gie sa quarters. Halatang umiyak na naman siya.

"Nag-away ba kayo ni Boyet sa labas?" tanong ko.

"Humihingi po ng tawad," ani Gie. "Hindi ko po tinanggap ang paliwanag niya. Nagalit. Ayun, nilayasan ko nga."

"Sige, alis na tayo," sabi ko. "Ihahatid na kita sa inyo."

Ngayon lang ako nag-alok na ihatid si Gie sa kanilang bahay sa loob ng mahigit dalawang taon naming pagkakakilala. Naisip ko kasi na baka abangan siya ni Boyet sa kung saang kanto at saktan pa ito.

"Naku, huwag na po, Sir Ed," ani Gie.

"Baka abangan ka pa ni Boyet diyan, mahirap na," sabi ko naman. "Mabuti na 'yon, safe ka dahil kasama mo ako."

Tumahimik na lang si Gie. Naisip niya siguro na may punto ako. Pagkasara namin ng clinic ay tumawag na ako ng tricycle. Pinasakay ko muna si Gie, bago ako, at nagtungo na kami sa kanilang bahay. Sinalubong kami ni Aling Etang. Kasing tanda niya si Itay, mga 60 anyos na. Mataba at malakas pa ang pangangatawan. Nagtitinda siya ng karne ng baboy at manok sa palengke at halatang kararating rin niya mula sa pagtitinda.

"Magandang gabi po, Aling Etang," bati ko.

"Uy, Edong, mabuti napasyal ka," ani Aling Etang.

Ewan ko ba dito sa matandang ito, Edong pa rin ang tawag sa akin. Palayaw ko pa iyon noong bata pa ako. Sana binuo na lang niya ang aking pangalan, Edward.

"Hinatid ko lang po si Gie," sagot ko. "Nag-away po sila ni Boyet at nakita kong dumaan sa clinic 'yung lalaki. 'Ika ko sa kanya, baka abagan siya sa may kanto at saktan."

"Naku, salamat," ani Aling Etang. "Ewan ko ba dito kay Angie at gustong-gusto 'yang si Boyet. Sabi ko sa kanya, si Allan na lang sana ang boyfriend niya, dentista pa."

"Inay naman," ani Gie.

Mahigit isang taon ng mag-boyfriend sina Gie at Boyet. Tandang-tanda ko pa na araw-araw tumatambay sa clinic si Boyet para lang hintayin si Gie. Hindi pa tapos ng pag-aaral si Boyet dahil palipat-lipat ng kurso sa kolehiyo. Ang pagkakaalam ko ngayon ay isang vocational course na ang kanyang kinukuha. Ayaw daw ni Aling Etang kay Boyet dahil barumbado. Minsan raw kasi ay napabalitang nakipabasag-ulo sa mga kalalakihan dahil lang sa laro ng bilyar.

Ayaw kong madamay pa sa diskusyunan tungkol kay Gie at Boyet kaya sinadya kong ibahin ang usapan.

"Yaman din lamang na naihatid ko na si Gie, Aling Etang, aalis na po ako," paalam ko sa kanilang dalawa.

"Tumuloy ka muna, narito si Lyn. Sandali, tatawagin ko," ani Aling Etang. "Lyn, lumabas ka muna riyan, may bisita ka."

Pumasok na si Aling Etang sa kanilang bahay at nakita kong kumatok sa isang pintuan. Pagkatapos ay dumiretso sa kusina at mukhang maghahanda pa ng maihahain.

Napatingin naman ako kay Gie. Ngumiti lang siya sa akin.

"Thank you sa paghatid n'yo sa akin, Sir Ed," sabi ni Gie.

"Tuloy na po kayo. Lalabas na po si Ate."

At pumunta na si Gie sa kanyang silid.

Napasubo yata ako doon, a. Wala naman sa balak ko ang dalawin si Lyn. Pahamak talaga si Aling Etang. Bakit naman kasi may mga magulang na mahilig magreto ng mga anak sa gustong manugangin?

Pumasok na lang ako ng kanilang bahay. Siya namang paglabas ni Lyn sa kanyang silid. Maganda si Lyn. Katulad ni Gie, mahaba rin ang straight na buhok. Mahaba ang mga pilikmata na lalong nagpapaganda sa kanyang mga mata. Mas maganda siya kay Gie, kaya lagi siyang kinukuhang Reyna Elena kapag may Santacruzan o kung hindi naman ay nagiging beauty queen ng aming bayan.

Naalala ko noong Grade 6 pa kami, magkapareha kami sa isang dula-dulaan. Mula noon ay crush ko na si Lyn pero walang nakakaalam noon. Tuwang-tuwa naman si Aling Etang sa aming dalawa kaya siguro hanggang ngayon ay umaasa pa siya na maging kami ni Lyn balang araw.

"Magandang gabi sa 'yo, Lyn," bati ko.

"Ikaw pala, Ed," sabi ni Lyn. "Maupo ka."

"Baka naman naabala kita," sabi ko. "Pupuwedeng sa ibang araw na lang ako bumalik."

"Hindi naman," ani niya. "Maupo ka. Napasyal ka."

Umupo kami na magkaharap sa may sala.

"Actually, hinatid ko lang ang kapatid mo dito," sabi ko. "Nag-away sila ni Boyet kanina sa clinic. Sabi ko kay Gie, ihatid ko na siya at baka kasi abangan pa siya at saktan."

"Ganoon ba?" ani Lyn. "Salamat, Ed. Pasensiya ka na sa kapatid ko. Talagang in love sa Boyet na iyon, e."

Pareho na kaming tumahimik. Mabuti na lang at nagsalita sa Lyn.

"Kumusta ka na?" tanong niya sa akin. "Mukhang okay ang clinic mo, a."

"Mabuti naman," sabi ko. "Suwerte nga at masipag si Gie sa trabaho."

Pareho na naman kaming tumahimik. Pinilit kong sirain ang katahimikan.

"Kumusta na kayo ni Hernan?" tanong ko, kahit alam kong nakakailang tanungin ito kay Lyn.

Tahimik pa rin si Lyn pero nagawa niyang ngumiti kahit alam kong napipilitan lang ito. Napansin ko kasi ang lungkot sa kanyang mga mata.

"Break na kami ni Hernan," ani niya. "Hindi talaga sila magkasundo ni Nanay."

"I'm sorry," sabi ko. "Hindi ko na sana tinanong pa."

"Walang ano man 'yon," ani Lyn. "May punto nga siguro si Nanay."

Hindi na ako nakapagtanong pa kay Lyn dahil dumating si Aling Etang na may dalang isang tray na may softdrinks at tinapay.

"Edong, pasensiya ka na dito," ani Aling Etang. "Dito ka na rin kaya maghapunan."

"Naku, huwag na po, Aling Etang," sabi ko. "Wala po kasing kasama si Itay sa bahay. Hindi niya po alam na narito ako. Sa ibang araw na lang po."

Makalipas ng ilang minuto ay nagpaalam na rin ako kay Lyn.

Lumabas na rin si Gie mula sa kanyang silid.

"Sige po, Sir Ed," ani Gie, "hayaan n'yo, aagahan ko bukas." Tumango ako kay Gie.

"Sige, Ed," ani Lyn. "Mag-iingat ka. Salamat sa pagdalaw."

"Hanggang sa muli," sabi ko.

Napatingin ako sa kanyang mga mata. Kahanga-hanga ang kanyang kagandahan. Bakit nga ba hindi ko siya ligawan ng totohanan? Tutal, siya na mismo ang nagsabi na hiwalay na sila ni Hernan. Pero sa kabilang banda, naisip ko na hindi ako dapat nagpapadala sa mga udyok ng ibang tao. Hinahayaan lang dapat ang pag-ibig.

"Dalaw ka lagi rito, ha?" sabi naman ni Aling Etang.

Nagising ako sa aking maikling pagde-daydream sa sinabi ni Aling Etang. Hindi na ako umimik o tumango man lang. Umalis na ako kaagad.

NADATNAN KO SI ITAY sa kanyang tindahan. Bukas pa rin ito kahit pasado alas-siyete na ng gabi. Hindi pa pala siya naghahapunan dahil hinihintay niya ako. Tinulungan ko na si Itay na magsara ng tindahan.

Pagkatapos noon ay pinakain ko ang aking mga alagang goldfish. At naglapitan naman ang aking mga alagang Japanese spitz at Persian cat. Habang ang aking alagang mynah ay sumisigaw ng aking pangalan.

"Good evening, King," bati ko sa aking Japanese spitz sabay haplos sa kanyang ulo.

"Good evening, Queen," bati ko naman sa aking Persian cat at binuhat ko ito.

"Ed! Ed!" tunog ng aking mynah.

"Oo, narinig kita!" sigaw ko naman sa ibon.

"Pangit! Taba!" sabi ng ibon.

"Pangit ka rin!" sagot ko sa ibon.

Ang alam lang kasing sabihin ng aking alagang mynah ay ang aking pangalan, ang mga salitang "taba", "pangit", at "I love you." Marunong rin itong sumipol tulad ng mga lalaki kapag nakakakita ng seksing babae. Kaya nang minsan ako'y nag-jogging, sumipol ang ibon, at na-flattered ako.

Maliban sa aking trabaho sa PT clinic, ang mga hayop na ito ang aking libangan. Kapag narito lang ang best friend kong si Jeffrey ay saka lang ako lumalabas at nakikipaglaro ng basketball o bilyar. Sabi pa nga ng kapatid kong si Christine, dapat daw ay nag— beterinaryo na lang ako kaysa nag-PT.

HABANG NAGHAHAPUNAN, ikinuwento ko kay Itay ang nangyari sa buong araw hanggang sa paghatid ko kay Gie sa kanilang bahay.

"O, ano naman ang masama noon?" tanong ni Itay. "Okay naman si Lyn, a. Propesyonal, maganda, mabait, mabuting pamilya."

"Itay, ayaw ko lang po kasi 'yung ipinipilit sa akin," sabi ko.

"Hayaan na lang sana ni Aling Etang na ako ang dumiskarte sa anak niya."

"Ano'ng diskarte?" tanong ni Itay. "Hanggang ngayon, wala ka pang girlfriend. Hindi ka naman dumidiskarte diyan. Pasalamat ka nga, e, may nirerekomenda sa 'yo."

"Itay naman," sabi ko. "Huwag n'yong sabihing gusto niyo ang ginagawa ni Aling Etang."

"Hindi sa ganoon," ani Itay. "Ang sa akin lang, lumabas ka, makihalubilo sa ibang tao. Hindi 'yung lalabas ka lang kapag narito si Jeffrey. Palabiro ka nga, pero hanggang ligaw-tingin pagdating sa mga babae."

"Aaminin ko, Itay, hindi ako gaanong lumalabas, nakikpag— date. Pero wala nama akonng nagugustuhang babae na taga-rito. Si Lyn, crush ko pa po 'yon noong Grade 6. Pero, Itay, may boyfriend siya noon."

"Alam ko," ani Itay. "Dahil kaibigan mo rin naman si Hernan, hindi mo na itinuloy ang panliligaw sa kanya."

Natatandaan pa pala iyon ni Itay.

"Naisip ko po kasi noon na mas pipiliin ni Lyn si Hernan," sagot ko. "Sa taba kong ito, hindi ako magugustuhan ni Lyn."

"Ayan ka na naman," ani Itay. "Huwag mo ngang isipin 'yang katabaan mo. Hindi ka mataba, malaking lalaki ka lang. Hindi 'yan ang batayan ng pag-ibig."

Hindi na ako nagsalita pa. Alam kong sa usapang ito, laging may punto ang aking ama.

KINABUKASAN, pagkagaling ko sa plaza upang mag— jogging, nagulat ako sa sinabi ni Itay na nagpadala ng karneng baboy at manok si Aling Etang sa amin. Tinanggap naman ni Itay ang mga ito dahil wala namang masama sa pagbibigayan.

"Itay naman," sabi ko, "nakakahiya kay Aling Etang. Ano 'yan, suhol?"

"Paminsan-minsan lang ito," ani Itay. "Huwag mo na kasing bigyan pa ng pagkahulugan ito. Kumare ko naman si Loreta."

Naalala ko na ninong nga pala ni Jeffrey si Itay at ninang niya si Aling Etang. Kaya kinakapatid niya kaming dalawa.

PAUWI AKO NG BAHAY mula sa isang pasyente na dinalaw ko para sa home service. Nasalubong ko si Lyn sa may plaza. Nakita ko na marami siyang dalang mga test papers at notebooks kaya tinulungan ko siya hanggang sa maihatid ko siya sa kanilang bahay. Maraming kapitbahay ang nakakita sa amin pero hindi ko ito pinansin.

PAGDATING NG SABADO, nanonood kami ng inaanak kong si Tina ng Who Wants To Be A Millionaire? Pilit ginagaya ng bata si Christopher De Leon. Ako naman ay nakatuon sa pagsagot sa mga katanungan.

"C. David E. Kelly," sabi ko.

Pero hindi C ang isinagot ng contestant kundi A. Mali na ang contestant. Pero may Php200,000.00 na siya kung tatanggapin niya ang tseke.

"Final answer?" sabi ni Tina.

Tapos ginagaya niya kung paano inaabot ni Christopher De Leon ang tseke sa contestant. Ginagawa niya ito sa akin.

"Ninong, abot mo na," sabi ni Tina.

Kunwari ay iniabot ko naman.

"Ninong, may girlfriend ka na?" tanong ng maglilimang taong gulang na bata sa akin.

Nagulat ako sa tanong niya. "Ako? Saan mo naman nalaman 'yan?"

"Sabi ni Papa," sagot ni Tina.

Naroon si Jeffrey kausap si Itay. Nang pumasok siya sa aming sala ay tinanong ko ito.

"Pare," panimula ko, "ano itong pinagsasabi mo sa bata na may girlfriend na ako?"

"O, 'di ba?" sagot ni Jepoy. "Girlfriend mo na ang kinakapatid kong si Lyn. The beautiful Erlinda Sanchez, Miss Moncada... ano'ng year nga ba 'yon?"

Nagtataka ako kung paano nasagap ni Jeffrey ang tsismis na ito. Med. rep. kasi ang aking best friend at na-assign siya sa Central at Northern Luzon. Hindi man siya araw-araw na naririto sa bayan  namin, palagi naman kaming nag-uusap sa telepono at nagbabalitaan. Hindi ko na nga sinagot ang tanong niya kung kailan naging beauty queen ang crush ko. Ang alam ko, kahit taon-taon pa, siya ang tatanghalin kong Miss Moncada.

"Ano? Sino'ng nagsabi sa 'yo?" tanong ko kay Jeffrey.

"Si Dr. Nuguid," sabi ni Jeffrey.

"Paano naman nalaman ni Doktor ang tungkol kay Lyn? Hindi naman kami nagkikita noon, a."

"Pare, alam rin 'yan sa Health Center dito sa atin," ani Jeffrey. "Pati doon sa laboratoryo ni Dr. Reyes."

Hindi ako makapaniwala na sobrang bilis kumalat ang tsismis tungkol sa amin ni Lyn. Hindi ko pa naman siya pormal na nililigawan pero pinangungunahan na ako ng mga kapitbahay.

Kaya noong gabing iyon ay hindi ako makatulog. Sino ba naman ang hindi susuwertehin kung si Lyn ang magiging nobya mo? Para kang naka-jackpot ng dalawang milyon kapag siya ang naging asawa mo. Bukod sa maganda na, mabait pa.

PATI SI GIE AY NAKISALI NA RIN sa tuksuhan. Minsan, nabanggit niya na natuwa sila ni Aling Etang nang makita nila kami ni Lyn na magkatabi sa simbahan noong Linggo ng umaga. Hindi naman kasi sinasadyang magkatabi kami. Nauna kami ni Itay na dumating doon. Sumunod silang tatlo. Nasabi ni Gie na bagay raw kami ng ate niya. Kaya panay na ang tukso niya sa akin. Hindi gaya ng dati na ako ang nanunukso kay Gie.

Habang nagkakatuksuhan at kuwentuhan sa clinic, nabalitaan ko mismo kay Gie na nagkabalikan na sila ni Boyet.

"Akala ko ba may ibang girlfriend na siya?" tanong ko.

"Hindi naman daw niya nililigawan 'yon, Sir," ani Gie. "Nagkataon lang na magkasabay silang nagsimba dahil nagkita sila sa plaza. Okay naman po ang reason ni Boyet, e. Nag-sorry naman po 'yung tao."

"Sigurado ka ba na 'yon ang totoo?" tanong ko.

"Opo," sagot niya. "Bakit naman po ako madidiskumpiyado? Sincere na nag-sorry sa akin si Boyet."

"Baka kasi masaktan ka uli," sabi ko.

Sinabi ko 'yon bilang babala sa kanya, isang payong kaibigan. Pero hindi ko sinasadyang maging iba ang dating nito kay Gie.

"Hindi naman po siguro, Sir Ed. Magtu-two years na po kami ni Boyet. Alam ko na sincere siya sa akin, 'di gaya ng ibang lalaki diyan."

"Ang ibig kong sabihin, may posibilidad na gawin niya uli sa 'yo 'yon," paliwanag ko.

"Bakit, Sir Ed," tanong niya sa akin, "hindi na ba tayo puwedeng magpatawad?"

Hindi na ako nagpatuloy pa. Change topic agad ako.

KINABUKASAN, habang naghihintay ng tricycle pauwi ng bahay, pinara ko ang isang tricycle. Nakita ko na may isang pasahero. Hindi ko akalaing si Lyn pala ang pasaherong iyon. Magkatabi tuloy kami sa loob ng tricycle. Pagdating namin sa bahay nila, bumaba kami. Nakita kami ni Aling Etang kaya napilitan tuloy akong pumasok sa kanilang bahay.

Wala naman kasi kaming pag-uusapan ni Lyn kundi ang aming mga alaala noong kami'y magkaklase pa sa elementarya at ang aming trabaho ngayon. Kaya pahinto-hinto kami sa pagkukuwentuhan. Pareho kaming nag-iisip ng sasabihin sa isa't-isa. Nakakahiya mang aminin ang matinding paghanga ko sa kanya, hindi ko magawang sabihin na gusto ko siya. Natatameme yata ako.

Makailang sandali pa ay dumating si Gie kasama si Boyet. Guwapo si Boyet, payat nga lamang at may hikaw sa tenga. Sa pagkakaalam ko ay mas matanda si Gie sa kanya ng isang taon. Kapansin-pansin ang nakatayong buhok ni Boyet na parang inubos ang isang katerbang mousse at gel makuha lang ang ganoong hairstyle. Maluwag ang t-shi