4
NO REGRETS sa aking paglipat kina DJ. Tinanggap naman ako ng kanyang pamilya. Daddy na rin ang tawak ko sa Daddy niya; Kuya na rin sa Kuya Ernie niya; at Ate na rin sa mga ate niya. Tito Greg naman ang tawag sa akin ng tatlong bata.
Ang mga bayarin tulad ng kuryente, tubig, telepono at internet, at cable TV ay palaging hinahati sa apat. Kaya hati kami ni DJ sa kanyang share sa mga obligasyon. Kanya-kanya naman ang apat na mag-partners pagdating sa pamamalengke, sa paggo-grocery, at sa pagluluto dahil iba't-ibang oras naman ang gising at gustong kainin ng bawat mag-partner. Magkaganoon man, sama-sama naman kami tuwing Linggo.
Nakakatuwa ang pamilyang Domingo dahil hilig nila ang mag— food trip. Tuwing Linggo, lalo na kung may bagong bukas na restaurant, sinasadya ng buong pamilya, kasama na ang dalawang kasambahay, na pumunta at kumain doon. Bilib ako dahil hindi sila tumataba.
Touched naman ako nang magpasadya si DJ ng study and computer table para sa akin. Inilagay niya ito sa tabi ng kanyang drafting table. Kaya kapag ako ay nagsusulat ng script, nasa tabi ko siya, nagdo-drawing.
"TO-WEG, SHING," narinig ko na sinabi ni Janice.
"Tito Greg, gising na," narinig ko naman si Jonjon. "Hindi na gabi, o."
Madaling araw na kasi kami natapos sa brainstorming session sa SPLKK at inaantok talaga ako kahit alas siyete y medya na ng umaga.
"Hoy! Huwag n'yong gisingin si Tito Greg. Puyat 'yan," narinig ko na sinabi ni DJ sa mga bata. "Come on, out!"
Pinalabas ni DJ ang mga makukulit na bata. Gusto kasi nila na maglaro ng games sa PC ni DJ. Pero sinabi ng aking mahal na aalis siya at hintayin na lang nila ako na magising. Kaya nila ako gustong gisingin. Naramdaman ko na umupo sa tabi ng kama si DJ at may ibinulong sa akin.
"Mahal, alis na ako," ani niya. "Text mo ako kapag bumangon ka na, ha?"
"Hmm," sagot ko, inaantok pa. "Pabango ko 'yan, a."
"Type kong gamitin ngayon, e. Saan mo ba nabili ito?"
"Pakisabi kay Manang Belen, gisingin ako ng twelve."
"Sure. Ano'ng gusto mong ipaluto ko?"
"Daing na bangus."
"Sige. Bye, Mahal."
"Bye. Ingat."
Naramdaman ko ang kanyang halik sa aking pisngi. Masarap ang tulog ko pagkatapos noon.
ISANG GABI, nasa terrace kami ni DJ. Nakaupo kami sa garden set, naninigarilyo, umiinom ng beer, pizza ang pulutan. Ilang oras kami nagkukuwentuhan hanggang sa makarating kami sa topic na ito: "So you had sex with a woman?" tanong ni DJ sa akin.
"Oo," sagot ko. "Sa isang babae lang, si Sheila."
Ikinuwento ko sa kanya ang unang karanasan ko kay Sheila noong high school pa kami. Pareho kaming inosente noon at walang kaalam-alam. Ngunit dahil sa kasabikang matutunan ito, nagawa naming pumuslit sa aming JS prom. Pati ang nangyari sa aming dalawa ni Sheila noong fourth year college ay naikuwento ko. Wala akong itinagong detalye sa kanya.
"And how about with a guy?" tanong niya uli.
"Ikaw lang," sagot ko.
"How touching," sabi niya.
"Totoo," sabi ko naman sabay krus sa aking dibdib. "I am what you may call celibate, or just being choosy. I chose you."
Hindi ko maisawang magsalita ng Ingles. Nahawa na yata ako kay DJ sa pagiging Inglesero. Patuloy pa rin kami sa aming kuwentuhan tungkol sa sex at relationships. Kaya hindi maiwasan na tanungin niya ang tunkol kay Christine.
"She's my best friend. Parang kapatid ko na siya," sagot ko.
"But you said you liked her," sabi ni DJ.
Inamin ko sa kanya ang naramdaman ko kay Christine noon at ang mga nararamdaman ko ngayon sa kanila ni Ed. Ipinaliwanag ko rin na parang paghanga lang ang nadarama ko kay Ed dahil alam ko na hindi naman niya ako seseryosohin. Kaya siguro wala akong ka-relasyon noon ay dahil hinahanap ko ang taong seseryoso sa akin. Ang taaong tatanggap sa akin at gagalang sa akin kahit ano pa ako ngayon. Ngunit sa pag-uusap namin na iyon ni DJ, nahalata ko na may nadarama siyang pagseselos kay Christine. Mabuti at hindi ko pa sila naipapakilala sa isa't-isa.
NABANGGIT KO kay Christine na nakalipat na ako ng apartment sa San Andres Bukid. Subalit hindi ko sinabi ang tungkol sa pagsasama namin ni DJ. Ni hindi ko na binabanggit ang pangalan ni DJ kay Christine.
"Ang layo naman ng tinitirahan mo," sabi niya.
"Bruha, sa lahat ng nakita ko na maaaring paglipatan, ito ang pinakamaganda at mura pa."
Etchos!
INIMBITAHAN AKO ni Christine sa kanyang birthday celebration sa Moncada. April 16 ang birthday niya pero dahil Lunes 'yon, April 15 niya ito isinelebrate. Nagpaalam ako kay DJ na pupunta.
"Pumayag ka na," sabi ko kay DJ. "Overnight lang 'yon. Alis kami dito ng Saturday morning, uuwi kami ng Sunday afternoon."
"Huwag ka nang pumunta," ani DJ. "Magdahilan ka na lang."
"Mahal, Christine is my best friend," paliwanag ko. "Gusto niya na naroon ako."
"Alam ko, but can you just tell her na 'Sorry, I can't kasi may lakad kami ni DJ'?"
May outing cum awarding kasi ang mga sales and marketing staff ng Network & Links Realty and Developers kung saan affiliated si DJ bilang in-house architect and designer. Gaganapin ang outing sa isang resort sa Nasugbu, Batangas at gusto ni DJ na sumama ako.
"Matagal ko nang sinabi sa 'yo ito, remember?" sabi ko.
Dahil pareho kaming makulit noong araw na iyon, ang sama ng kinahantungan ng aming usapan. Nauwi ito sa isang lover's quarrel. Ang kauna-unahang away naming mag-partner.
KAYA MALUNGKOT AKO na pumunta ng Moncada kasama si Christine. Pero dahil birthday niya, pinilit ko na maging masaya.
"Pasensiya ka na sa regalo ko, ha?" narinig ko na sinabi ni Ed kay Christine sabay abot ng kanyang regalo.
Binuksan ni Christine ang regalo. Nagulat kaming dalawa nang makita namin ang isang set ng Lord of the Rings trilogy ni J. R. Tolkien. Hardbound copy ang tatlong itim na libro na nakalagay sa itim na bookcase. Nakita namin ni Christine itong collector's edition na ito sa Glorietta at nagkakahalaga ng mahigit sa isang libong piso.
"Wow! Kuya, thank you," sabi ni Christine. "Balak ko pa naman bumili nito sa Glorietta. Mahal nito, a. Ang bait talaga ng kuya ko."
Hinalikan ni Christine si Ed.
"Sana ako rin," sabi ko na may halong inggit, "bigyan ni Ed ng book."
Masama ang tingin sa akin ni Ed. Katabi niya kasi si Lyn nang sabihin ko iyon.
"Pero Lyn," sabi ko, "huwag kang mag-alala sa akin. Harmless akong karibal."
Natawa si Lyn at lumingon siya kay Ed.
"Okay lang, Greg," ani niya. "Kilala ko si Ed. "
"Wow, ang sweet naman," sabi ko. "Jeffrey, bakit kayo ni Christine hindi kasing sweet nina Ed at Lyn?"
"Tumigil ka diyan," sabi ni Jeffrey, "huwag ka nang magkumpara."
"Correct!" ani Christine. "At wala kang alam tungkol sa sweetness namin, o nila, dahil wala ka namang ka-sweet."
"Ouch! Itay, help me! Pinagtutulungan ako ng mga anak mo."
Nagtawanan silang lahat. Pero sa totoo lang, masakit para sa akin ang magpanggap na masaya.
TINIGNAN KO ang aking cellphone kung nag-text na sa akin si DJ. Hapon na at wala pa rin siyang text. Mukhang tinitiis niya ako. Nagte-text ako sa kanya nang marinig ko si Christine na nagsalita sa aking tabi.
"Greg, biro ko lang 'yong sinabi ko sa iyo kanina, ha?"
Tumango lang ako.
"O, bakit malungkot ka?" tanong niya. "Ka-text mo ba si DJ?"
Hindi ako kumibo.
"Ako ay naiintriga na kay DJ, ha?" ani niya. "Babae ba siya o lalaki?"
Nagulat ako sa tanong niyang iyon. Hindi pa rin ako makasagot. Mabuti na lamang at ipinagpatuloy niya ang pagsasalita.
"Ah, siguro babae 'yon. Kaya siguro ayaw mo pang ipakilala sa akin kasi baka ma-okray ko, ano?"
Napangiti ako sa kanyang sinabi.
"Kasi, Greg, hindi ko ma-imagine na seryoso kang papatol ka sa isang lalaki. 'Yung kay Ed, biru-biruan lang natin 'yon, 'di ba?"
"O, sige nga, what if pumatol ako sa isang guy?" tanong ko.
"Kung sa ibang bakla, matatanggap ko pa na pumapatol sila sa lalaki. Pero, kung ikaw? Yuck, Greg... I really can't imagine."
BUONG BIYAHE mula Moncada hanggang Manila ay inisip ko ang sinabi ni Christine. Ano kaya ang magiging reaksiyon niya kapag nalaman niya na si DJ ay lalaki at nagsasama na kami hindi lang sa iisang bubong, kundi pati na rin sa iisang kama? Parang ayaw ko na sumapit ang araw na iyon. Baka hindi ko matanggap ang sasabihin niya sa akin.
WALA PA SI DJ nang dumating ako sa bahay. Nagpaluto na ako ng hapunan kay Manang Belen. Pagsapit ng alas otso ng gabi, wala pa rin si DJ, kaya naghapunan na lang akong mag-isa. Pasado alas nuwebe ng gabi nang dumating si DJ. Tahimik lang ako na nanonood ng lumang pelikula sa HBO, nakaupo sa sahig, nakasandal sa kama. Hindi kami nagkikibuan.
Makalipas ng isang oras, naligo na si DJ at handa nang matulog.
"Kumusta 'yung birthday party?" tanong niya sa akin.
"Okay lang, masaya," sagot ko.
"Hindi ka pa ba matutulog?"
"Mauna ka na. Hindi pa ako inaantok. Tatapusin ko na lang itong pinapanood ko."
Dumapa si DJ sa kama, ang ulo niya ay nasa aking kanan.
"Galit ka pa rin ba?" tanong niya uli.
Hindi ako kumibo. Nakatitig lang ako sa TV.
"Natanggap ko ang mga text messages mo," ani niya. "Pero pabalik na kami ng Manila nang pumasok sa cellphone ko."
Tumango lamang ako.
"Wala rin kasing signal doon sa beach," patuloy pa niya. "Kaya hindi rin ako makapag-text."
Tumango uli ako. Nakatitig pa rin sa TV.
"Magsalita ka naman," ani DJ. "Alam mo, nakakatakot 'yang silence mo. It's so unnerving."
Naging emotional na si DJ kaya lumingon ako sa kanya.
"Mahal, I'm sorry..." naiiyak na sinabi ni DJ.
Tumango ako at nagwika: "I miss you."
Magiliw akong niyakap ni DJ.
"Halika na, matulog na tayo," ani niya.
"Tatapusin ko lang ito..."
"Halika na, matulog na tayo..."
"Tatapusin ko nga lang ito, e."
"Tayo na..."
Ayan na naman, nagsimula na naman kaming magkulitan.
ANG MGA ARAW ay naging linggo. At ang mga linggo ay naging buwan. So far, so good ang aming samahan ni DJ.
Isang araw, habang nagsisipilyo sa banyo, narinig ko na pumasok sa silid sina DJ at Manang Belen na waring may hinahanap.
"Ano'ng kulay ba 'yon?" narinig ko na tanong ni Manang Belen.
"Light brown na may stripes," sagot naman ni DJ.
"Ay, sa iyo ba 'yon?" ani Manang Belen. "Akala ko kay Greg kaya inilagay ko sa cabinet niya."
No wonder kung nagkakapalit kami ng polo at pantalon ni DJ.
MINSAN NAMAN, pagbaba ko sa sala, binati ako ni Ate Pog.
"May concert ba kayo ni DJ?" ani niya,
"Bakit?" tanong ko naman.
"Tignan mo nga ang suot n'yo."
Nauna kasi si DJ na bumaba sa akin at hindi ko nakita ang suot niya noong umagang iyon. Kaya nang bumalik si DJ sa sala, pareho pa kaming nagulat dahil magkapareha kami ng suot na polo at kulay ng pantalon.
ISANG ARAW, ako ang nakasagot ng telepono.
"Hello, DJ?" narinig ko sa kabilang linya ang boses ng kaibigan naming si Vince.
"Vince, si Greg ito," sagot ko naman.
"Come on, pare, huwag ka nang magtago sa amin," ani Vince.
"Tuloy ang birthday party ni Joey. Punta kayong dalawa ni Greg, ha?"
"Si Greg nga ito, e."
Magkaboses na nga ba kami ni DJ sa telepono?
NA-REVIVE ANG TALENT KO sa pagpipinta dahil kay DJ.
At nang may naka-frame na ako na obra maestra sa sala:
"Ang ganda naman ng painting mo, DJ," sabi ng aming bisita.
"Si Greg ang may gawa niyan, hindi ako," ani DJ.
"Ows? Talaga?"
O 'di ba, bongga?
GANOON NA NGA kaming dalawa. Wala ka kaming pagkakakilanlan dahil hindi na kami dalawa kundi iisa.