7
NAGANAP ANG CHRISTMAS Party ng SPLKK sa condo unit ni Direk George. Masaya ang lahat nang makita nila akong dumating.
"Greg! Kumusta?"
"Tumataba ka yata, ha? Hiyang sa advertising?"
"Merry Christmas, Greg!"
"Kain na, Greg."
"Psst, ang regalo ko?"
Nakita ko si Christine at sinadya ko na lumapit sa kanya.
"Hi, Christine. Merry Christmas," bati ko sa kanya sabay abot ng aking regalo. "For you."
"Merry Christmas," ani Christine. "Thank you."
Sandaling katahimikan.
"Kumusta na?"
Sabay pa kaming dalawa. Pareho tuloy kaming nagtawanan.
Dinala ko siya sa isang sulok upang doon kami magkausap ng sarilinan.
"Uuwi nga pala ako sa 22, kasama si DJ," sabi ko.
"Talaga? Alam na ng Daddy mo?" tanong niya.
Tumango ako at ikinuwento ang mga nangyari.
"Ano? Sina Sheila at DJ, magkasundo?"
"Oo. Para ngang sila pa yata ang magkaklase noong high school, e."
Patuloy pa rin ako sa pagkukuwento tungkol sa akin hanggang sa naitanong ko, "Ikaw, kumusta na kayo ni Jeffrey?"
"Mabuti naman," ani Christine. "Mas lalong tumibay ang pagsasama namin matapos noong nag-away kami tungkol sa doktora."
Nakakapanibago. Parang ngayon ko lang siya nakilala. Siguro dahil sa ang laki ng nabuwag sa sampung taon na pagkakaibigan.
"Christine, I'm very sorry sa nangyari," sabi ko. "Please forgive me."
Hindi siya kumibo.
"Always remember na ikaw pa rin ang itinuturing kong best friend, mas higit pa kay Sheila," sabi ko.
Hindi pa rin nakakibo si Christine.
"Alam mo, kapag nag-aaway kami ni DJ, wala akong mapaghingaan ng sama ng loob. Kasi wala ka na, e," patuloy ko.
"Kaya lumalabas na lang ako na mag-isa, gumagalang mag-isa sa mall, sa bookstore, nagche-check-in sa hotel..."
"Ikaw lang ba?" sabat ni Christine. "Ako rin naman, a. Wala na akong kasama tuwing umuuwi ako ng Moncada. Wala na akong kakampi kapag tinutukso ako nina Ed at Jeffrey. Wala nang tumatawag sa akin ng 'bruha' kasi wala na 'yung tinatawag kong 'bakla'."
Pareho kaming nanahimik.
"Ako nga dapat ang magso-sorry sa 'yo, e," patuloy pa niya.
"Kasi ang sasama ng mga sinabi ko sa 'yo noon."
"Huwag ka nang umiyak," sabi ko sabay abot ng aking panyo.
"Naiintindihan naman kita, e."
"Ang kaso, nagi-guilty ako. Kasi best friend kita, kakambal ko.
Sinaktan ko ang damdamin mo, e."
Niyakap ko si Christine.
"I'm sorry, Greg," ani niya, humahagulgol.
Hindi ko na rin napigilang lumuha. Ang tagal rin naming nanatiling magkayakap.
"Ay, nagkabati na rin sila sa wakas!" narinig ko na sumigaw si Direk George.
Nagpalakpakan pa ang lahat.
"SO, CHRISTINE, when are you getting married?" tanong ni DJ nang minsang nag-double date kami.
Lumingon sa akin si Jeffrey. "Imbestigador ba ang partner mo?" tanong niya sa akin.
"Si DJ, mausisa at makulit," sagot ko.
So far, okay na ang lahat sa amin ni Christine at DJ. At least, wala na akong iba pang pangamba pag-uwi ko sa Zamboanga.
"TAMANG-TAMA, lunch is ready," sabi ni Mommy nang dumating kami ni DJ sa bahay. "Gutom na siguro kayong dalawa."
"Ma, ang Daddy?" tanong ko.
"Nariyan," sagot ni Mommy. "Don't worry, anak. Nag-usap na kami ng Daddy mo."
Tahimik kaming lahat habang nanananghalian. 'Ika nga ni DJ sa akin noon, the silence was unnerving.
"Greg, gusto kitang makausap after lunch," sabi ni Daddy. "Sa study room. Ma, kaming dalawa na muna ng anak mo."
"O sige, payag akong kayong dalawa lang. Pero ang usapan natin..." ani Mommy.
"Yes, Ma," sagot ni Daddy.
MAGKAHARAP ANG AMING UPUAN sa study room ni Daddy. Pareho kaming tahimik. Hindi ko alam kung sino sa aming dalawa ang mauunang magsasalita.
"Hindi ko na tatanungin pa kung kailan pa ito nagsimula o kung paano ito nangyari," simula ni Daddy. "Matatanggap ko rin naman 'yon, e."
"I'm sorry, Dad," sabi ko. "I'm really sorry."
"Hindi ko lang nagustuhan 'yung nadatnan ko," ani niya.
"I"m sorry, Dad. Hindi ko naman ine-expect na papasok kayo ng kuwarto ko."
"Sabi kasi ng Mommy mo na nagsisigawan kayo at nag-aaway ni DJ sa kuwarto, kaya I checked it out."
Nakatungo lang ako. Hindi na nakapagsalita.
"Matagal ko nang suspetsa 'yon," sabi ni Daddy. "Noon, pinagpi-PMA kita, ayaw mo. Ayaw mo rin ng law at ng medicine.
Gusto mo, mass communications kasi gusto mong magtrabaho sa TV o sa pelikula. Hindi kita pinigilan."
Hindi pa rin ako kumibo.
"Nagtrabaho ka sa TV, at ngayon sa advertising, kung saan common ang homosexuality, wala pa rin akong tutol. Bakit hindi mo masabi sa amin ng Mommy mo?"
"Natatakot po kasi ako sa inyo," sagot ko. "Baka kasi magalit kayo sa akin."
"Sa tingin mo, ano ang mapapala ko kung magalit man ako sa iyo? Magkaka-high blood lang ako, sasama ang loob mo sa akin, and worse, magagalit sa akin ang Mommy mo. Ang hirap pa namang suyuin ang Mommy mo kapag nagalit."
Napangiti ako sa kanyang sinabi. Naalala ko noon na sinabi niya na ang Commander in-Chief ang mas mataas kaysa sa mga heneral. At itinuturing niyang Commander in-Chief ang Mommy.
Hindi naman sa under the saya, kundi mahal ni Daddy ang aking ina at ayaw niyang magagalit ito.
"Tatatlo na nga lang tayo sa pamilya, magkakagalit pa ba naman tayo?"
Ngumiti ako kay Daddy.
"Anak pa rin kita," ani niya. ""Yun nga lang, 'di ako magkaka-apo sa iyo."
NAKAHINGA AKO NG MALUWAG ngayong Pasko. Okay na kami ni Christine. Okay na rin kami ni Daddy.
"Merry Christmas!" sigaw namin ni DJ nang sumapit ang hatinggabi. Nagbigayan kami ng mga regalo sa isa't-isa at pagkatapos ay nag-Noche Buena. Kasarapan ng aming kuwentuhan sa mesa nang magring ang telepono. Overseas call mula kay Sheila. Kinumusta niya ang lahat, pati na rin si DJ.
"Hello, darling. How are you?" bati ni DJ sa telepono. "Merry Christmas, my dear."
Believe it or not, mas matagal pa ang usapan nila ni Sheila kaysa sa aming tatlo combined.
LUMIPAS ANG NEW YEAR. Lumipas ang Valentine's Day.
April 1 na. Isang taon na ang nakaraan ang ako ay lumipat kina DJ.
"Thank God, we survived one year," sabi ni DJ habang itino-toast ang isang bote ng beer sa akin.
"Hindi ako makapaniwala," sabi ko, "biro mo, one year na tayo."
MAY 25. Imbitado kami ni DJ sa kasal ni Ed sa Moncada.
Hindi si Lyn ang kanyang pinakasalan kundi ang younger sister nito na si Gie, who happens to be his secretary. Kami ni Christine ang veil sponsors. Obviously, best man si Jeffrey at flower girl si Tina.
"Congrats," bati ko kina Ed at Gie sa reception.
"Akala ko ba kasama mo si DJ?" tanong ni Ed. "Ba't wala siya rito?"
"May pinuntahan lang sa Angeles," sabi ko. "Darating rin 'yon."
"Ayaw mo yata ipakilala sa 'kin, e," biro ni Ed. "Mas guwapo ba sa akin?"
"Oo naman, 'di hamak," sabi ko. "Gie, biro ko lang kay Ed 'yon, ha?"
Makalipas ng ilang minuto, habang abala ang mga bisita sa mga pagkaing inihanda, nakita ko na dumating si DJ. Hinahanap niya ako, pabaling-baling ng tingin. Hindi naman niya ako makita sa dami ng tao kahit kumaway ako sa kanya.
"Mahal, I'm here!" tawag ko kay DJ.
Narinig ako ni DJ kaya bumaling siya ng tingin sa aking kinaroroonan. Lumapit naman ako para salubungin siya. Teka, tumahimik yata. Kaya lumingon ako sa aking paligid. Oh, my God!
Nakatinging pala ang lahat ng tao sa aming dalawa! O 'di ba, agaw eksena!