3
VALENTINE'S DAY. Wala akong naka-schedule na happening. May date sina Christine at Jeffrey. Manonood raw sila ng concert ni Martin Nievera. Ayaw kong sumama, three is a crowd. Naisip ko, siguro ka-date ni Ed si Lyn. Since wala naman akong balak gumala ngayon, nagdesisyon ako na manood na lang mga videos buong araw.
Bandang alas-singko ng hapon, nakatanggap ako ng text mula sa mga kasamahan ko sa SPLKK. Ang mga loveless raw ay may gimik at niyaya nila ako. O sige.
Sa isang music bar kami nagpunta. Magaling ang folk singer na nagpe-perform noong gabing iyon. Kuhang-kuha niya ang mga styles nina David Gates, Tracy Chapman, Jim Croce, at iba pa. Nag-enjoy ako noong gabing iyon. Apat na bote ng beer ang nakalipas nang magpaalam ako sa aking mga kasama na pupunta ako ng CR.
Mag-isa lamang ako sa CR nang pumasok ako roon. Solo ko kung baga. Naghuhugas ako ng aking mga kamay nang pumasok sa CR na isang guwapong lalaki. Nagkatinginan kami ng sandali. Pinapatuyo ko ang aking mga kamay sa hand dryer nang siya naman ang naghugas ng kanyang mga kamay. Nakita ko sa salamin na nakangiti siya sa akin.
"Do you mind if I ask your name?" tanong niya sa akin. Ngumiti lang ako.
"I'm DJ Domingo," sabi niya sa akin at inalok ang kanyang kamay sa isang handshake.
Naalala niya na basa pa pala ang kanyang mga kamay kaya dumiretso siya sa hand dryer upang patuyuin ito.
"Oops, sorry about that," ani niya.
Hmm, Inglesero. Mukhang may kaya sa buhay. Guwapo pa. Nanatili pa rin akong nakangiti sa kanya. Hindi ako makapagsalita. Mabilis na umandar ang aking isipan. Is this love at first sight? Siya na nga kaya? Hindi kaya ito con artist? Et cetera, et cetera.
Nang matuyo ang kanyang kamay, dinukot niya ang kanyang wallet at kumuha ng calling card. Iniabot niya ito sa akin. Binasa ko ang card.
"Architect ka pala," sabi ko. "By the way, I'm Greg. Greg Durano."
Nagkamayan kaming dalawa.
"Pleased to meet you," ani niya.
"Pasensiya ka na, wala akong card," sabi ko. "Hindi uso sa trabaho namin 'yun, e."
"Where do you work?"
"Writer ako sa isang TV station."
"Ah, I see."
Saglit lang ang aming batian at nagkahiwalay rin kami. A very brief encounter lang. Nang bumalik ako sa aking kinauupuan, nakita ko na doon pala siya nakaupo sa isang sulok, waring nag-iisa. Dahil nagkakatuwaan na ang aking mga kasama sa kuwentuhan at pagsising along, hindi ko na namalayan na umalis na si DJ sa bar.
NAKALIMUTAN KO NA ang insidenteng iyon dahil sa laki ng aking problema sa paghahanap ng malilipatang apartment. Kung saan-saan na ako nakarating upang tignan ang mga apartments for rent sa Kalakhang Maynila. Subalit wala pa rin akong magustuhan to suit my indiscriminate taste. Charing!
Sa sobrang pagod at gutom ko, naisipan ko na um-order ng 2 pieces fried chicken meal, spaghetti, cheeseburger, large French fries, at large softdrinks. Keber ko sa mga tao na makakita sa akin. Basta eat lang ako. Tahimik lang ako na kumakain nang marinig ko ang isang boses na parang narinig ko na noon.
"Excuse me, is this seat taken?"
Marami na kasing tao sa loob ng fastfood outlet na iyon. Kakaunti na lang ang bakanteng upuan at lunch time pa. Sabi nga, share a seat, win a friend. Wagi nga ba? Kaya lumingon ako sa kanya.
Oh, my God! Siya nga! Bakit siya narito? Naalala ko ang kanyang calling card. Malapit lang doon ang kanyang opisina. Ngumiti na lang ako sa kanya at inalok ang bakanteng upuan sa harapan ko.
"Thank you," sabi niya sa akin at umupo. At habang inilalapag ang kanyang pagkain sa mesa, nagwika: "If I remember correctly, your name is Greg, right?"
I'm so glad na natandaan pa niya ang aking pangalan. Tumango ako. Hindi na naman nakapagsalita. Tameme.
"Small world," sabi niya sa akin.
I agree. Hindi ko talaga inaasahan na magkikita pa kaming muli ni DJ. Pero naroon siya. Totoo nga ba na love comes from the most unexpected places? Sa pagkikita naming iyon ay nalaman ko na marami pala kaming pagkakapareho --- sa pananamit, sa mga paboritong pagkain, sa musika, pati na sa pananaw sa politika. Hindi ko nga akalain na gumraduate kami sa iisang unibersidad.
"Ano'ng year ka ba gumraduate?" tanong ko.
"Ninety five," sagot niya.
"You mean, magka-batch tayo?"
Sa liit ng mundong ginagalawan, hindi ko maisip kung bakit hindi pa kami nagkakilala noon. At dahil sa nalibang ako sa pakikipag-usap kay DJ, naubos ko ang lahat ng inorder kong pagkain.
Tinanong ni DJ sa akin kung saan nga ba ako nanggaling at doon pa kami nagkita sa lugar na masasabi niyang kanyang teritoryo. Kaya ikinuwento ko ang tungkol sa apartment at ang aking paghahanap ng malilipatan.
"How about a condo unit, studio type, 22 square meters?" alok ni DJ sa akin.
"Ano 'yan, for rent or for sale?" tanong ko naman.
"Siyempre, for sale," ani DJ. "Lugi ka kapag for rent."
"Hello? Magkano kaya 'yon?"
"Magkano ba ang monthly budget mo for this?"
"Around Php 8,000.00."
"Ikaw naman..."
Ayaw maniwala ni DJ sa aking sinabi. Nagkukulitan na kami sa kanyang pagsi-sales talk. Sa bandang huli, sumuko rin siya sa akin.
"Akala ko pa naman may kliyente na ako," ani niya.
"Nagbebenta ka ba talaga ng condo units?" tanong ko.
"Oo," sagot niya, "tapos saka ko aalukin ng proposal sa interior design."
"Ruma-racket ka pala," sabi ko sa kanya, nakatawa.
"Kailangang kumayod, e."
Hindi namin namalayan na pasado alas siyete na pala ng gabi. Kaya nagpaalam na kami sa isa't-isa at nangako na magkikita kami muli bukas. Na sinundan pa ng bukas. Bukas ulit. See you tomorrow. Hanggang sa na-realize ko na mahigit two weeks na kaming nagkikita ni DJ. Hindi pa kami nakuntento, nagte-text at nagtatawagan pa kami sa cellphone.
"BAKLA, sabay tayong umuwi," anyaya ni Christine nang
matapos ang aming meeting sa SPLKK.
"Bru, sorry," sabi ko. "May lakad ako."
"Aba, may ka-date," tukso niya.
"Yeah."
"Sino?"
Tinignan ko siya at pagkatapos ay ibinalik ko ang aking atensiyon sa pagte-text ng mensahe para kay DJ.
"Si DJ," sagot ko.
Hindi ko sinabi sa kanya na si DJ ay lalaki. Bahala na siya kung ano ang kanyang isipin. Sinabi ko na lang sa kanya na makikilala rin niya si DJ sooner or later.
"May Jeffrey ka. Si Ed, may Lyn. So it's time for me to have a love life of my own, 'di ba?" paliwanag ko kay Christine.
"Hay! I'm 'so happy for you, best friend," sabi niya ng may halong paglalambing at niyakap niya ako.
ISANG ARAW, dinala ako ni DJ sa kanilang bahay sa San Andres Bukid, Manila. Three-storey ang bahay nila na yari sa konkreto. Ayon kay DJ, resulta na ito ng maraming renovations mula nang itinayo ito ng kanyang ama noong 1970s. Nabili ito ng kanyang Daddy mula sa mga naipong komisyon sa pagbebenta ng lupa noong araw.
Ayon pa kay DJ, ang kanilang bahay ay may dalawang sala, dalawang dining rooms, dalawang kusina, limang kuwarto, tatlong banyo, at isang maids' quarters para sa dalawang maids na matagal nang naninilbihan sa kanila.
Nais ni DJ na makilala ko ang kanyang buong pamilya --- ang kanyang ama, madrasta, tatlo pang kapatid at mga pamangkin.
"Greg, ang kuya ko, si Kuya Ernie," pakilala sa akin ni DJ sa isang lalaki na nakabihis ng long sleeves at pantalon, mukhang may lakad sa kliyente. "Panganay namin, engineer."
Kinamayan ko kanyang kuya at bumati.
"Sige, Greg," ani Kuya Ernie, "maiwan ko muna kayo. Sana 'di traffic. Traffic ba sa highway, DJ?"
"Hindi naman, Kuya," ani DJ.
At umalis na ng bahay si Kuya Ernie.
Pagpasok namin ng bahay, may itinuro sa akin si DJ, isang babae na nag-aayos ng mga nagkalat na laruan ng mga bata sa sala.
"Iyan ang asawa ni Kuya, si Ate Liza. Mamaya na kita ipapakilala, mukhang busy, e. Negosyo niya ang pagluluto. Sa kanya ka na um-order ng pasta, pansit, lumpiang sariwa, cassava cake, embotido, ham... lahat na, huwag lang catering. Hindi pa niya kaya 'yon."
Napangiti naman ako sa sinabing iyon ni DJ. May dalawang batang lalaki at isang batang babae na lumapit sa amin.
"Tito DJ!" sigaw ng dalawang batang lalaki na sa wari ko ay may lima at tatlong taong gulang.
"To-eee-zhey," sabi naman ng batang babae na nag-aaral pa lamang magsalita.
"Mga pamangkin ko, sina Jonjon, Junix, at Janice. Mga anak nina Kuya Ernie at Ate Liza."
Tapos ay may narinig akong boses ng isang babae mula sa itaas pababa ng hagdanan.
"DJ, gagamitin mo ba ang sasakyan?" pasigaw niyang itinanong.
Isang seksi at magandang babae ang bumaba ng hagdanan. Inakala ko na siya ang ate ni DJ, pero napansin ko na wala siyang pagkakahawig kina DJ at Kuya Ernie.
"Hindi, Ate," sagot ni DJ. "Sige, gamitin n'yo lang. Gasolinahan n'yo, ha?"
Iniabot ni DJ ang susi ng sasakyan sa babae.
"Siya nga pala, Greg, siya si Ate Alice," ani DJ. "Sa advertising agency siya nagtatrabaho. Ate Alice, siya si Greg, scriptwriter sa TV, kaibigan ko."
"Hi! Nice meeting you," sabi ni Ate Alice. "Excuse me, ha? Nagmamadali kami. Presentation namin ngayong hapon, e."
Pumunta si Alice sa ibaba ng hagdanan at sumigaw. "Pog, bilisan mo! Baka ma-late tayo."
May bumaba na tomboy, naka-polo, bihis lalaki. Hindi ko agad napansin ang kanyang mukha.
"Ang susi?" tanong niya kay Ate Alice.
Iniabot ni Alice ang susi ng sasakyan at sabay na silang nagtungo sa pintuan.
"Ate, gasolinahan mo, ha?" paalala ni DJ.
"Oo ba," sagot ng tomboy. "Full tank ko pa para sa 'yo."
Napahinto sila sa may pintuan at lumingon sa amin.
"Brod, nasa 'yo ba 'yung DVD player?" tanong ni Pog kay DJ.
"Na kay Kuya," sagot naman ni DJ.
"Ate Liza," tawag ng tomboy habang patungo sa kusina.
Narinig ko na hiniram niya ang DVD player upang gamitin mamayang gabi. Nakatayo naman si Alice sa pintuan, naghihintay, hawak na ang doorknob. Tumingin siya sa akin.
"Ganyan talaga si Pog," sabi ni Alice. "May mga last minute interruptions..."
"Ikaw naman," ani DJ. "Hindi ka na nasanay. Magi-eight years na kayo nun, e."
"Brod, alis na kami," sabi ng tomboy. "Saka ko na lang kikilalanin ang kaibigan mo. Bye, guys!"
Umalis na silang dalawa. Sumunod naman ang tatlong bata sa kanila at narinig ko na humihingi sila ng pasalubong mula sa kanilang dalawa.
"Iyon ang ate ko, si Pog. Maria Elena ang buong pangalan pero Pog ang gusto niyang itawag sa kanya. Short for pogi, feeling pogi kasi," paliwanag ni DJ.
"Akala ko si Alice ang ate mo," sabi ko.
"Hindi, partner siya ng ate ko," sagot ni DJ. "Mas nauna pa nga silang nagka-relasyon kaysa kina Kuya Ernie at Ate Liza."
Speaking of Ate Liza, lumabas siya mula sa kusina.
"Ate Liza, siya si Greg," pakilala ni DJ.
"Hi, Greg," ani niya. "DJ, ang mga bata, nasaan?"
"Nasa labas, sumunod kina Pog," sagot ni DJ.
Lumabas sa pintuan si Ate Liza at tinawag ang mga bata upang pumasok ng bahay at maligo na.
May babae naman na lumabas ng silid. May karga siya na isang baby girl, wala pang isang taon marahil. Siya siguro ang bunsong kapatid nina DJ.
"DJ, pakihawak na muna si Trixie," sabi ng babae. "Punta lang ako ng CR. Ayaw niya kasing magpalapag sa kuna, e."
"Si Daddy?" tanong ni DJ.
"Wala, umalis. Pumunta ng bangko."
"Nimfa, siya si Greg, writer sa TV, kaibigan ko," pakilala ni DJ.
"Hi," bati ni Nimfa sa akin.
Iniwan ni Nimfa ang bata kay DJ.
"Ito naman si Trixie," ani DJ sa akin. "Nine months old, ang bunso namin."
Nagulat ako sa sinabi niyang iyon.
"E, si Nimfa?" tanong ko.
"Asawa ng Daddy ko."
Napansin niya siguro ang aking pagtataka kaya nagpaliwanag siya.
"Kaya nga dinala kita rito para makita mo muna bago ko i— explain sa 'yo," ani DJ.
Bata pa lang raw sila nang umalis at iwanan sila ng kanyang Mommy at pumunta ng States. Mula noon ay hindi na nila nakita ang ina hanggang sa namatay ito sa isang aksidente. Naalala pa ni DJ na pumunta pa ang kanyang ama sa States upang suyuin at hikayatin ang kanilang ina na bumalik rito pero nabigo ang kanyang Daddy. Mula noon ay single father na ang kanyang ama. Lumaking straight si Ernie, lesbian si Pog, at bading si DJ. Lahat sila ay nakapagtapos ng kolehiyo at nagkaroon ng magagandang trabaho. Hindi nga nila akalain na sa edad na singkuwenta y singko ay mag-aasawa pa ang kanilang ama. Si Nimfa ay dating sekretarya ng kanilang ama sa isang civil construction and realty development firm. Kahit ganoon ang pagkakaiba nila sa isa't isa, masaya aman ang kanilang pamilya.
"Halika, I'll show you around," sabi ni DJ sabay hila ng aking kamay.
Sumunod naman ako. Kahanga-hanga ang kanilang bahay. Si DJ pala ang gumawa ng interior design nito. Mula sa pinagmulan naming sala, ipinakita niya sa aking ang kusina. Ipinakilala rin niya ako sa dalawang katulong: sina Manang Belen at Teresita. Ayon kay DJ, bawat palapag ay may banyo. Ang kuwarto sa ibabang palapag ay sa kanyang Daddy at Nimfa.
Umakyat kami sa pangalawang palapag kung saan bumungad sa amin ang isa pang sala at kusina. Ang tatlong kuwarto dito ay kina Kuya Ernie at Ate Liza, sa mga bata, at kina Pog at Alice.
Ang kuwarto ni DJ ay nasa third floor kung saan may terrace. Maganda ang pagkaka-ayos ng silid ni DJ, Parang studio-type condo unit, wala nga lamang kusina.
"Nagustuhan mo ba?" tanong ni DJ.
"Maganda, tahimik dito sa lugar n'yo, parang condo," sabi ko habang pinagmamasdan ang buong paligid.
"You can move in here anytime," ani niya.
Nabigla ako sa kanyang sinabi. Iba na ang gusto niyang mangyari.
"Well, hindi ko naman ipinipilit sa iyo kung ayaw mo," sabi niya. "Gusto lang kitang tulungan sa problema mo,"
Actually, nagdadalawang isip ako sa nakita ko na apartment sa may Kamias. Medyo may kamahalan nga lang pero iyon na ang maganda-ganda sa lahat ng nakita ko.
"Nakakahiya naman sa 'yo," sabi ko.
"Wala iyon," ani DJ. "Isipin mo na makakatipid ka sa binabayaran mo na more than eight thousand monthly. Dito, we will be sharing expenses."
"DJ, malayo ito sa pinagtatrabahuan ko."
"May sasakyan ako, puwede kitang ihatid at sunduin kung kinakailangan."
Lahat na ng puwedeng idahilan ko ay nasabi ko na kay DJ.
Subalit lagi siyang may punto sa bawat dahilan ko. Salesman nga talaga.
"O sige, pag-iisipan ko."
AGAD AKONG NAHIGA sa kama pagdating ko sa aking apartment. Inisip ko ang alok ni DJ na tumira sa kanila. Naisip ko rin ang napili ko na apartment. Malapit na ang katapusan ng Marso at kailangan ko nang lumipat. Tinimbang ko ang pros and cons ng bawat isa.
Ano kaya ang sasabihin nina Mommy at Daddy, nina Christine, Ed, Jeffrey, at Itay, at ni Sheila, kapag nalaman nila na nagsasama na kami ni DJ?
Inisip ko ang aking sarili. Mahal ko si DJ. Masaya ako kapag kasama ko siya. Mas masaya pa kaysa kung kasama ko si Christine ngayon. Doon ko ito ikinumpara. Hindi kay Ed. Dahil pantasya ko lang si Ed mula pa noon. Ngayon ko lang nakilala si DJ ngunit pakiramdam ko ay natagpuan ko na ang isang long lost partner. Katulad siya ng isang piraso ng jigsaw puzzle na bumuo ng puso ko.
Narito na ako sa puntong kailangan ko nang magdesisyon para sa aking sarili. Buhay ko ito kaya ako rin ang dapat magpasya ng tatahakin ko. Hindi ang mga magulang ko. Hindi ang ibang tao. Halos sampung taon ko itinago ang aking damdamin dahil sa takot. Takot na mapagalitan ni Daddy. Takot na mapahiya. Takot na mawalan ng kaibigan. Sa matinding emosyon na nararamdaman ko na nais pumiglas, napaluha ako.
Biglang tumunog ang aking cellphone. Mula kay DJ ang tawag.
"Hello?"
"Hi! Kumusta ka na?" tanong niya sa kabilang linya.
"Kararating ko lang," sagot ko. "Napatawag ka..."
"Wala lang," ani niya. "Invite sana kita mamayang gabi."
Imbitado si DJ sa isang concert at binigyan siya ng dalawang complimentary tickets. Pumayag naman ako at nagkasundo kami na susunduin niya ako sa apartment bandang alas siyete ng gabi.
NASOBRAHAN NAMAN YATA ang aga ng pagdating ni DJ. Katatapos ko lamang maligo nang marinig ko ang katok sa pintuan. Binuksan ko ito at pinapasok ko siya at pinaupo sa sofa.
"Kanina pa ako kumakatok," sabi ni DJ. "Akala ko walang tao."
"Naliligo ako. Hindi kita narinig," sabi ko naman.
Nakatapis lang ako ng tuwalya sa aking baywang noong mga sandaling iyon. Kaya dumiretso ako sa aking kabinet upang kumuha ng maisusuot. Pinakikiramdaman ko si DJ. Ngunit tahimik ang buong paligid. Musika na nagmumula sa aking radyo lamang ang aking naririnig.
Naramdaman ko na nasa tabi ko na pala si DJ. Lumingon ako sa kanya at nagkatitigan kami. Ngayon lang kami nagkalapit ng ganito. Ang aming mga mata ay nagpapahiwatig na ng kakaibang pagnanasa. Naramdaman ko ang kanyang mga kamay sa aking katawan. At unti-unti naming hinayaan ang aming mga sarili na sumunod sa agos ng natatagong damdamin. Hindi maipaliwanag ng salita lamang ang mga sumunod na sandali. Ni wala ngang magandang pangalan ang ganitong klase ng pag-iibigan. Normal ba o abnormal? Moral ba o imoral? Tama ba o mali? Hindi ko na alam. Ang alam ko lang, masaya ako at nakalaya na ako.