2
UMUWI AKO ng Maynila na medyo malungkot at masaya. Malungkot dahil hindi na ako ang laging makakasama ni Christine ngayong nagkabalikan na sila ni Jeffrey. Pero masaya pa rin ako dahil may Ed pa ako na pagpapantasyahan.
Ang kaso, disappointed ako nang minsan mag-overnight kami ni Christine sa Moncada. Sinamahan ko kasi siya na iuwi ang mga hindi na niya gagamiting mga libro, damit, at iba pang abubot.
Nasa tindahan kami ni Itay nang may isang magandang babae na bumili.
"Mang Tonio, pabili nga po ng mayonnaise, 'yung nasa maliit na bote," sabi niya.
Pinagsilbihan naman ni Itay ang ale.
"Uy, Lyn, kumusta ka na?" bati ni Christine.
"Christine, ikaw pala," sagot ni Lyn. "Ito, mabuti naman."
"Balita ko, nanliligaw sa iyo si Kuya Ed," ani Christine.
Nagulat ako sa sinabi ng aking kaibigan. Hindi na nga kami madalas magkasama ni Christine kaya hindi na ako gaanong updated sa mga buhay-buhay nilang magkapatid. Hindi ko alam na may nililigawan na pala si Ed. Medyo hurt ako doon.
Pinagmasdan ko si Lyn. Maganda siya. Shoulder-length ang hair, makinis ang balat, medyo maputi, ang ganda ng mata at ilong, mapupula ang labi. Naalala ko tuloy na siya 'yung itinuturo ni Christine sa akin na naging Miss Moncada noong college pa kami.
Beauty queen pala ang type ng Edward!
Narinig ko na sumagot si Lyn.
"Dumalaw nga siya kagabi," ani Lyn. "Baka mamaya, dadalaw muli."
"Ay, siya nga pala Lyn, best friend ko, si Greg," pakilala ni Christine sa akin.
"Hi," bati niya sa akin at kumaway. "Nice meeting you."
"Pleased to meet you," sabi ko naman.
NANG DUMATING SI ED galing sa kanyang PT clinic noong hapon, sinimulan ni Christine ang panunukso.
"Uy, si Ed, in love," ani Christine. "Magkakaroon na rin ako ng ate sa wakas."
"Nakita ko na 'yung girl. Ang ganda niya, ha?" sabi ko na may halong pagseselos.
"Tumigil ka diyan, bakla ka," ani Ed. "Kung hindi ko pa alam, nagseselos ka kay Jeffrey dahil siya ang boyfriend ng kapatid ko at hindi ikaw."
"Hoy, grabe ka! Over ka na," sabi ko.
Halata na iniiwasan ako ni Ed. Pilit niyang ibinabaling kay Jeffrey ang usapan. Alam kaya niya ang nararamdaman ko kay Christine noon?
"Ed, sinagot ka na ba niya?" narinig kong tanong ni Christine.
"Hindi pa," sagot ni Ed. "Hindi pa naman kasi ako nagtatanong, e."
"Kailan pa?"
"Ewan ko."
"Remember Ed, magtu-29 ka na sa Valentine's Day," sabi ko.
"At wala ka pa ring date for six years in a row."
"Hoy, hindi a!," tanggi ni Ed. "Nagka-girlfriend naman ako sa Guam, 'no? Two years in a row lang. Magti-three kung wala pa ngayon."
Four or five years ago, nagpunta si Ed sa Guam para magtrabaho sa clinic ng isang kamag-anak. Two years siya doon at bumalik dito sa Moncada upang magtayo ng PT clinic. Nagulat nga kami nang makita namin siya na mataba. Mula noon ay hindi na siya pumayat gaya ng dati. Pero bagay sa kanya ang mataba, huh!
Naalala ko pa nga nang mainggit ako sa pasalubong ni Ed kay Christine: ang laptop computer na ginagamit ng best friend ko ngayon.
Sa sobrang inggit ko, nagpabili rin ako ng laptop kay Daddy. Ayaw ni Daddy noong una subalit dahil sa panghihikayat ng Mommy ko, pumayag siya na bumili para sa kanilang one and only son. Son nga ba?
NANG UMALIS SI ED patungo kina Lyn, malungkot ako.
"Wala na akong Papa Ed, bruha," sabi ko kay Christine.
"Sabi ko naman sa 'yo na hindi talaga kayo talo nun, e," ani niya.
Alam ko na matagal nang loveless si Ed. Kaya nang malaman ko na may Lyn na sa puso niya ngayon, umuwi akong lonely.
MAG-ISA AKO NA NAKATIRA sa isang studio-type apartment na binabayaran ko ng Php8,000.00 kada buwan. Every weekend, may dumarating na matandang dalaga upang maglinis at kunin ang mga labahang damit. Babalik siya sa susunod na Linggo na plantsado na ang mga damit ko.
Pero bad news and sumalubong sa akin nang makatanggap ako ng liham mula sa may-ari ng apartment. Kailangan na nilang ibenta ang buong apartment at lote sa lalong madaling panahon.
Nauunawaan ko ang may-ari. Matagal nang pinag-aawayan nilang magkakamag-anak ang kanilang mga ari-arian kasama na ang apartment na tinitirahan ko. Ilang taon na nilang sinasabi sa aming mga tenants na ibebenta na ito pero hindi naman natutuloy. Pero sigurado na ito ngayon dahil ayon sa sulat, nagkasundo na ang pamilya sa pamamagitan ng isang kasulatan.
Dobleng dagok ang kalungkutang nadarama ko ngayon. Wala na nga akong Papa Ed, wala pa akong matitirahan. Hindi ko na nga namalayan na nakatulog pala ako sa sofa.
KINABUKASAN, bumili ako ng isang classified ads magazine. Maraming nakalista na apartments for rent dito. Out of the question na ang mga boarding houses, rooms for rent, at bedspacers. Chaka na sa akin ang mga 'yon.
Nag-report agad ako sa opisina kahit alam ko na mamayang hapon pa ang meeting namin. Magbabasa lang naman kami at magbibigay ng komentaryo sa unang draft ng script na sinulat ni Christine. Siya kasi ang naatasan na sumulat ng week 16.
Tatlo kami na nagsusulat sa teleseryeng "Sa Pangarap, Laging Kasama Ka." Ako, si Christine, at si Lanie, ang aming headwriter. Nagsimula kami sa ere noong kalagitnaan ng Nobyembre at ngayon ay pinapalabas na ang week 13 na isinulat ko.
"Dumating na ba si Christine?" tanong ko kay Lanie.
As usual, ang aming taba-chingching na headwriter ay nagko-computer at the same time may kausap sa telepono. Umiling lang si Lanie at sinenyas ang kamay na "wala".
Kaya nag-text ako kay Christine.
"Bruha, wat tym k punta d2?"
"M on d way n," sagot ni Christine.
"Blisan mo. My chika ako s u."
"Ano un?"
"D2 ko na s u kwen2."
BINASA KO ang classified ads habang naghihintay kay Christine. Isa-isa kong tinawagan ang mga numero na sa tingin ko ay okay.
"Hello? Puwedeng mag-inquire tungkol po sa ads ninyo na apartment for rent?" tanong ko.
"Sorry, nakuha na po," sagot ng babae sa kabilang linya.
Tumawag uli ako ng panibagong prospect. Interesado ako sa lugar, malapit lang dito sa istasyon ng TV.
"Magkano po?" tanong ko.
"Php12,000.00 per month," ani niya. "One month deposit, two months advance."
Ouch! Ang mahal.
"Wow, ang mura naman," sabi ko sa isang kausap ko sa telepono. "Saan po ba ito?"
"Sa Sta. Rosa, Laguna."
Okay ka lang?
DUMATING SI CHRISTINE makalipas ng isang oras. Marami na rin akong natawagan. Narinig ko siya na dumiretso sa aming utility man na si Mang Lino.
"Mang Lino, pasuyo naman po. Pakiphotocopy po nito, five copies," ani niya.
"Clean copy?" tanong ni Mang Lino kung sa malinis na bond paper niya ito kokopyahin.
"First draft lang po 'yan," sagot ni Christine. "Okay lang po kahit sa scratch paper or newsprint."
Lumapit sa akin si Christine at niyakap ako.
"Hi, best friend, ano'ng chika?" tanong niya sa akin.
"Aalis na ako sa apartment," sagot ko.
"You mean, tuloy na ang pagbebenta nito?"
"Oo, may notice na ako na natanggap."
"May nahanap ka na ba na malilipatan?"
"Wala pa nga, e," sagot ko. "Ito nga, ang dami ko nang natawagan. Ang iba, ang mamahal. May mura, pero ang layo naman dito."
"Ba't kasi ayaw mo pa ng boarding house, o kaya room for rent?"
"Gusto ko kasi 'yung may privacy at tahimik," sagot ko naman.
"Bihira naman 'yung boarding house na ganoon, ano?"
ANG MEETING na dapat nagsimula ng alas kuwatro ng hapon ay naging alas sais na ng gabi. Na-atraso si Mang Lino sa pagbigay ng mga kopya ng script dahil palaging nagpi-paper jam ang makina.
Maga-alas kuwatro na kami nagsimulang magbasa ng script. Late na rin dumating ang aming direktor na si Direk Mary Anne Novenares, Direk MAN for short, mula sa isang previous appointment.
"Revise mo itong sequence na 'to, Christine," ani Direk MAN.
"Morgan has to have an upper hand over Stella. Ito na 'yung culmination ng away nila from week 13. Stage mo na sa ngayon 'yung turnaround niya. Unti-unti na siyang lumalaban. By week 17, palaban na siya, tamang-tama sa pagpasok ni Vivian."
"Opo, Direk," sagot ni Christine habang sinusulat ang mga sinabi ni Direk.
Sa mga ganitong klase ng meetings na kasama si Direk MAN, dapat mabilis kang pumick-up dahil ang bilis magsalita ni Direk.
Isa si Direk MAN sa mga magagaling na scriptwriter at babaeng direktor sa industriya ng telebisyon at pelikula. A very private person kaya wala gaanong nakakaalam ng kanyang love life. Kilalang tomboy, hindi lang namin alam kung may partner.
"Another thing," sabi naman ni Direk George. "Interchange mo na lang 'yung sequence ni Michelle Parker-Jones sa day 5 with Fidel-Stella scene. Ito na kasi 'yung last week ni Michelle sa show. Ipakita natin na kahit papaano, mababawasan ng tinik sa dibdib si Stella sa pagalis ni Therese. And I like the way you wrote the entrance of Vivian sa weekender. Maganda."
Patuloy pa rin si Christine sa pagsusulat ng mga comments sa kanyang kopya ng script.
Bading naman si Direk George. Scriptwriter rin at aktor sa teatro. Mabait, palabiro, prangka, masarap kasama sa trabaho.
PAGSAPIT NG 6:30 NG GABI, pinanood namin ang aming palabas sa TV. At habang nanonood, halos sabay-sabay kaming nagbibigay ng kanya-kanyang komentaryo.
"Ang galing talaga nilang umarte, ano?"
"Nakakatuwa, ang cute nilang dalawa."
"Uy, alam n'yo ba? Doon sa amin may nagpustahan, kung sino ang makakatuluyan ni Stella, kung si Fidel ba o si Morgan."
"Direk, ngayon nga pala ang start ng bagong time slot sa kabila."
"Silipin nga natin mamaya, kapag commercial break."
"Alam n'yo ba na mataas ang rating natin kagabi?"
"Talaga?"
"May chismis, Direk, kapag nagsimula na raw umere ang 'Angelina', mag-iiba raw tayo ng time slot."
Sari-saring komentaryo at kuwento ang narinig ko sa loob ng 30 minuto na palabas. Sa 30 minuto na 'yon, 18 minuto lang ang mismong palabas at ang natitirang 12 minuto ay commercials. Pero sa sobrang dami ng commercials, nago-overtime ang palabas.
NAG-RESUME KAMI ng meeting nang matapos ang SPLKK, ang acronym ng aming teleserye.
"Before I forget, Lanie," ani Direk MAN, "we need another writer." Nagkatinginan kami ni Christine.
"We are airing week 13 now. We are still shooting some scenes from week 14 and week 15 has just started production. At the rate we're going, baka maghand-to-mouth tayo pagdating ng araw," paliwanag ng direktor.
Ang hand-to-mouth ay isang sitwasyon na kung saan ang sinu— shooting na eksena ay kailangan nang ipalabas sa isang araw, or much worse, kinabukasan. Hindi man iyan nalalaman ng mga manonood, praning naman ang buong staff.
"Nagsisimula na ang production ng 'Angelina'. That means our shooting schedule will be reduced to Tuesdays and Thursdays instead of TTHS because of the availability of the vans," dugtong pa ni Direk George.
Ang tinutukoy niyang "Angelina" ay isang bagong teleserye ng aming istasyon. Kailangan na isaalang-alang ang availability ng mga vans sa mga on-location shooting ng mga palabas.
NATAPOS KAMI sa meeting bandang alas otso y medya ng gabi. Himala, ang aga! Kaya nagyaya si Direk George ng gimik.
"Gimik tayo, Greg," ani Direk George.
"Lunes na Lunes, Direk, gimik," sabi ko.
"Sige na," hikayat ni Direk. "Unwind lang tayo. Tawagin mo 'yung iba sa production. Treat ko."
"Saan tayo, Direk?" tanong ko.
"Gay bar," bulong ni Direk sa amin ni Christine.
"Sama ka, best friend?" tanong ko kay Christine.
"Ayaw ko," ani niya.
"Sumama ka," sabi ni Direk George na waring nag-uutos.
"Ay, naku, Direk, believe it or not," sabi ko, "hindi pa nakakapasok ng gay bar ang bruha."
"E, 'di the more she has to come with us," ani Direk George na may exaggerated emphasis sa salitang "come".
"Ano'ng sasabihin ko kay Jeffrey?" tanong ni Christine sa akin.
"Sabihin mo na may night out ang staff, treat ni Direk," sagot ko. "Huwag mo nang imention na gay bar."
Nag-text si Christine kay Jeffrey. Mukhang pumayag naman ang boyfriend niya dahil sumama nga naman sa amin si Christine.
DUMATING KAMI sa gay bar pasado alas nuwebe ng gabi.
Kasisimula pa lamang ng pag-rampa ng mga male models na nakasuot ng mga semi-formal, casual, at sports wear. Um-order na kami agad ng mga drinks at pulutan.
Makailang oras pa ay rumampa na ang mga macho dancers na naka-sando at short shorts o naka-trunks na lang. Nagsimula na silang sumayaw sa mabagal na tugtog. Doon ko na napansin na hindi na kumportable si Christine.
"Okay ka lang?" tanong ko sa kanya.
"Ano'ng oras tayo uuwi?" tanong naman niya sa akin.
"Mamaya pa," sagot ko. "Huwag kang mag-alala, ihahatid kita sa boarding house."
Inakbayan ko na lang si Christine dahil nakatungo na ang kanyang ulo at itinatago na ang kanyang mukha sa kanyang mahabang buhok. Halatang ayaw niya nang tumingin sa stage.
"Bru, tignan mo," bulong ko kay Christine habang naka-akbay sa kanya. "Ang guwapo niya, o."
Tumingin lang ng sandali si Christine sa stage at saka tumingin sa akin in agreement. Subalit napansin ko na kung saan-saan na lang niya ibinabaling ang tingin kapag umiinom siya ng kanyang beer.
Makalipas ng ilang oras, dumilim na ang entablado, dim lights na ang paligid. Hudyat na ito na mago-all the way na ang mga macho dancers. Narinig ko si Direk George na tinawag si Christine.
"Chris, may assignment ako para sa 'yo," ani Direk George.
"Ano po 'yon, Direk?" tanong ni Christine.
"Mag-compare notes ka, ha?" ani Direk na may emphasis sa salitang "notes". "Ikumpara mo sila sa jowa mo."
Tumawa lang si Christine.
"Direk naman..." ani niya.
Pinakikinggan ko lang ang usapan nila habang ako naman ay nakatuon ang atensiyon sa stage. Pinagmasdan ko ang mga katawan ng mga nagguguwapuhang macho dancers. Umandar na ang aking creative imagination. Naantala lamang nang bumulong sa akin si Christine.
"Greg, alis na tayo rito, please?"
"Tumigil ka diyan, I'm enjoying the view."
Naramdaman ko na lang ang kurot ni Christine sa aking tagiliran. Aray! Kailangan ko na nga yata siyang ihatid sa kanyang tinutuluyang boarding house. Tinapos ko na lang ang dance number na iyon at nagpaalam na kina Direk at sa iba pa naming kasama.
"Direk, ihahatid ko na muna si Christine," sabi ko.
"Direk, mauna na po kami," ani Christine. "Thank you po sa treat n'yo."
"O sige. Hindi tuloy nakapag-enjoy si Greg," sabi ni Direk.
"Joke lang. 'Yung script mo, ha?"
NAIHATID KO naman si Christine ng matiwasay. Maga-alas dos y medya na ng madaling araw nang ako ay nakarating sa aking apartment. Hindi ako dalawin ng antok. Naisip ko ang aking sarili, ang aking sitwasyon ngayon. Magba-Valentine na, wala pa akong ka-relasyon.
Sunud-sunod na what ifs ang lumabas sa aking isipan. What if isang macho dancer ang partner ko? What if macho dancer rin ako? What if si Jeffrey ay macho dancer, ano ang say ni Christine? What if bakla si Ed? What if mag-compare notes ako kay... Ay! Sandali lang! Nagiging wild na ang imagination ko. Makatulog na nga!