NAGBABASA KAMI ni Greg ng diyaryo habang naghihintay na mag-umpisa ang brainstorming. Binabasa ni Greg ang horoscope.
Ako naman ay nagbabasa ng balita.
"Chris, ito ang horoscope mo today, makinig ka," sabi niya. "Zodiac sign: Aries - makakatanggap ka ng liham o tawag na makakapagpabago ng iyong buhay. O, bongga, 'di ba?"
"Sus, magpapaniwala ka naman diyan," sabi ko.
"'Di ba may Papa Jonathan ka na?" tanong niya.
"Hindi ko siya papa, ano?"
Tumunog ang aking cellphone. Nag-aagawan pa kami ni Greg kung sino ang unang magbabasa ng text.
"Akin na," sabi ko.
Para kaming mga bata na nag-aagawan ng laruan. Mabilis ang kamay ni Greg kaya siya ang unang nakabasa ng mensahe.
"Ay, type ko ang sense of humor n'ya," sabi ni Greg.
Iniabot niya sa akin ang aking cellphone. Binasa ko ang text na mula kay Jonathan:
"Gustò mò téxt
kitä BED SCENE?
Médyò BäBöy
ngä lang"
"Säbi sáyö!"
Natawa rin ako. Sinagot ko naman ang graphic text message.
"Akala ko grin joke. =)" sabi ko.
"D kta bbgyan ng grin joke. Sbi ni Ed, dsente k n writer. My paggalang ako s u. ;o)" sagot ni Jonathan.
Flattered naman ako. Ano kaya ang sinabi ng aking kapatid sa kanya? Lalo naman akong na-intriga sa Jonathan na ito. Pinabasa ko kay Greg ang text. Nag-react siya sa pamamagitan ng paggalaw ng kanyang bibig na waring nagsasabing, "Ows?"
LATE NANG NAGSIMULA ang aming brainstorming. Mga pasado alas-tres na siguro 'yon. Paminsan-minsan ay humihikab na ako habang nakikinig sa mga usapan. Napuyat kasi ako sa kare-revise ng script na isinumite ko kahapon. Marami kasing mungkahi sina Direk MAN, Direk George, at Lanie sa aking unang draft. Maaga pa kaming pumunta ni Greg sa psychiatrist para sa isang interview. Nag-type pa ako ng report tungkol sa ginawang interview na 'yon pagdating ko sa opisina. Mabuti na lang at nag-order si Lanie ng pagkain, softdrinks, at kape upang mawala ang aming antok.
"Christine, i-revise mo itong dialogue ni Michelle. Hindi siya pupuwedeng heavy drama," sabi ni Direk George habang binabasa ang script.
Si Michelle Parker-Jones ay isang bagong artista. Maganda at matangkad, na-discover siya sa isang TV commercial ng toothpaste. Siya ay isang Fil-Am at ngayon lang nakarating sa Pilipinas kaya bulol pa rin magsalita ng Tagalog. May talent naman siya sa pagkanta at pagsayaw kaya ginawa siyang mainstay sa isang noontime variety show.
"Why? What happened?" tanong ni Direk MAN.
"My God, Direk! Hindi siya marunong umarte! Hindi ko alam kung ano pa ang gagawin kong motivation," reklamo ng baklang direktor.
Naging kilalang scriptwriter si Direk George at paminsan-minsan ay aktor sa teatro bago ito nagsimulang maging direktor sa telebisyon. Ngayon ko lang lang siya nakasama sa trabaho at masasabi kong mabait siya at palabiro. Katulad ng mga ibang bading sa industriya, prangka siyang magsalita pero alam mong hindi ka— plastikan.
"Minsan," dugtong pa ni Direk George, "I was instructing her kung ano ang gagawin. It took me more than 30 minutes to explain everything. Blank ang mukha niya, parang lutang. Mabuti na lang at magagaling na artista ang mga bida natin, kaya nahihila siya."
"I agree," sabi ni Direk MAN. "Palitan na kaya natin siya.
She's making things difficult for us. Baka mawala lang ang ating momentum."
"Paano na po 'yung character niyang Therese at 'yung istorya ni Stella?" tanong ni Greg. "Are we going to kill her kaagad?"
Si Michelle kasi ang ginawang ka-love triangle para sa main character naming si Stella. Sabi ng management ay bigyan siya ng break sa teleseryeng ito upang sumikat. Kahit may sariling fans na si Michelle, marami na kaming natatanggap na reklamo sa ibang mga manonood. Napansin rin namin ito noon pa.
"Let's see," sabi ni Direk MAN. "Any suggestions?"
"How about a graceful exit? Palabasin natin siyang obsessive-compulsive or manic-depressive," suggest ko upang may masabi lang at para hindi antukin.
"Paano?" tanong ni Lanie. "Ipapasok sa mental? Gasgas na 'yan."
"Hindi 'yon. Establish natin ang backstory ni Therese ngayon nang sa gayon ay maunawaan ng mga tao kung bakit siya ganoong ka-obsessed sa paghihiganti kay Stella," paliwanag ko.
"Okay," sabi ni Direk George. "Puwede 'yon. From there, we can decide kung papasok sa mental o hindi. Ilatag na natin ang possibilities."
"Sige. Christine, isulat mo sa whiteboard ang mga plot points. Go!" sabi naman ni Direk MAN.
SA GITNA NG MGA PAGTATALO sa kung ano'ng gagawin namin sa istorya, tumunog ang aking cellphone. Nakatanggap na naman ako ng text mula kay Jonathan.
"ä pesö S éásy 2
earn, a friend S
härd 2 find. a
pesö losés 8s
value; a friend
increases 8s
worth, i lose ä
peso wen i txt u,
but 8s OK coz I
göt u. =)"
Nawala ang antok ko nang sunud-sunod na ang mga text ni Jonathan. Karamihan ay mga biro at food for thought. Nilagay ko na nga sa silent mode ang aking cellphone upang hindi makaabala sa brainstorming. Napa-practice ko tuloy ang aking mga daliri sa pagte-text. Nakakatuwa si Jonathan, palabiro rin pala tulad ni Kuya Ed.
Napansin ni Greg ang aking pakikipag-text. Paminsan-minsan ay binabasa niya ang mga messages ni Jonathan at kinukurot ang aking tagiliran waring kinikilig. Hindi pa nakuntento, nag-text pa sya sa akin.
"Kitam, kapatid, tama ang horoscope mo 2day. =)" sabi ni Greg.