Chapter 4: "I LOVE YOU" VIRUS
___________________________________________
ABALA AKO SA PAGRE-REVISE ng final draft ng script para sa week 12. Deadline ko kasi ngayong alas-sais ng gabi. Kanina pa text ng text si Lanie at nangungulit sa aking deadline. Nakaka-pressure talaga kung lagi ka nang tine-text ng iyong headwriter. Bukas pa naman ang taping ng production.
"Hi, Chris! Anong sequence k n?" text ni Lanie bandang alas dos ng hapon.
"Day 3 p lng po ako," sagot ko naman.
ALAS-KUWATRO Y MEDYA. Nakatanggap naman ako ng text mula kay Direk George. Siya kasi ang magdidirek ng karamihan ng mga eksena mula sa aking script bukas.
"How's d revisions doing?" tanong niya.
"OK lng direk. Day 4 n po ako," sagot ko naman.
MGA PASADO ALAS-SINGKO NG HAPON, nag-text ako kay Lanie.
"Big prob. Nasira printer ko. Malil8 ako s dedlyn. Pwede 7pm?"
"Papupuntahin ko jan c mng lino 2 pik up ur dsket," sabi ni Lanie.
Mabuti na lang at ganoon na nga ang nangyari. Hindi ko na kailangang pumunta ng opisina at mag-print. Biglang tumunog ang aking cellphone. Kinabahan ako. Baka si Lanie uli 'yon upang sabihin na hindi pupuwede si Mang Lino para kunin ang aking diskette. Huwag naman sana. Mata-traffic ako kapag pumunta pa ako ng opisina ngayon. Lalo lang ako mahuhuli sa deadline. Nakahinga ako ng maluwag nang makita ko na si Jonathan pala ang nag-text.
- I LOVE YOU -
Virus Now
Loading...
Phone
Locked
Phone
Locked
Phone
Locked
Phone
Locked
PHONE
LOCKED
täköt kä nö?
ha!ha!ha! =:)#
Hindi ko alam kung matutuwa ako o hindi. Nagulat lang kasi ako sa unang bahagi ng mensahe. Mabuti at biro lang pala. Pero paano nga kung talagang gusto niyang sabihin ang "I love you"? Mukhang nagkakatotoo ang sinabi ni Greg. Ay, naku Christine, huwag ka nang mag-ilusyon!