The First Trilogy (in Original Filipino Text) by Issa Bacsa - HTML preview

PLEASE NOTE: This is an HTML preview only and some elements such as links or page numbers may be incorrect.
Download the book in PDF, ePub, Kindle for a complete version.

1

_____________________________________

DAHIL DOON rin sa Moncada magbabakasyon sina Jeffrey at Tina, hindi ko maiwasan na isipin ang posibilidad na magkababalikan sina Christine at Jeffrey. Ipinagdarasal ko na sana ay matuloy ang pagkikita nina Christine at Jonathan at tuluyan nang ligawan ni Jonathan ang aking kaibigan dahil mas nanaisin ko pa na si Jonathan ang mamahalin ni Christine.

Christmas. Nag-text si Jonathan na hindi pa siya makakapunta kina Christine. Nagdesisyon naman ang Itay ni Christine na pumunta sa kanilang kamag-anak. Good suggestion dahil na-stuck na ako sa sinusulat ko na script. Nang malaman ni Christine na kasama si Jeffrey, gusto na niyang mag-backout. Pinilit ko na lang siya na sumama para maiba naman ang environment. At isa pa, sinabi ko sa kanya na kung maaari lang ay magbati na sila ni Jeffrey bilang magkaibigan kung talagang past is past at wala nang namamagitan pa sa kanilang dalawa.

Parang nag-backfire sa akin ang ginawa kong pagpilit kay  Christine na sumama. Nagkakasiyahan na kami noong hapon na iyon. Dumating ang iba pang kamag-anak nila.

"Greg, nasaan ba si Christine?" tanong ni Itay. "Hanapin mo nga't sabihin mo na dumating ang pinsan niyang si Nancy."

"Opo, Itay," sabi ko.

Kapamilya na talaga ang turing nila sa akin kaya ganoon na lang ang aming tawagan. Tumayo ako at iniwan sina Ed at ang iba pa niyang mga pinsan na nag-iinuman at nagka-karaoke. Pumunta ako sa balkonahe kung saan ko huling nakita si Christine, pero wala siya roon. Naisipan ko na hanapin siya sa may kusina.

Laking gulat ko sa nasaksihan kong eksena sa kusina. Nadatnan ko na magkayakap at naghahalikan sina Jeffrey at Christine. Parang sinaksak ako ng patalim sa likod at binuhusan ng malamig na tubig sa aking nakita. Hindi ako nakapagsalita ngunit nilakasan ko na lang ang loob ko upang malaman nilang dalawa na naroon ako.

"Wala po sa kusina si Christine, Itay," sabi ko. "Hahanapin ko na lang po siya sa labas."

Agad akong dumiretso sa labas ng bahay. Malamig ang simoy ng hangin kahit alas kuwatro pasado na ng hapon. Mas ginusto ko pa na marinig ang paghampas ng hangin sa mga dahon kaysa mga tawanan at kantahan sa loob. Hindi ko namalayan si Christine sa aking tabi.

"Greg..."

Hindi ko na siya hinayaang ipagpatuloy ang gusto niyang sabihin.

"Sabi ni Itay, dumating na si Nancy. Pumasok ka na lang sa loob," sabi ko sa kanya ngunit nakatingin ako sa malayo.

Hindi na ako kumibo pa. Narinig ko na lang na bumukas ang pintuan sa pagpasok ni Christine sa loob ng bahay.

Nasaktan ako ng labis sa nakita ko. Gusto kong umiyak pero pinigilan ko ang aking sarili. Hindi dito ang tamang lugar.

Makailang sandali ay lumabas si Ed ng bahay. Napansin ko na namumula na siya sa kaiinom.

"O, nandto ka pala," sabi ni Ed sa akin.

"Nagpapahangin lang," sabi ko. "Ang dami na kasing tao sa loob."

"May tama na ako, kaya ako lumabas," ani Ed. "Hinto na ako. Malayo pa naman ang uuwian natin."

Hindi ako kumibo.

"O, ba't wala kang imik d'yan?" tanong niya. "Miss mo na ang boyfriend mo, ano?"

"Ulol!" sabi ko. "Alam mo, Ed, lasing ka na nga."

Tumalikod na ako kay Ed at pumasok na sa loob ng bahay.

KINAGABIHAN, kinausap ako ni Christine.

"Galit ka?" tanong niya sa akin.

"Hindi," sagot ko. "Bakit?"

"Parang galit ka sa nangyari, e," ani niya.

"Sabi mo kasi, hindi mo na siya mahal," sabi ko. "Pero iba ang ginagawa mo sa sinasabi mo."

"Ayaw mo ba ang 'yong nakita?" tanong niya.

Hindi ko masagot ang kanyang tanong. Sa halip, humiga ako sa kama na nakatalikod sa kanya. Mula noong naging mag-best friends kami, palagi na kaming magkatabing matulog kapag nagbabakasyon dito sa Moncada.

Bigla kong naramdaman ang kalabit ni Christine.

"Hoy, Gregorio, sabihin mo nga sa akin," ani niya. "Nagseselos ka, ano?"

Bigla akong bumangon at humarap kay Christine.

"Hindi, a!"

"E, bakit ganyan ka kung umasta?"

Alam ko na gustong malaman ni Christine ang totoong nararamdaman ko subalit hindi ko ito masabi sa kanya. Umiwas na lamang ako sa kanyang mga tingin at lumingon na lang ako sa may bintana.

"Nasaktan lang siguro ako," paliwanag ko.

"Bakit naman?"

"Wala lang. Kasi sanay akong makita kang walang ibang lalaki kundi ako lang."

Tumahimik lang si Christine.

"Noong kayo pa ni Jun," patuloy ko, "magkasama pa rin tayo. Kapag siguro kayo na ni Jonathan, magkasama pa rin tayo. Pero kanina, feeling ko wala na ako sa 'yo."

Naramdaman ko ang kamay niya sa aking balikat kaya lumingon ako sa kanya. Nakita ko na napapaluha na siya kaya nagyakapan kami. Hindi ko lang masabi kay Christine na may gusto pa rin ako sa kanya. Siya siguro ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay silahis pa rin ako.

NOONG MGA PANAHONG IYON, alam ko na magulo ang isipan ni Christine. Napansin ko na palagi siyang tulala, malalim ang iniisip, at walang kibo.

"May problema ba?" tanong ko.

Iling lang ng ulo ang isinagot ng aking kaibigan.

"Puwede mong sabihin sa akin, makikinig ako," sabi ko sa kanya sabay hawak ng kamay.

"Greg," simula niya, "gaano katotoo ang 'Love is sweeter the second time around'?"

"Sabi na nga ba, e," sagot ko. "May nangyari, ano?"

Nanlaki ang mga mata ni Christine sa tanong ko.

"Ha? Ano'ng pinagsasabi mo d'yan?" tanong niya sa akin.

"Huwag ka nang magkaila diyan," sagot ko. "Alam ko, kitang-kita sa mga mata mo. Mula nang makita ko kayong naghahalikan, iniisip ko na bumabalik ka na sa kanya."

Hindi kumibo si Christine. Alam ko na may itinatago siya sa akin tulad ng pagtatago ko ng tunay na damdamin para sa kanya.

"Greg, naguguluhan ako," ani Christine. "Kung kailan naman ako nagsisimulang magkagusto kay Jonathan, pilit namang bumabalik si Jeffrey."

"Sino ba talaga ang gusto mo sa kanilang dalawa?" tanong ko.

"Mukhang mabait si Jonathan kahit hindi ko pa siya nakikita at nakikilala," sagot ni Christine. "Si Jeffrey naman, ganoon rin, walang pagbabago. Tulad pa rin noong dati. Mahirap silang maipagkumpara."

"Gusto ko lang itanong," sabi ko, "bakit mo hinalikan si Jeffrey noong Pasko?"

"Hindi ko inaasahan 'yon," ani Christine. "Bigla niya akong hinalikan at niyakap. Pilit ko siyang itinulak pero ang lakas niya. Isa pa, hinalikan niya ako sa labi na parang kami pa rin. Kaya hindi ko na rin napigilan ang aking sarili."

"Mahal mo pa rin siya, ano?"

"Ewan ko. Hindi ko alam. Nagugulahan na ako."

Hindi ko na rin napigilan na yakapin siya. Christine, kung alam mo lang, naguguluhan rin ako.

MAGBA-BAGONG TAON nang makatanggap si Christine ng text message mula kay Jonathan. Matutuloy na rin sa wakas ang kanilang pagkikita. Ngunit nagulat si Christine nang malaman niya na si Jonathan at si Jeffrey ay iisa. Nasaktan na naman ang aking best friend. Malungkot tuloy ang pagsalubong namin sa Bagong Taon.

Pareho kaming hindi makatulog ni Christine noon. Magkatabi kami at magkayakap sa kama. Natapos rin siya sa kaiiyak.

"Mabuti ka pa, best friend," ani Christine, "hindi mo nagawang manloko ng ibang tao."

"Hmm... ano'ng ibig mong sabihin?" tanong ko. "Na hindi natuloy ang balak natin noong high school reunion ko?"

"Oo. Kasi isipin mo," ani Christine, "kung ipinagpatuloy natin 'yung balak mo na magpanggap tayong mag-boyfriend, baka mabuking ka rin. Nakakahiya 'yon, 'di ba?"

"Ewan ko lang.," sagot ko habang inaalala ang mga nangyari noong Oktubre.

Pumayag si Christine na magpanggap bilang aking girlfriend sa high school reunion namin sa Zamboanga. Pero nang sumapit ang araw ng aming flight, nag-backout ako.

"Naalala ko nga 'yung binili nating damit para sa 'yo," patuloy ko. "Type ko 'yon, e. Bagay na bagay sa 'yo."

"Ikaw kaya ang pumili noon," ani Christine.

"Siguro kung naisuot mo 'yon, baka ma-in love pa ako sa 'yo."

Magiliw ko siyang niyakap subalit ginantihan lang niya ako ng masamang tingin. Ang hirap kasi sa kanya, sarado na siya sa ideya na bakla ako at hindi maaaring magkagusto sa kanya.

"Charing ko lang 'yon," bawi ko kaagad sabay ngiti.

Hinalikan ko ang kanyang noo ng dalawang beses. Nanatili kaming tahimik at magkayakap hanggang sa makatulog na kaming dalawa.

ENERO 2. Hinatid kami ni Ed sa bus terminal nang umuwi kami ni Christine pabalik ng Maynila.

"Ikaw na ang bahala sa kapatid ko, ha?" bilin ni Ed sa akin.

"Sure, no problem," sabi ko. "Ikaw kasi, gumawa ka pa ng kalokohan."

"Nag-sorry na ako kay Christine, a," ani Ed. "Hindi ba, sis?"

Tumango lang si Christine. Kanina pa siya walang kibo. Puro tango at iling ng ulo ang isinasagot niya sa amin.

Kay Ed kasi nanggaling ang ideya na magpanggap si Jeffrey na Jonathan noong unang nag-text si Christine kay Ed. Convincing ang mga biro ni Ed. Talagang hindi mo mahahalata kung nagbibiro o nagsasabi ng totoo. Ay, Edward Dungca, ma-karma ka sana!

TAHIMIK PA RIN SI CHRISTINE sa biyahe. Hawak niya ang kanyang cellphone na Nokia 5110. Binabasa niya ang mga text messages sa kanyang Inbox. Narinig ko na humihikbi na siya.

"Christine, okay ka lang?" tanong ko.

Tumango siya habang pinapahid ang kanyang luha.

"Oo naman," sagot ni Christine.

Hinawakan ko ang kanyang kamay at tinitigan ko siya. Bakas sa kanyang mga mata ang lungkot at pagmamahal para kay Jeffrey.

"Mahal ko pa rin siya, Greg," napapaiyak na sinabi ni Christine.

Inakbayan ko siya at ipinatong ang kanyang ulo sa aking balikat. Maliwanag ang sinabi niya na iyon. Wala na akong magagawa pa kundi to let go of her.

Tumunog ang cellphone ni Christine. Binasa niya ang text at ipinabasa niya sa akin. Galing ito kay Jeffrey. Isang graphic text ng lovebirds na naghahalikan. Ang cute. Biglang nagring ang phone.

"Hello?" sagot ni Christine. "Nasaan ka?"

Tumayo siya at tumingin sa likuran ng bus. Kinalabit niya ako at itinuro ang kinaroroonan nina Jeffrey at Tina. Tumayo rin ako at sinenyasan si Jeffrey kung nais niyang magpalit kami ng upuan.

Pumayag naman si Jeffrey kaya nagpalit kami.

"Hi, Tina," bati ko sa bata nang maupo ako sa kanyang tabi.

"Tito Greg, tignan mo 'yon, o," sabi ni Tina habang may itinuturo sa bintana, "carabao."

Nililibang ko na lang ang aking sarili sa pakikipag-usap sa bata. Hindi ko naman napigilang marinig ang pinag-uusapan nina Christine at Jeffrey.

"Akala ko nasa Maynila na kayo," sabi ni Christine.

"Sino'ng nagsabi?" tanong ni Jeffrey.

"Si Ed," sagot ni Christine.

"Naniwala ka naman sa gagong 'yon!" ani Jeffrey.

Correct! Naku, incurable na yata si Edward, the big brother.

Ipinagdarasal ko na sana ay gantihan na siya ng tadhana ngayon din!

Mismo! Tama ba naman na papaniwalaan niya kami na nasa Maynila na sina Jeffrey dahil kahapon pa raw sila lumuwas?

Patuloy pa rin sa pangungulit si Tina. Ako naman ay unti-unting bumabalik sa pagiging masayahahin.

"Tito Greg, buksan mo," sabi ni Tina habang iniaabot ang isang supot ng cheese curls.

Binuksan ko ang supot at iniabot ito sa bata. Narinig ko na naman sina Christine at Jeffrey.

"May gusto ba sa iyo si Greg?" tanong ni Jeffrey.

"Mag-best friend lang kami nun," sagot ni Christine. "At kung may gusto man iyan sa akin, e 'di sana'y hindi 'yan bading."

Tumayo ako at dumungaw sa kanilang dalawa.

"Narinig ko 'yon," sabi ko.

Tinignan ko si Christine. Ngumiti lang siya sa akin at kinindatan niya ako.

Okay, fine. Umupo uli ako sa tabi ni Tina. Hindi ko na napigilan na dumukot ng cheese curls sa supot na hawak ng bata.