TANGHALI NA AKO NAGISING. Alas-dos na ng madaling araw kami natapos sa brainstorming. At ako pa ang naatasang magsulat ng Week 15 ng aming teleserye.
Nakita ko ang aking cellphone na may tatlong text messages para sa akin. Lahat galing kay Jonathan. Binasa ko ang mga ito:
Pinadala niya ito mga alas-onse kagabi. Pero hindi ko na nabasa ito dahil hindi ko na naisip na nakasilent mode nga pala ang aking cellphone kahapon. Isa pa, sobrang dami ang iniisip ko matapos ang nakakasakit ng ulo na brainstorming session. Nalaman niya siguro kay Ed na madalas akong magpuyat kaya ganoon ang text niya sa akin.
Ang sumunod ay kagabi rin niya ipinadala:
+,',/".,,-"-.,;S.'.,/
+ (é ,/,",".
"+). __;(|',)'
"+,'.,(é,..',"=".,;=.
HAVE A RESTFUL
NIGHT, MY
CHILD. GOOD
NIGHT!
Wow, ang ganda naman ng graphics. Ginawa niya kaya ito? Baka hindi, forwarded lang siguro. Ang pangatlong mensahe ay kaninang umaga lang niya ipinadala.
Here's someone
2 greet u GOOD
MORNING!
it's me!
KARATE KID.
Nagulat pa nga ako nang biglang tumunog ang aking cellphone. Mula pa rin kay Jonathan ang pumasok na text.
"wen things go
wrng...
wen sadness fils
ur heart...
wen tears fal
frm ur eyes..
alwys remmbr 3
things:
1. 50/50
2. Cal A Frénd
3. Ask D
ODYéNS...Ok?"
Masipag mag-text itong si Jonathan. Kaya sinagot ko na lang ang kanyang mensahe sa iisang text upang sabihing natanggap ko lahat ang kanyang ipinadala.
"Kgigicng ko lng. Umga n kmi ntpos s brainstorming. Thx s msgs mo. =)"
"Gnon b? Kumain k n b?" tanong ni Jonathan.
"D p nga e," sagot ko.
"Wag kng mgpplipas ng gu2m ha? Cge, kumain k n. Ingat! (",)"
Wow, naman. May concern ang dating. Siguro, bolero ito sa personal. Sa bagay, matagal na akong walang boyfriend na nagtatanong kung kumusta na ako, kung kumain na ba ako, 'yung may nagsasabi ng "ingat" at "I love you". Matagal na kasi kaming break ni Jun (J din?).
Nakilala ko siya noong ako ay nagsisimula pa lamang sa TV. Tatlong taon ang tanda niya sa akin. Siya noon ay isang production assistant sa newsroom. Naging magkasintahan kami ng tatlong taon. Kaya lang kami nagkahiwalay ay dahil sa aming trabaho. Pareho kasi kaming naging abala nang maging production manager na siya ng news program na pangalas sais at ako naman ay contributing writer ng mga pang-araw-araw na teleserye. Friends pa rin naman kami hanggang ngayon.
May nauna pa kay Jun, si Jeffrey (J na naman!). Kabarkada siya ni Kuya Ed mula elementarya. Siya ang first love ko. Sabihin na nating childhood sweetheart. Pero mas naging seryoso kami sa aming relasyon nang ako ay magkolehiyo. Business management ang kurso niya at dito rin sa Maynila nag-aral. Nagkahiwalay lang kami nang malaman ko na nakabuntis siya ng isang babae na nagkakagusto sa kanya. Ga-graduate na ako noon. Sinabi ni Jeffrey sa akin na tinukso lang siya ni Ces. Sa matinding galit ko, nakipag-break ako sa kanya. Mula noon ay hindi ko na siya pinapansin kahit lagi niyang pinupuntahan si Ed sa bahay.
Bumalik sa isipan ko si Jonathan. Ano kaya kung niligawan niya ako sa text? Puwede kaya 'yon?
Timing naman na nag-text si Greg. "Brȕ, näg-téxt n b äng fäfä?"
Alam ko na si Jonathan ang kanyang tinutukoy.
"Oo. Bkit, inggit ka?" sagot ko.
"Wla lng. Interesado lng ako ky Jonathan. Nkkin3ga," sabi niya.
"Bkla, kumain k n b? Kain tyo..."
"D p. Libre mo ko?" tanong ni Greg.
Malapit lang ang apartment ni Greg sa boarding house na aking tinutuluyan. Kaya nagkita kami sa isang fastfood outlet at doon nag-almusal.
HABANG KUMAKAIN NG BRUNCH, may natanggap muli akong text galing kay Jonathan:
"4 reasons Y i
keep on txtng u:
1. u made me
feel welcome;
2. u make me
laugh most of D
time; 3. u
aprec8 my
thoughts; 4. u
spend time
reading my msgs."
Nabasa rin ni Greg ang text message.
"Wow, ang cute naman ng message niya. May ipinahihiwatig," sabi ni Greg.
Nagsimula na naman si Greg sa panunukso. Alam niya kasi ang buong istorya ko sa buhay kaya ganoon na lang siya ka-interesado sa Jonathan na laging nakikipag-text sa akin.
"Gusto lang makipagkaibigan nung tao," paliwanag ko.
"Hmm, baka gustong manligaw," sabi ni Greg na parang nanunukso.
"Hindi naman siguro."
"Wanna bet, sister?"
Mukhang may punto si Greg. Bakit nga naman magpapadala ng ganoong mensahe si Jonathan kung wala siyang gustong ipahiwatig?
"Sa tingin mo, ganoon?" tanong ko kay Greg.